mental health

[OPINYON] To inspire kahit ikaw mismo hindi inspired

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] To inspire kahit ikaw mismo hindi inspired

Janina Malinis

Maging mabuti sa kapwa. Magbahagi kahit mistulang walang-wala.

(Bahagi ng inspirational speech na binigkas sa Junior Executive Development course graduation ng isang malaking kompanya ng bangko sa bansa)

Matapos ang mahigit dalawang taon, first time ko pong magsasalita sa harap ng mga tao. Buhay, pumipintig, nangangambang mga tao. Mahigit dalawang taon na pong screen ng laptop ang kausap ko kapag may lecture sa klase o inimbitahan akong speaker sa kung ano-anong paksa. Kaya ang saya ko.

Bueno, heto po ang attempt ko at being inspirational.

Kung estudyante ako at pinasulat kami ng essay stating how I can be an inspiration, ito ang pamagat ko: “Puwede Ka Bang Maka-inspire Kahit Ikaw Mismo Hindi?”

Dahil sa totoo lang, sa limang araw na isinulat ko ang sasabihin ko sa inyo, nahihirapan akong kumbinsihin ang sarili ko na maging sagely inspirational sa panahong ito na mahirap makatagpo ng inspirasyon. Grabe ang sitwasyon natin. Highly divided ang bansa, may krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya, malaganap ang disinformation at karahasan, kaliwa’t kanan ang korapsiyon, ang mahal ng tiket sa concert ni Justin Bieber, at iba pa.

Alam ninyo, hangang-hanga ako dati sa mga kasama kong akademiko, mga professors with mostly snobbish suffixes: LlB, MFA, MBA, MA, PhD, EdD, DVD, DVD, DVD.  Kaliwa’t kanan kasi ang hugot nila sa mga konseptong banyaga na inilalapat sa kaisipang pambansa. Ang tatalino. Iyong tipong babasa ka ng kuwento tungkol sa isang batang bagong tuli at nagbago na ang pananaw sa buhay, sasabihin na ito ay bildungsroman na mula sa Germany.

O kaya itong pagtanaw natin sa mundo, existential or otherwise, tatawagin nila bilang weltanschauung na mula pa rin sa Germany. O ang konsepto ng pagpapaubaya ng mga Buddhist na Anatta. Alam ko, mas komplikado siyempre ang paliwanag dito kapag may academic conference. Babasahin ng akademiko in a very monotonous tone ang lecture sa loob ng, in the spirit of time o zeitgeist – another borrowed concept! – sa loob ng 20 minutes pero mistulang eternal dahil inip na inip ako sa pakikinig.

Marami pa nitong concept na maaari ngang nararamdaman natin gaya ng kalayaan sa paghahangad ng materyal at kamunduhan bilang katastematic pleasure na buhat naman sa Griyego. Ito mismo ang nararamdaman ko dahil sa tuwing maghahangad ako, naaalala kong wala akong pantustos sa mga materyal at makalupang hangad ko kaya ang dali kong natagpuan ang katastematic pleasure at kung paano ito nagbubunsod ng pagiging altruistic o somehow, state of selflessness. Nagbibigay nang hindi na inaalala ang sarili, ang paghahangad para sa sarili. Sa larangan ko – literature at cultural studies – nariyan ang konsepto ng imitasyon ng kung ano ang totoo o simulacrum ni Jean Baudrillard. Roughly put, bihira ang organic situation, karamihan, kung hindi man lahat, ay simulacrum. Kung babanggitin ang nagpasimula ng konsepto, sa kasong ito ay ang bantog na French scociologist na si Jean Baudrillard, side by side sa konsepto at bahagyang paliwanag nito, mas malaki ang inaccessibility factor thereby mas nagiging tunog matalino. Kung talagang gusto kong magparamdam na may natutuhan ako noong Ph.D., hihiritan ko agad ang kausap ko sa mga academic conference ng Bakhtinian dialogism para tumigil na lang kami mag-usap. Effective.

Nariyan din ang paborito kong popsterforgeist. Wala lang ito. Maganda lang pakinggan. Popster kasi ako. Fan ako ni Sarah.

Bakit ko sinasabi ito sa inspirational message? Simple lang. Kailangan kong magtunog may alam – hello, graduation ito ng mga magiging mid to top-level bankers – while pretending to be inspiring. Kaya heto, hihiramin ko ang gasgas na Latin maxim na “Nemo dat quod not habet” na ang ibig sabihin sa Ingles ay “no one gives what they do not have.”

Minsan isinasalin ito nang ganito: “You cannot give what you do not have.” O sa Tagalog, hindi mo puwedeng ibigay ang wala o hindi sa iyo. Sa batas, ini-invoke sa ilang pagkakataon ang Latin maxim kapag kinukuwestiyon ang bentahan ng ari-arian. Sino ba ang may karapatang magbenta? Resolbado ba kung sino ito? Kung nabili mo ang isang ari-arian sa isang hindi naman nagmamay-ari to begin with, may nangyari bang bentahan? Asunto na ang kasunod. Ang sakit sa ulo. Ang ilan sa inyo na magtatapos ngayon, sasakit ang ulo, tiyak ‘yan. Lalo sa usaping pera, ari-arian, ekonomiya.

Maaari ring gamitin ang Latin maxim na “Nemo dat quod not habet” sa propesyon namin bilang guro. Ano nga namang karunungan ang ibibigay namin kung hindi namin ito taglay? Kaya dito lumulunsad ang malaking parikala o irony ng papel ko ngayon sa harap ng successful bankers: anong inspirasyon ang ibibigay ko kung ako mismo hindi inspired?

Dahil manunulat na may kakayahang mag-imbento ng kuwento, kaya kong gumawa ng kuwentong inspirational para mahikayat kayong maging inspirado’t maging inspirasyon din.

Puwede namang totoong tao ang gawing inspirasyon lalo na kung ang metrics natin ng tagumpay ay from zero to mucho-mucho. Alam ninyo kung bakit maraming kuwento ng tagumpay sa gitna ng kahirapan? Kasi kailangan. Kaya ikinakalakal na rin maging ang inspirasyon.

May edad na kayo. Malaki ang tsansang sa edad ninyong iyan, narinig na ninyo lahat ang uri ng pag-inspire lalo na kung galing kayo sa sweet-talking world of sales and marketing teeming with corporate buzzwords like “synergy,” “best practices,” “benchmarkings,” “leverage.” Marami-rami na rin kayong narinig na life coach at guru na nagmo-motivate para mapataas ang sales.

Leksyon sa pagsulat

Para maiba naman sa nakasanayan ninyong marketing of inspiration, ganito inililikha ang inspiring stories para sa mga readers at viewers.

Hinahanapan ko ng pattern o formula ang magaling o maayos na pagsulat. Kung nagsusulat para sa sambayanan, at least you have the feel kung anong demographics ng sambayanan ang magbabasa sa iyo. Kung sumusulat ka para sa kapwa manunulat, iisipin mo ang mga teorya ng politika at pagsulat na maaari mong i-integrate. Kung sasali ka sa contest, iniisip mo kung ano ang hinahanap ng judges. Kung hanap-buhay ang pagsulat, sa mga stakeholders.

Pero meron ding nagsusulat para lang sa kapanatagan ng pagkatao. Totoo ito. May isa akong kakilala, nagsusulat para mai-preserve ang nalalabi niyang katinuan. Wala nang teorya at formula. Basta makapagsulat lang. Samantalang ako, nagsimulang magsulat sa campus publication,1994, para lang mabasa ako ng crush ko (18 years na kaming kasal at dalawa na ang anak namin ng crush ko).

Sa pagsusulat ng kuwento, may plot. Ito ang mangyayari. Ito ang simula, dito lalabas ang problema, dito magkakaroon ng resolusyon. Sabi ng isang kaibigan ko, balikan mo lagi ang kuwento ng Toy Story. May mithiin. Tapos haharangan ng maraming pagsubok ang paglalakbay. Kaya nga Odyssey ang tawag sa ganitong paglalakbay. Dahil iyan ang nangyari kay Odysseus, ang hari ng Ithaca. Ganyan ang tagumpay. Sa ganyan tayo nai-inspire. Sa ganyan ikinakalakal ang inspirasyon. Kinaya niya, kakayanin n’yo rin. Na-survive niya, masu-survive n’yo rin.

May formula raw sa pagpapaiyak sa mambabasa (o manonood, sa kaso ng pelikulang Filipino): kapag may nangyaring kapahamakan sa nanay (dahil predominantly, makananay tayong Filipino). May formula sa compelling love story: poor someone meets rich someone; celebrity meets ordinary; mayabang (na nagpapanggap na malakas) sa tahimik lang (pero buo ang loob).

Sa inspirational trope, kailangan lang ma-underscore ang polarity. Saan galing? Ano ang dinaanan at mga nilagpasan para magtagumpay? Staple ito sa mga reality talent shows. Isasalaysay ang mga hamon sa buhay. Mananalo dahil maraming bumoto. Ito rin ang ikinakalakal tuwing may eleksiyon. Ang kunwaring inspiring na buhay ng pulitiko.

Bilang guro ng pagsulat, I’d go for authenticity. Walang pagmamadali. Walang niretokeng buhay. Gusto ko ang randomness. Gusto kong hindi maging compartmentalized ang bawat sitwasyon. Ayoko ng kategorya kung ito ay kabiguan, kapangahasan, tagumpay, o para mapansin lang ni crush.

Kaya naman sa mga sandaling ito, ang hirap nang mangako ng genuine inspiration dahil madali nang makakuha nito kahit saan. Kahit kailan. Katatapos lang ng eleksiyon, ang daming “inspiring” stories ng pulitiko. Katatapos lang ng SEA Games, ang bawat tagumpay ng atleta ay inspirational plot. Mas genuine sila kesa sa mga photoshopped na pulitiko. Puwede talagang maka-inspire ang mga atleta.

May hindi kayang ibigay

Totoo naman, I cannot give what I do not have. Ang meron lang ako ay kuwento, pagpapatawa, at paghalungkat sa buhay ng may buhay – mag-Maritess really – para i-embed sa isinusulat ko.

What I enjoyed most lately though, as in zeitgeist lately, ay ang katastematic pleasure of not ever wanting something bigger. Oo siyempre marami akong paghahangad kaya tumataya ako sa lotto. Pero ipinauubaya ko na sa kapalaran, bilang Buddhist Anatta, ang paghahangad sa materyal na bagay. Sa halip, tinatanaw ko na ang mundo – weltanschauung! – na para bang isang bagong tao – bildungsroman! – higit sa kaya kong gawin bilang representasyon ng totoo kong buhay – hindi simulacrum ni Baudrillard – para sa tuluyan kong pagsunod sa simulain ng popsterforgeist. Dahil isa akong popster.

I-enjoy ninyo ang sandaling ito. Bilangin kung ilan lamang kayo sa ilang libong kagaya ninyo na mabibigyan ng oportunidad para palaguin ang sarili. Ito ang isang elemento ng inspirasyong hindi simulacrum: kapag na-realize mong ang katumbas ng paglago ng iyong sarili ay instrumento sa pagpapalago din ng iyong kapwa.

Bagamat may edad, baka masyado pa kayong bata para pakinggan at paniwalaan akong huwag isipin ang sarili. Na maging altruistic. Okay lang na sundin ang gusto, ang hilig, ang ephemeral na pangarap. Pero nasa pagbibigay ang tunay na inspirasyon higit sa kuwentong kayang likhain ng pulitikong may pambayad sa isang magaling na campaign, ad, o PR agency para magmukha siyang inspiring.

Magbigay. Higit sa personal na bagay at ari-ariang kaya nating ibigay, magbahagi ng sarili, ng pag-unawa. Makinig. Kumalinga. Ibahagi ang sarili. You can always give. You always have something to give. Maghangad hindi para sa sarili. Maghangad para sa kabutihan ng kapwa. Kaya hindi mangyayari sa isang totoong mapagbigay ang “Nemo dat quod not habet.”

Ngayon, babalikan ko ang tanong sa essay piece: Puwede ka bang maka-inspire kahit ikaw mismo hindi? Puwede ka bang magbigay ng wala sa iyo? Mayroon ka lagi. Pero do not feign inspiration as validation ng iyong pagsisikap. Para ka lang pulitikong naghahangad maging inspirasyon para manalo sa eleksiyon.

Maging mabuti sa kapwa. Magbahagi kahit mistulang walang-wala. – Rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!