Overseas absentee voting

#PHVote Guides: Simula na ng overseas voting, puwede pa bang mangampanya?

Michelle Abad

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#PHVote Guides: Simula na ng overseas voting, puwede pa bang mangampanya?
Ayon sa Korte Suprema, labag sa Konstitusyon ang pagbabawal ng Overseas Voting Act dahil inaapakan nito ang karapatan sa malayang pamamahayag

MANILA, Philippines – Buhay na buhay ang campaign period sa Filipinas para sa eleksiyon sa 2022 – naglilibot ang mga kandidato at ang kanilang mga tagasuporta at boluntaryo upang kumbinsihin ang mga botante na sila ang piliin.

Base sa mga tuntunin ng Commission on Elections (Comelec), hanggang Mayo 7 lamang maaaring mangampanya. Dalawang araw ito bago ang halalan.

Teka, hindi ba nagsimula na noong Abril 10 ang pagboto ng mga Filipino na nasa ibang bansa? Ang ibig sabihin ba nito ay hindi na maaaring mangampanya sa kanila ang mga kandidato? At hindi na rin ba puwedeng mangampanya ang overseas voters para sa kanilang mga kandidato?

Ano ang sinasabi sa batas tungkol sa pangangampanya sa mga Filipino sa ibang bansa?

Ayon sa Section 22 ng Republic Act 10590 o Overseas Voting Act, na naaprobahan noong 2012, ang pangangampanya sa mga Filipino sa ibang bansa ay sakop ng batas sa pangangampanya na umiiral sa Filipinas.

All forms of campaigning abroad within the 30-day overseas voting period shall be prohibited,” ang sabi ng batas. (Lahat ng uri ng pangangampanya sa ibang bansa ay ipinagbabawal sa loob ng 30 araw ng botohan.)

Ipinagbabawal din sa Section 36.8 ng batas na lumahok sa partisan o may pinapanigan na mga aktibidad sa ibang bansa sa loob ng 30 araw na botohan.

It shall be unlawful…for any person to engage in partisan political activity abroad during the 30-day overseas voting period,” sabi sa Section 36.8.

Bawal pa rin o puwede nang mangampanya?

Noong eleksiyon nang 2016, kinuwestiyon ng isang dual citizen ang Section 36.8 at ang resolusyon ng Comelec na nagpapatupad nito.

Ayon sa petitioner sa kasong Loida Nicolas-Lewis vs. Comelec, na isinampa sa Supreme Court (SC), dahil sa batas na ito, libo-libong Filipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang pinagbabawalan ng mga embahada at konsulado na mangampanya para sa kanilang mga kandidato sa pamamaraan ng information campaigns, rallies, at outreach.

Naglabas ang SC ng temporary restraining order (TRO) sa mga tuntunin na ito noong Abril 19, 2016.

Noong Agosto 2019, nagdesisyon ang SC na labag sa Konstitusyon ang Section 36.8 ng Overseas Voting Act dahil inaapakan nito ang karapatan sa malayang pamamahayag. Ginawang permanente na ang TRO laban dito.

Sa madaling salita, maaari pa ring mangampanya sa ibang bansa kahit nagsimula na ang botohan.

Maaari bang mangampanya sa buong 30 araw?

Ayon kay Emil Marañon, na isang election lawyer, pareho lang ang campaign period sa Filipinas at sa ibang bansa. Ang campaign period para sa mga pambansang posisyon – na pagbobotohan ng mga Filipino sa abroad – ay mula Pebrero 8 hanggang Mayo 7.

Ibig sabihin, tulad ng mga Filipino sa Filipinas, bawal na ring mangampanya ang mga botante abroad pagkatapos ng Mayo 7.

Sabay-sabay ding magtatapos ang botohan kapag nagsara na ang mga presinto sa Filipinas – iyan ay ika-7 ng gabi sa Mayo 9 at sa katapat nitong oras sa anumang time zone ng mga botante sa ibang bansa. – Rappler.com 

Base sa Ask Your Election Lawyer: Malayo man, malapit din…ang boto, na ipinalabas noong Abril 4, 2022.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Clothing, Apparel, Person

author

Michelle Abad

Michelle Abad is a multimedia reporter at Rappler. She covers the rights of women and children, migrant Filipinos, and labor.