Bongbong Marcos

6 na sagot sa mga tanong tungkol sa pag-aaral ni Bongbong Marcos sa Oxford

Loreben Tuquero
6 na sagot sa mga tanong tungkol sa pag-aaral ni Bongbong Marcos sa Oxford

Marcos photo by Jacqueline Hernandez/Rappler

Ang isyu sa edukasyon ni Bongbong Marcos ay ang paulit-ulit niyang pagsisinungaling tungkol dito, na paulit-ulit ding ikinakalat ng mga tagasuporta niya sa social media

Anim na taon mula nang unang nabungkal na hindi nakapagtapos sa Oxford University sa United Kingdom ang dating senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kumakalat na naman ang mga sabi-sabi tungkol dito sa social media.

Kamakailan lamang, naghain ng certificate of candidacy si Marcos para sa pagkapresidente sa 2022 elections. Lumalaki ang presensiya ng kanyang mga tagasuporta, at dumarami rin ang mga kasinungalingan na ikinakalat nila.

Suriin natin ang mga detalye ng mga post tungkol sa pag-aaral ni Marcos sa Oxford University, at kung ano ang totoo.

Nag-aral ba si Marcos sa Oxford University?

Kinumpirma ng Oxford University na nagmatrikula si Marcos dito noong 1975, ngunit hindi siya nakapagtapos sa programa na BA in Philosophy, Politics, and Economics (PPE). Ipinagkaloob sa kanya ang Special Diploma in Social Studies noong 1978.

Ano ang kaibahan ng special diploma at bachelor’s degree?

Hindi katumbas ng special diploma ang bachelor’s degree.

Ayon kay Robert Wilkins ng St. Edmund Hall ng Oxford University, ang special diploma ay isang kurso na pangdalawang taon, at nagsisilbing pundasyon para sa karagdagang pag-aaral ng PPE para sa pang-final na nibel.

Kung totoong hindi nakapagtapos si Marcos, bakit may kumakalat na larawan niyang kabilang sa mga estudyante ng Oxford?

Mayroong pananda ang larawang ito na nagsasabing “The Freshmen 1975.” Ibig sabihin, hindi ito patunay na nakapagtapos si Marcos sa Oxford, dahil litrato ito ng mga nasa unang antas pa lamang noong taong pang-akademikong 1975-1976.

Kung hindi nakapagtapos si Marcos sa Oxford, bakit nasa listahan siya ng 100 notable alumni nito, ayon sa EduRank?

Hindi limitado ang listahan ng EduRank sa mga nakakuha ng degree o nakapagtapos ng kurso sa Oxford. Nakasaad sa website nito na kasali sa listahan ang mga sikat na gradweyt, dating estudyante, at mga research at academic staff ng unibersidad.

Sinabi rin ng EduRank sa methodology nito na hindi sila gumagamit ng datos na galing mismo sa mga eskuwelahan. Nangangalap lang sila ng mga datos na maaaring magamit ng publiko.

Ano pa ang ibang kasinungalingan ni Marcos tungkol sa kaniyang edukasyon?

Inilista rin ni Marcos sa kanyang profile sa Senate website na bahagi ng kaniyang edukasyon ang pagkakaroon ng master’s degree sa Business Administration mula sa Wharton School of the University of Pennsylvania.

Ngunit kinumpirma sa Rappler ni Justin McDaniel, isang propesor sa University of Pennsylvania, na tumigil sa pag-aaral si Marcos noong 1981 at hindi na siya nakapagtapos. Kinausap ni McDaniel ang direktor ng MBA program ng pamantasan.

Bakit isyu ang edukasyon ni Marcos?

Hindi kailangang nakapagtapos ng kolehiyo ang sinumang politiko. Hindi ito kabilang sa mga kalipikasyon para sa pagtakbo sa anumang posisyon. Ang isyu sa edukasyon ni Marcos ay ang paulit-ulit niyang pagsisinungaling tungkol dito, na paulit-ulit ding ikinakalat ng mga tagasuporta niya sa social media.

– Rappler.com

Loreben Tuquero

Loreben Tuquero is a researcher-writer for Rappler. Before transferring to Rappler's Research team, she covered transportation, Quezon City, and the Department of the Interior and Local Government as a reporter. She graduated with a communication degree from the Ateneo de Manila University.