HINDI TOTOO: Proyekto ni Bongbong Marcos ang Bangui Wind Farm sa Ilocos Norte

Buod
  • Ang sabi-sabi: Proyekto raw ni Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang Bangui Bay Wind Farm na matatagpuan sa Ilocos Norte.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Proyekto ito ng NorthWind Power Development Corporation (NPDC), base sa wind mapping study na isinagawa ng National Renewable Energy Laboratory (NREL) ng Estados Unidos noong 1996.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, ang naturang post ay mayroon nang 349 reactions, 68 comments, at 118 shares. Ikinakalat din ang sabi-sabing ito sa mismong opisyal na Facebook page ni Marcos na sa kasalukuyan ay mayroon nang mahigit 41,000 reactions, 5,900 comments, at 19,000 shares.
Mga detalye

Isang post ng Facebook page na “Marcos Legacy” noong September 8, 2021, ang nagsasabing proyekto raw ni Bongbong Marcos ang Bangui Bay Wind Farm na matatagpuan sa Bangui, Ilocos Norte.

“‘We can be proud of Bongbong Marcos' Windmill project in Bangui, Ilocos Norte...’ ‘This is one of the legacies of Bongbong Marcos even though he is not yet president.

That's just one more (sic) thing, what if he becomes president? A Bongbong Marcos can do more than that,’ ” ayon sa post ng Facebook page.

(Maipagmamalaki natin ang Windmill project ni Bongbong Marcos sa Bangui, Ilocos Norte. Isa ito sa mga pamana ni Bongbong Marcos kahit hindi pa siya presidente. Iisa pa lang itong halimbawa, papaano pa kaya kung presidente na siya? Marami pang magagawang ang isang Bongbong Marcos.)

Ipinapakita nito ang larawan ni Marcos kasama ang windmills sa kaniyang likuran. May nakasulat sa larawan na “one of the biggest legacies of Bongbong Marcos is its (sic) Windmill project in Bangui, Ilocos Norte

(Isa sa mga pinakamalaking pamana ni Bongbong Marcos ay ang Windmill project sa Bangui, Ilocos Norte.)

Mayroon nang 349 reactions, 68 comments, at 118 shares ang post. Ikinakalat din ang sabi-sabing ito sa mismong opisyal na Facebook page ni Marcos na sa kasalukuyan ay mayroon nang mahigit 41,000 reactions, 5,900 comments, at 19,000 shares.

Maraming nagpadala ng mga post na ito sa email ng Rappler para ma-fact-check.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ang Bangui Bay Wind Farm ay proyekto ng NorthWind Power Development Corporation (NPDC) na kanilang ibinase sa wind mapping study na isinagawa ng National Renewable Energy Laboratory (NREL) ng Estados Unidos noong 1996.

Sa pag-aaral ng NREL, isang pambansang laboratoryo ng Estados Unidos na nakatuon sa pananaliksik patungkol sa renewable energy at energy efficiency, kinakitaan ng potensiyal ang Ilocos Norte bilang isa sa mga lugar sa Filipinas na maaaring mapagkunan ng enerhiya mula sa hangin.

Ayon sa ulat na inilabas ng World Wide Fund for Nature (WWF), isang pandaigdigang organisasyon na nangangalaga sa kalikasan, sinamantala ng NPDC ang pagkakataong ito upang magtayo ng kauna-unahang Wind Farm sa Southeast Asia noong 2005. Ang NPDC ay isang kompanyang pagmamay-ari na ngayon ng AC Energy Holdings ng mga Ayala.

Naisakatuparan ang proyekto noong nakipagtulungan ang World Bank sa NPDC upang ito ay mapondohan.

The Project (Bangui Bay Project) would not only be the first of its kind in the Plilippines, in fact it will be the first in the whole ASEAN. World Bank through its PCF (Prototype Carbon Fund) has entered into an agreement with NorthWind on the purchase of Carbon Credits,” ayon sa isang dokumento ng World Bank noong 2004.

(Ang proyektong ito ay hindi lamang magiging kauna-unahan sa Filipinas, sa katunayan ito ay magiging kauna-unahan sa buong ASEAN. Sa pamamagitan ng PCF (Prototype Carbon Fund), nakipagkasundo ang World Bank sa NorthWind upang pondohan ang pagbili ng Carbon Credits o sertipiko na nagbibigay ng permiso sa isang korporasyon na maglabas ng isang toneladang carbon dioxide.)

Ayon din sa datos ng Department of Energy na inilabas noong Disyembre 2020, mayroon lamang tatlong Wind Power Plants sa Ilocos Norte at ito ay ang mga sumusunod:

  • Bangui Wind Power – proyektong sinimulan ng NPDC at pinondohan ng World Bank.
  • Burgos Wind – proyektong itinayo at pagmamay-ari ng EDC Burgos Wind Power Corporation.
  • Caparispisan Wind – proyektong sinimulan ng North Luzon Renewable Energy Corporation at pinondohan ng AC Energy Holdings Incorporated, Philippines Alliance for Infrastructure, at UPC Philippines Wind Holdco.

Bagaman sinuportahan ni Marcos ang pagtatayo ng mga ito, wala ni isa sa mga proyektong ito ang binuo o pinondohan niya. Nagkataon lamang na siya ang gobernador ng probinsya noong sinimulan ang nasabing Bangui Bay Project.

Kinumisyon ang nasabing proyekto noong 2005 at ipinagpatuloy ang phase III nito noong 2014. – Mark Vincent Tolibao/Rappler.com

Si Mark Vincent Tolibao ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact checklabanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.