Election fact checks

HINDI TOTOO: Na-disqualify na ng Comelec ang Kabataan, Bayan Muna sa party list

Rappler
HINDI TOTOO: Na-disqualify na ng Comelec ang Kabataan, Bayan Muna sa party list
Noong Oktubre 25, ang dalawang organisasyon ay nasa partial list pa ng mga organisasyon at partido na pinahihintulutan ng Comelec na lumahok sa party list sa 2022
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ayon sa headline ng bidyo, diniskalipika na ng Commission on Elections (Comelec) ang Kabataan Partylist at Bayan Muna sa party-list election.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Noong Oktubre 25, ang dalawang organisasyon ay nasa partial list pa ng mga organisasyon at partido na pinahihintulutan ng Comelec na lumahok sa party list. May nakasampang disqualification petition laban sa Kabataan Partylist, pero hindi pa ito dinedesisyunan ng Comelec. Walang petisyon laban sa Bayan Muna.
  • Bakit kailangang i-fact check: Ipinadala sa Facebook group na “Fact-checking in the Philippines” ang sabi-sabing ito para sa beripikasyon. Mayroon nang 12,000 reactions, 1,300 comments, at 213,000 views ang bidyo nang isulat itong fact check. 
Mga detalye

In-upload ng Facebook page na “PH – EU Öfficial” ang vlog ng Youtuber na si Banat By noong Oktubre 27, at nilagyan ng headline na “KABATAAN AT BAYAN MUNA DISQUALIFY NA SA COMELEC!” upang magmukhang balita. 

Mayroon nang 12,000 reactions, 1,300 comments, at 213,000 views ang bidyo nang isulat itong fact check. 

Mali ang nakasaad sa headline. 

Noong Oktubre 25, ang dalawang organisasyon ay nasa partial list pa ng mga organisasyon at partido na pinahihintulutan ng Comelec na lumahok sa party list sa 2022. May nakasampang disqualification petition laban sa Kabataan Partylist, pero hindi pa ito dinedesisyunan ng Comelec. Walang petisyon laban sa Bayan Muna.

Magkaiba ang sinasabi ng headline sa ipinahahayag ng bidyo. Sa comments section ng bidyo ng Facebook page, may mga nakapansin na hindi pa naman daw pala tuluyang nadidiskalipika ang dalawang party-list organization. 

Ang bidyong in-upload ng nasabing Facebook page ay hinango mula sa livestream ni Banat By noong Oktubre 27. Sa livestream na ito, ni-replay niya ang panayam niya kay Major General Rhodel Sermonia, kung saan napag-usapan nila ang diskalipikason ng dalawang organisasyon na hinihiling ng national anti-communist task force. 

Tinanong ng vlogger kung ano na ang update sa isinampang petisyon para i-disqualify ang mga nasabing party-list groups. Sa markang 1:48 ng panayam, sumagot si Sermonia na “’Yong Kabataan Partylist at Bayan Muna, kung hindi po ako nagkakamali ay malapit na silang madisqualify.”

Naghain ng petisyon ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang ma-disqualify ang Gabriela Women’s Party dahil sa diumano’y legal front ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army, at ang Kabataan Partylist dahil sa umano’y plano nitong pagpapabagsak sa gobyerno. Parehas na pinabulaanan ng dalawang party-list ang mga akusasyon sa kanila. 

Ang Gabriela at Kabataan ay parte ng progresibong Makabayan Bloc, na kinabibilangan din ng ACT Teachers, Bayan Muna, at Anakpawis. 

Sa Nobyembre 30 pa ilalabas ng Comelec ang opisyal na listahan ng mga nominado sa party-list election. – Dianne Sampang/Rappler.com

Si Dianne Sampang ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.