Election fact checks

HINDI TOTOO: Ibinasura na ng Comelec lahat ng kaso ng diskalipikasyon laban kay Marcos

Rappler.com
HINDI TOTOO: Ibinasura na ng Comelec lahat ng kaso ng diskalipikasyon laban kay Marcos
Mayroon pang anim na natitirang kaso laban sa pagtakbo ni Marcos sa pagkapangulo
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ibinasura na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga petisyon para sa diskalipikasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2022 halalan. 
  • Hatol: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Mayroon pang anim na natitirang kaso laban sa pagtakbo ni Marcos sa pagkapangulo.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Mayroon nang 13,862 views ang isang bidyo na naglalaman nitong sabi-sabi.
Mga detalye

Ayon sa isang bidyo ng YouTube channel na “SHOWBIZ CHIKA-DORO,” ibinasura na ng Comelec ang mga petisyon para sa diskalipikasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2022 halalan.

Pinamagatan ang bidyo na “DENY ang PETITION LABAN kay BBM/IYAK DILAWAN? BBM at SARA NO.1 PA SURVEY at TUMAAS pa LALO!” Ini-upload ito nang ika-13 ng Disyembre.

Sabi sa bidyo, “Ito [ang] kakapasok lang na magandang balita para sa mga BBM-Sara supporters na tila tuloy na tuloy na ang pagtakbo ni Bongbong Marcos matapos ibasura ng Comelec ang mga disqualification case ni BBM.”

Mayroon nang 13,862 views ang isang bidyo na naglalaman nitong sabi-sabi nang isinulat itong fact check.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Mayroon pang anim na petisyon laban sa pagtakbo ni Marcos sa 2022 halalan. Kabilang dito ang dalawang petisyon upang kanselahin ang kanyang certificate of candidacy (COC) at apat na petisyon para sa kanyang diskalipikasyon.

Must Read

Point by point: Cases vs Bongbong Marcos’ candidacy and his answers so far

Point by point: Cases vs Bongbong Marcos’ candidacy and his answers so far

Ibinasura na ng Comelec ang isang petisyon na ideklara si Marcos bilang nuisance bet dahil hindi raw sapat ang patunay ng naghain ng petisyon.

May isa namang petisyon upang kanselahin ang COC ni Marcos na papalapit na sa resolusyon. Inihain ito ng mga civic leaders na kinakatawan ng dating tagapagsalita ng Korte Suprema na si Ted Te.

Ang argumento nila, pinalsipika raw ni Marcos ang kanyang COC nang sabihin niyang maaari siyang mahalal, kahit diskalipikado na raw dapat siya, dahil napatunayan na siyang may sala sa hindi pagbayad ng kanyang income tax returns mula 1982 hanggang 1984.

Tinanggihan din ng Comelec ang lahat ng intervention na may kinalaman sa kasong ito, upang mapabilis ang resolusyon nito.

Tatakbo si Marcos sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas at ang kanyang running mate ay ang alkalde ng Davao City na si Sara Duterte ng Lakas-CMD. – Loreben Tuquero/Rappler.com

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.