Fact checks about countries

KULANG SA KONTEKSTO: Paghahambing ng microenterprises sa PH at US

KULANG SA KONTEKSTO: Paghahambing ng microenterprises sa PH at US
Base sa datos ng PSA para sa 2020, 88.77% ng mga negosyo sa bansa ay mga microenterprise, na hindi nalalayo sa halos 90% sa US
Buod
  • Ang sabi-sabi: Kung karamihan sa mga negosyo sa United States ay microenterprises, baligtad ang sitwasyon sa Pilipinas, kaya umano kakaunti ang umaasenso sa bansa.
  • Marka: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Base sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa 2020, 88.77% ng mga negosyo sa bansa ay microenterprises. Hindi ito nalalayo sa halos 90% sa US na nabanggit sa Facebook post. 
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nasa post ito ng Facebook page na “PSSAP MEDIA” noong Nobyembre 14. Nang isinulat ang fact check,   nakakalap na ito ng humigit-kumulang sa 1,300 na reaksiyon, 94 na komento, at 527 shares.
Mga detalye

Ayon sa isang post ng Facebook page na “PSSAP MEDIA” noong Nobyembre 14, magkabaligtad ang dami ng microenterprises sa mga negosyo sa Pilipinas at United States.

“Sa USA halos 90% ng negosyo ay micro, pero dito sa atin baliktad na kaya bibihira lang na umaasenso ang mga maliliit na negosyo kasi kinakain lang ito ng mga higanteng korporasyon,” ayon sa post. 

Nang isinulat ang fact check, mayroon nang humigit-kumulang sa 1,300 na reaksiyon, 94 na komento, at 527 shares ang nasabing post. 

Kulang sa konteksto ang pahayag.

Mayroong mga datos ang Philippine Statistics Authority (PSA) tungkol sa mga negosyo sa bansa noong 2020, ang huling taon na may datos. Kasama rito ang mga datos tungkol sa mga micro, small, and medium enterprises o MSME. Makikita ito sa website ng Department of Trade and Industry (DTI), at nasa dokumento ring pinamagatang  “2020 MSME Statistics in Brief.”

Ayon sa mga datos, may 957,620 na negosyo sa buong Pilipinas na nakalap ng PSA. Sa mga iyon, 850,127 ang itinuturing na microenterprises, o katumbas ng 88.77%. Hindi ito nalalayo sa sinabi sa post na porsiyento ng mga micro enterprises sa US na 90%, na makikita rin sa isang report ng US Small Business Administration.

Ang small enterprises naman ay 98,126 o 10.25%, at ang mga medium enterprises naman ay 4,716 o 0.49%. Kasama ang microenterprises, binubuo nilang tatlo ang mga MSME na 952,969 o 99.51% ng mga negosyo sa bansa. Ang mga natitira ay mga large enterprises na 4,651 lamang o 0.49%. 

Ikinumpara rin ng post ng “PSSAP MEDIA” ang kalagayan ng mga negosyo sa Pilipinas noong panahon ng dating pangulong Ferdinand Marcos sa kalagayan ng mga ito ngayon. Mayroon din itong ilang pahayag tungkol sa mga pamilihang KADIWA na itinatag ng gobyerno noong administrasyong Marcos.

Na-fact-check na ng Rappler ang Facebook page na “PSSAP MEDIA” na pawang ang nilalaman ay puro mga pahayag tungkol sa administrasyon ni Marcos at sa pamilya niya, pati na rin ang halos kapangalang page na “PSSAP UNDERGROUND MEDIA” na pareho rin ang mga paksang tinatalakay. Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay isang volunteer na nakapagtapos ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.