Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Si Ferdinand Marcos ang nagpagawa ng MRT at PNR

Rappler.com
HINDI TOTOO: Si Ferdinand Marcos ang nagpagawa ng MRT at PNR
Noong 1892 pa nagsimula ang operasyon ng PNR, panahon ng mga Kastila. Samantala, noong 1989, ilang taon na matapos mapatalsik ang diktador na si Marcos, nagsimula ang bidding para kontrata sa paggawa ng MRT-3.
Buod 
  • Ang sabi-sabi: Si dating pangulong Ferdinand Marcos ang nagpagawa ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT) at Philippine National Railways (PNR).
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Noong 1892 pa nagsimula ang operasyon ng PNR, panahon ng mga Kastila. Samantala, noong 1989, ilang taon na matapos mapatalsik ang diktador na si Marcos, nagsimula ang bidding para kontrata sa paggawa ng MRT-3.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Ilang magkakahawig na paskil ang nagpapakalat ng naturang kasinungalingan sa Facebook.
Mga detalye

Sinita ng ilang magkakahawig na paskil sa Facebook ang mga bumabatikos sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos dahil patuloy anilang pinapakinabangan ng mga ito ang mga ipinagawa ng diktador. 

“Wag kayo sumakay sa mga train (LRT, MRT at PNR),” hamon ng mga awtor ng magkakahawig na paskil. 

Kasama sa naturang pahayag ang mga hashtag na #SOLIDBBMFORPRESIDENT2022 at #SolidMarcos.

Hindi totoong si Marcos ang nagpatayo ng MRT at PNR. 

Noong 1892 pa nagsimula ang operasyon ng Pambansang Daangbakal ng Pilipinas. Matapos ilatag ang kauna-unahang riles sa linya ng Manila-Dagupan Ferrocaril noong 1891, tinawag ang nasabing nagpapatakbo ng tren bilang “Ferrocarril de Manila-Dagupan” noong panahon ng mga Kastila, habang “Manila Railroad Company” naman ang itinawag dito noong panahon ng mga Amerikano. 

Noong 1964, sa bisa ng Republic Act No. 4156, sa ilalim ng administrasyon ni presidente Diosdado Macapagal, pinalitan ang naunang pangalan ng naturang nagpapatakbo ng tren at ginawang “Philippine National Railways.” 

Samantala, nagsimula lamang ang bid para sa pagpapatayo ng MRT noong 1989, ilang taon na matapos patalsikin ng sambayanan ang diktador na si Marcos. (BASAHIN: FALSE: No president after Marcos built mass transit projects). – Rochel Ellen Bernido/Rappler.com 

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.