Fact check - private individuals

HINDI TOTOO: Listahan ng mga tagapamahala sa Angat Buhay NGO

Rappler.com
HINDI TOTOO: Listahan ng mga tagapamahala sa Angat Buhay NGO
Sa Hulyo 1, o isang araw pagkababa ni Robredo sa puwesto, opisyal na itatayo ang Angat Buhay NGO. Wala pang opisyal na listahan para sa mga manunungkulan sa ilalim nito.
Buod
  • Ang sabi-sabi: May gabinete na umano ang Angat Buhay Foundation, o ang non-government organization (NGO) na itatayo ni Bise Presidente Leni Robredo pagkatapos ng kanyang termino. Kasama sa listahan sina Kiko Pangilinan, Alex Lacson, Sonny Matula, Chel Diokno, Antonio Trillanes IV, Angel Locsin, Teddy Baguilat, at Leila de Lima.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Hindi pa opisyal na naitatayo ang naturang NGO, at wala pang listahan ng mga manunungkulan dito. Samantala, sa isang Instagram story, pinabulaanan ni Angel Locsin ang naturang listahan.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Marami nang paskil sa Facebook, mula sa parehong kampo ng mga tagasuporta nina Robredo at Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang nagpapakalat ng naturang kasinungalingan.
Mga detalye

Sa isang kumakalat na listahan sa Facebook, pinangalanan ang mga umano’y bubuo ng “Angat Buhay Foundation,” isang non-government organization (NGO) na ilulunsad ni Bise Presidente Leni Robredo pagkatapos ng kanyang termino.

Kaugnay nito, isang paskil sa Facebook ang naglagay ng caption na, “Gara, may sariling gabinete, parang may sariling bansa.” Kabilang sa mga umano’y mamamahala sa naturang inisyatiba ang sumusunod:

  • Agrikultura – Kiko Pangilinan
  • Edukasyon – Atty. Alex Lacson
  • Trabaho – Atty. Sonny Matula
  • Karapatan – Atty. Chel Diokno
  • Seguridad – Antonio Trillanes
  • Disaster and Emergency Relief – Angel Locsin
  • Kultura at Kasaysayan – Teddy Baguilat
  • Kababaihan – Leila de Lima

Hindi totoo ang sabi-sabing ito. Hindi pa opisyal na naitatayo ang naturang NGO, at wala pang listahan ng mga manunungkulan dito. 

Noong Biyernes, Mayo 13, inanunsyo ni Robredo sa isang thanksgiving event sa Ateneo de Manila University ang pagbuo ng Angat Buhay NGO. Ito ay itatayo sa Hulyo 1, o isang araw matapos niyang bumaba sa pagka-bise presidente. 

Plano para sa naturang NGO na makipag-ugnayan sa mga Robredo People’s Council sa iba’t ibang mga probinsiya. Sa kabilang banda, hindi pa nagbabanggit o nagtatalaga ng kahit sino mula sa kumakalat na listahan ng mamumuno sa ilalim nito. 

Pinabulaanan din ni Angel Locsin sa kanyang Instagram story ang kumakalat na listahan. Aniya, “Sorry, this is not true po (Pasensya na, hindi po ito totoo).”

Samantala, nagpaalala ang opisyal na pahina sa Facebook ng Bise Presidente na “maging maingat at mapanuri sa mga iba’t ibang nagpapakilala bilang bahagi ng NGO.”  – Rochel Ellen Bernido/Rappler.com 

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.