Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Naitago ni Marcos Sr. ang mga ginto nina Hitler at Yamashita

Rappler.com
HINDI TOTOO: Naitago ni Marcos Sr. ang mga ginto nina Hitler at Yamashita
Walang historikal na batayan na mayroon ngang pisikal na 'ginto' si Yamashita. Wala ring rekord na may nakuhang 'Nazi gold' si Marcos, habang nanatili namang 244,000 metric tons pa lang ang nadidiskubreng ginto sa buong mundo.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Naitago ni Ferdinand Marcos ang ilang bahagi ng mga gintong ninakaw nina Adolf Hitler, yumaong diktador ng Alemanya, at General Tomoyuki Yamashita, heneral ng Imperial Japanese Army.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Walang ebidensiya sa kasaysayan na may tone-toneladang ginto nga si General Yamashita. Wala ring rekord na may nakuhang “Nazi gold” si Marcos. 
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 1 milyong views, 60,000 na reaksiyon, at 4,500 komento ang bidyong nagpapakalat ng maling impormasyon sa Facebook.
Mga detalye

Ayon sa nag-viral na bidyo ng “Kaalam PH,” may mga naitagong ginto ang yumaong diktador na si Ferdinand Marcos. 

Mula raw ang mga ito sa mga pinagnanakaw na ginto nina Adolf Hitler, yumaong diktador ng Alemanya, at General Tomoyuki Yamashita, heneral ng Imperial Japanese Army, noong kasagsagan ng World War II. Hindi binigyang paliwanag kung paano ito nakuha ni Marcos, pero giit ng vlogger, “950,000 metric tons” ang dami ng naturang ginto. 

Hindi totoo ang sabi-sabing ito. 

Sa isang artikulo ni Piers Kelly, isang linguistic anthropologist, ipinunto niya ang kawalan ng malinaw at historikal na batayan na mayroon ngang pisikal na “ginto” si Yamashita. 

Aniya, walang binanggit na kahit ano ukol dito sa mga naisalin na pag-uusap ng mga militar na Hapon. Noong huling bahagi ng giyera, naging imposible rin ang transportasyon ng ginto sa panahon kung saan mahirap ang akses ng mga ito sa mga lupain maging sa karagatan. 

Wala ring rekord na may nakuha si Marcos mula sa tinaguriang “Nazi gold.”

Sa kasalukuyan, 244,000 metric tons pa lang na ginto ang nadidiskubre sa buong mundo. Malayo ito sa binanggit sa vlog ng “Kaalam PH” na mayroong “950,000 metric tons” ng ginto na nakabaon sa Pilipinas. Una na itong pinabulaanan sa isang artikulo ng Rappler na pinamagatang “HINDI TOTOO: Nagmamay-ari ng ‘milyong tonelada ng ginto’ ang pamilyang Marcos.– Rochel Ellen Bernido/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.