Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Hindi ibinalita ng midya ang pagdalo ni Bongbong Marcos sa seremonya para sa SAF 44

Rappler
HINDI TOTOO: Hindi ibinalita ng midya ang pagdalo ni Bongbong Marcos sa seremonya para sa SAF 44
Nabanggit ng iba’t-ibang mga sources, kabilang na ang ilang outlets ng midya, ang presensiya ni Bongbong Marcos sa seremonyang iyon
Buod
  • Ang sabi-sabi: Hindi ibinalita ng midya ang pagdalo ni dating senador at ngayon ay kandidato sa pagkapangulo at na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagdating ng mga labi ng 42 sa 44 na nasawing pulis na kasapi ng Special Action Force, na mas kilala sa tawag na “SAF 44,” sa Villamor Airbase noong Enero 29, 2015.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Nabanggit ng iba’t-ibang sources, kabilang na ang ilang outlets ng midya, ang presensiya ni Bongbong Marcos sa okasyong iyon.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita ang sabi-sabi sa isang post na ginawa noong Oktubre 13 sa Facebook page na “Bongbong Marcos Supporters.” Ang post ay mayroon nang humigit-kumulang sa 62,000 na reaksiyon, 4,900 na komento, at 25,000 shares nang isinulat ang fact check. Napag-alaman din gamit ang CrowdTangle na kumakalat ang post na ito sa iba pang Facebook pages. 
Mga detalye

Isang post noong Oktubre 13 sa Facebook page na “Bongbong Marcos Supporters” ang nagsasabing hindi ibinalita ng midya ang presensiya dating senador at ngayon ay kandidato sa pagkapangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagdating noong Enero 29, 2015, sa Villamor Airbase ng labi ng 42 sa 44 na nasawing pulis na kasapi ng Special Action Force (SAF).

Matatandaang 44 na pulis ay nasawi sa engkuwentro laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, isang bayan sa Maguindanao. Tinagurian silang “SAF 44.” Nauna nang mailibing ang dalawang biktima kaya 42 na labi na lamang ang inilipad pa-Maynila. (BASAHIN: TIMELINE: Mamasapano clash)

Ito ang sabi sa post: “Hindi po kami nagpapalaganap ng fake news. Andito po siya (Bongbong Marcos) nong kasagsagan ng saf 44..syempre di ibabalita ng media yan.

Kasama sa post ang ilang larawan kung saan makikita si Marcos sa okasyon.

Nang isinulat ang fact-check, ang post ay nakapagtamo na ng humigit-kumulang sa 62,000 na reaksiyon, 4,900 na komento, at 25,000 shares. Napag-alaman din gamit ang CrowdTangle na kumakalat ang post na ito sa iba pang Facebook pages, kabilang ang “LABAN PINAS,” “LABAN PINAS 2,” at “DU30 Media Network.”

Hindi totoo ang pahayag na walang ulat ang midya na nagbanggit ng presensiya ni Marcos sa seremonyang ito.

May mga balita galing sa iba’t-ibang outlets ng midya na binanggit ang presensiya ni Marcos, kasama ang iba pang mga panauhin. Kabilang dito ay ang mga sumusunod na artikulo:

May artikulo rin ang Rappler na nagbanggit ng presensiya ni Marcos sa pangyayaring iyon. (BASAHIN: Hero’s welcome: Slain PNP-SAF back home

Ipinakita rin sa isang Twitter post ng ABS-CBN News Channel o ANC noong Enero 29, 2015, na nagbigay-pugay si Marcos sa mga labi ng mga kasapi ng SAF, at isang photo release ng Senado noong Nobyembre 10, 2015, ang nagpakita ng pakikiramay niya sa mga pamilya ng nasawi.

Matatandaang hindi nagpakita ang noon ay pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagsalubong sa mga labi ng 42 na nasawing SAF members sa sa Villamor Airbase. Sa halip, dumalo si Aquino sa inagurasyon ng isang planta ng Mitsubishi, bagay na pinuna ng netizens. Dumalo naman si Aquino sa necrological services na idinaos isang araw pagkatapos, noong Enero 30, 2015. (BASAHIN: Aquino skips welcome honors for slain cops; Aquino pays tribute to PNP SAF 44) – Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.