Disaster Fact Checks

FACT CHECK: Hindi super typhoon ang bagyong Hanna, walang Signal No. 5

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FACT CHECK: Hindi super typhoon ang bagyong Hanna, walang Signal No. 5
Sa kasalukuyan, walang wind signal warning na nakataas sa alinmang bahagi ng bansa dahil sa Bagyong Hanna

Ang sabi-sabi: Itinaas na ang Signal No. 5 sa Pilipinas ngayong Biyernes, Setyembre 1, dahil sa Bagyong Hanna. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang YouTube video na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 73,057 views. Ini-upload ito ng isang YouTube channel na may 537,000 na subscribers. 

Inilathala rin ang kaparehong video sa Facebook. 

Nakasaad sa pamagat at thumbnail ng video na itinaas na ang Signal No. 5 dahil sa Bagyong Hanna at siguradong tatama umano ito sa Luzon.

Ang katotohanan: Base sa pinakahuling update ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), walang nakataas na wind signal warning dahil sa Bagyong Hanna, at nananatiling “typhoon” lamang ang klasipikasyon nito. 

Dagdag ng PAGASA, taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 120 kilometers per hour, at pagbugsong aabot sa 150 km/h.

Tinatayang dadaan nang malapit o magla-landfall sa paligid ng Yaeyama Islands sa Ryukyu archipelago bukas nang hapon o gabi ang bagyo, at magla-landfall o dadaan malapit sa hilagang bahagi ng Taiwan sa Linggo. Inaasahang lalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility Linggo nang umaga.

Typhoon classification: Ayon sa PAGASA, “typhoon” ang klasipikasyon ng bagyo na umaabot ang dalang hangin sa pagitan ng 118 to 184 km/h. Base sa sistemang ito, Signal No. 4 ang pinakamataas na wind signal na maaaring itaas sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyong may klasipikasyong “typhoon.”

Hindi maitataas ang Signal No. 5 dahil sa Bagyong Hanna dahil ginagamit ito para sa mga super typhoon, ang pinakamataas na klasipikasyon ng bagyo. May dalang hangin na 185 km/h o pataas ang isang super typhoon. 

Narito ang iba pang klasipikasyon ng bagyo o tropical cyclone sa Pilipinas:

  • tropical depression – bagyong may lakas ng hangin sa pagitan ng 39 hanggang 61 km/h 
  • tropical storm – bagyong may hanging 62 hanggang 88 km/h
  • severe tropical storm – bagyong may hanging 89 hanggang 117 km/h

Opisyal na balita: Para sa mga opisyal na update sa panahon, bisitahin ang mga social media platform ng PAGASA sa X (dating Twitter), Facebook, YouTube, at website nito. Maaari ring i-bookmark ang Philippine weather page ng Rappler. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!