Fact checks on public officials

FACT CHECK: Hindi iniutos ni Raffy Tulfo na ibasura ang reklamo laban kay Bantag

FACT CHECK: Hindi iniutos ni Raffy Tulfo na ibasura ang reklamo laban kay Bantag
Ang ginamit sa mapanlinlang na video ay lumang balita tungkol sa panawagan ni Senador Raffy Tulfo na imbestigahan ang Bureau of Corrections kaugnay sa nakakalusot na mga kontrabando sa New Bilibid Prison

Ang sabi-sabi: Iniutos ni Senador Raffy Tulfo na ibasura ang mga reklamo laban kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerald Bantag. 

Nakalagay ang tekstong “SENADO NA-SHOCKED SA MATINDING UTOS NI SEN. TULFO” sa YouTube video na pinamagatang KAKAPASOK LANG HALA! PBBM RAFFY TULFO NACORNER si CATAPANG REMULLA KlNASUHAN BANTAG KASO DlSMlSS NA!

Nakalagay din ang tekstong “SENADO NAGULAT! SEN TULFO UMAKSYON NA! IBABASURA NA ANG KASO NI BANTAG” sa video na tumagal sa loob ng mahigit dalawang minuto mula 1:29 hanggang 4:10 na clip. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang video na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 57,454 view sa YouTube at inilathalang muli sa Facebook.

Ang katotohanan: Hindi inutos ni Tulfo na ibasura ang mga reklamo o murder complaints laban kay Bantag. 

Gumamit ng lumang balita ang mapanlinlang na video. Sa lumang balita, inihayag ni Tulfo ang kaniyang interes na magkaroon ng imbestigasyon sa BuCor hinggil sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa New Bilibid Prison. 

Ayon sa senador, maiiwasan ang mga krimen at pagpatay sa loob ng bilangguan kung walang access sa mga kontrabando kagaya ng cellphone ang mga bilanggo. Ipinahayag ito ng senador matapos malaman sa kapatid ng napaslang na middleman na si Jun Villamor, isang inmate sa Bilibid, na may access sa cellphone si Villamor noong nasa loob ito ng bilangguan. 

Mismong ang mapanlinlang na video ang nagbigay ng tunay na naging pahayag ni Tulfo, ngunit inilagay pa rin nito ang mga mapanlinlang na teksto sa thumbnail at clip ng video.

Kasalukuyang humaharap sa mga murder complaint si Bantag, kasama si Ricardo Zulueta at ilan pang person deprived of liberty kaugnay ng pagkakapatay sa broadcaster na si Percy Lapid. – Ailla dela Cruz/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.