Election fact checks

KULANG SA KONTEKSTO: Nilabag ni Robredo ang election law sa paggamit ng 2016 campaign funds

KULANG SA KONTEKSTO: Nilabag ni Robredo ang election law sa paggamit ng 2016 campaign funds
Sa video, pinagdugtong-dugtong ang magkakahiwalay na bahagi ng interbiyu kay Bise Presidente Robredo para magmukhang sinasarili niya ang mga donasyon para sa kanyang kampanya. Sa kabuuan ng intebiyu, sinabi ni Robredo na kailangan niyang ideklara ang mga pumapasok na donasyon at ang iba't iba niyang fundraisers, na pawang hindi taliwas sa batas.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ayon sa isang Facebook video na ipinost noong Hulyo 27, labag sa batas ang pinagkunan ni Bise Presidente Leni Robredo ng campaign funds noong 2016.
  • Hatol: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Sa video, pinagdugtong-dugtong ang magkakahiwalay na bahagi ng interbiyu kay Robredo para magmukhang sinasarili niya ang mga donasyon para sa kanyang kampanya. Kung panonoorin ang kabuuan ng intebiyu, sinabi ni Robredo na kailangan niyang ideklara ang mga pumapasok na donasyon at ang iba’t iba niyang fundraisers, na pawang hindi taliwas sa batas.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Ang Facebook post na naglalaman ng video ay ipinadala sa Rappler upang masuri. Nang sulatin ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 8,700 na reaksiyon at 4,100 shares ang post.
Mga detalye

Sinasabi ng video na pinost sa Facebook page na “Jevara PH” noong Hulyo 27 na labag sa batas ang pangangalap ni Bise Presidente Leni Robredo ng pondong pangampanya noong halalan sa 2016.

Ipinakita sa video na nagkukuwento si Robredo tungkol sa pagtanggap ng campaign funds sa kanyang personal bank account. Sinabi umano ng noon ay kandidato na, “Nag-file ako ng certificate of candidacy noong October. Maraming mga nagdo-donate na ’pinapasok ko sa aking personal account.”

Ang sinabing ito ni Robredo ay ginamit ding caption ng nasabing video upang idiin ang sinasabing paglabag sa batas pang-eleksiyon.

Pagkatapos nito, ipinakita sa video ang mamamahayag na si Ces Drilon na nag-ulit ng sinabi ni Robredo: “So you received the campaign funds personally?” (Personal mong tinanggap ang ampaign funds?)

Tumugon naman si Robredo ng, “’Yung iba, ’yung iba. Pero halos lahat, ’yung aking campaign team, na pinapangunahan ni Senator Bam Aquino, sila talaga nagma-manage ng lahat.”

Sa nalalabing bahagi ng video, ipinakita naman ang campaign videos ni Aquino na ginamit sa kanyang pagtakbo para sa Senado noong 2019. Idinugtong ito sa isang 2015 video explainer na inilabas ng CNN Philippines tungkol sa mga ipinagbabawal na sources ng campaign funds.

Kulang sa kontektso ang paratang kay Robredo na paglabag sa batas.

Ang orihinal na video ng interview ay kinuha sa programang Bandila, na mapapanood sa opisyal na YouTube channel ng ABS-CBN News. Ang buong video ay may habang 15 minuto at 34 segundo.

Sa video na inilabas ng Jevara PH Facebook page, pinutol ang sinabi ni Robredo. Ang kabuuan ng kanyang sinabi ay mapapanood sa 3:45 na bahagi ng video: “Nag-file ako ng certificate of candidacy noong October. Maraming mga nagdo-donate na ’pinapasok ko sa aking personal account, so kailangan ko ’yun isiwalat.”

Kinalaunan sa kanyang panayam sa Bandila, ibinahagi ni Robredo ang ilan sa kanyang sources ng campaign funds. Mapapanood ito sa bandang 10:19 ng video. Doon ay nagkuwento siya tungkol sa fundraising efforts na ginawa ng kanyang mga volunteers, gaya ng pagbebenta ng lugaw na siya namang naging tampulan ng tukso ng mga pro-administration trolls.

Bukod dito, ang video explainer na inilabas ng CNN ay nagsasabing ang pagtanggap ng campaign funds ay ipinagbabawal lamang kung ito ay mula sa mga sources na ipinagbabawal ng Omnibus Election Code. Ang mga fundraisers gaya ng nabanggit ni Robredo ay hindi nakalista sa mga ipinagbabawal ng batas, partikular na sa Article XI, Section 95 ng Election Code.

Sa video ng Jevara PH, wala namang nabanggit si Robredo tungkol sa kanyang pinagkunan ng pondo pangkampanya. Ang kanya lamang sinabi ay kung saan napunta ang mga donasyon.

Sa Bandila interview, sinabi ni Robredo na dapat ay maging transparent ang mga pulitiko at kandidato sa kanilang transaksiyong pampinansiyal. Sa katunayan, palagiang isinasapubliko ni Robredo ang kanyang  Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs). Alois Isinika at Gaby Baizas/Rappler

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.