Fact checks on public officials

KULANG SA KONTEKSTO: Nalimutan ni Robredo ang unang bill na inihain niya sa Kongreso

Rappler
KULANG SA KONTEKSTO: Nalimutan ni Robredo ang unang bill na inihain niya sa Kongreso
Pinutol ang bidyo na ipinakita. Hindi isinama rito ang bahagi kung saan sinabi ni Robredo pagkatapos ng ilang sandali ang unang bill na kanyang inihain sa Kongreso.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Sa isang press conference, nakalimutan ni Leni Robredo ang unang bill na kanyang inihain sa Kongreso.
  • Marka: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Spliced o pinutol ang bidyo na ipinakita. Hindi isinama ang bahagi kung saan sinabi ni Robredo pagkatapos ng ilang sandali ang mga unang bill na kanyang inihain noong siya ay kongresista ng Camarines Sur.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Ini-upload ng TikTok user na “pjcreatives” ang bidyo. May humigit-kumulang na 1,600,000 views, 45,800 na reaksiyon, at 13,600 na komento nang isinulat ang fact-check. 
Mga detalye

May isang bidyo na iniupload ang TikTok user na “pjcreatives” na nagpapahiwatig na nakalimutan umano ni Bise Presidente Leni Robredo sa isang press conference noong Oktubre 29 ang unang bill na kanyang inihain sa Kongreso. 

Nang isinulat ang fact check, mayroon nang humigit-kumulang sa 1,600,000 views, 45,800 na reaksiyon, at 13,600 na komento ang bidyo.

Ipinakita sa bidyo na sinasabi ito ni Robredo: “Noong nasa Congress ako, anong klase bang mga batas iyong aking finile? Dalawa sa mga finile kong batas ay – iyong pinakauna kong finile ay – nakalimutan ko iyong title. Iyong pinaka una kong finile ay…” 

Sa taas ng bidyo, may nakalagay rin: “Mama nyo ulyanin na…haha Nakalimutan yung script..haha.”

Kulang sa konteksto ang ipinakitang bidyo sa TikTok. 

Makikita ang buong bidyo ng press conference sa isang post noong Oktubre 29 sa Facebook page na “Bicoltv Sorsogon.” Ang bahagi ng press conference na ipinakita sa bidyo sa TikTok ay maririnig mula 1:06:16 hanggang 1:06:34. 

Sa pagpapatuloy ni Robredo mula 1:06:34 hanggang sa 1:06:54 sa bidyo, sinabi rin naman niya ang mga bill na tinutukoy niya: “Iyong pinakauna kong finile ay iyong transparency. Iyong transparency sa lahat ng mga transaksiyon ng pamahalaan. Iyong pangalawa, isa ako sa mga authors ng Freedom of Information Law. At iyong dalawang iyon ay parehong transparency measures na nagsisiguro na magiging mahirap iyong korupsiyon.”

Makikita ang transcript ng buong press conference ni Robredo nang araw na iyon sa isang entry sa website ng Office of the Vice-President na may pamagat na “Vice President Leni Robredo on platforms of governance, stand on various issues.” Sinabi rito na naganap ang press conference noong Oktubre 29 sa Sorsogon City Gymnasium, Sorsogon City, Sorsogon province, sa Bicol. 

Ang kauna-unahang bill na inihain ni Robredo ay ang Full Disclosure Bill o House Bill No. 19 noong 16th Congress. Panukala nitong imandato ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno sa lahat ng sangay na ilantad sa publiko ang mga dokumento hinggil sa kanilang badyet at mga pinansiyal na transaksiyon.

Binanggit din ni Robredo sa press conference ang isang “freedom of information law” bilang isa pang halimbawa ng “transparency measures” na inihain niya. Isa siya sa mga naghain ng Freedom of Information Act of 2013 o ang House Bill No. 3237 noong 16th Congress. – Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.