Election fact checks

HINDI TOTOO: Robredo-Moreno nagyabang na tatalunin ang Duterte-Marcos sa Halalan 2022

Rappler
HINDI TOTOO: Robredo-Moreno nagyabang na tatalunin ang Duterte-Marcos sa Halalan 2022
Nang isulat ang fact check na ito ay wala pang nagiging pahayag sina Robredo at Moreno na magtatambal sila sa darating na eleksiyon.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Mayabang na inanunsiyo nina Bise Presidente Leni Robredo at Manila Mayor Isko Moreno ang kanilang intensiyong talunin ang tambalang Sara Duterte at Bongbong Marcos sa eleksiyon sa 2022.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Nang isulat ang fact check na ito ay wala pang nagiging pahayag sina Robredo at Moreno na magtatambal sila sa darating na eleksiyon. Nang inilunsad ng dalawang pulitiko ang Vaccine Express para sa mga drayber at delivery riders, hindi sila tumalakay ng politika at lalong walang pagyayabang sa kanilang mga pahayag.
  • Bakit kailangang i-fact-check: May higit 19,800 na views at 484 na komento sa YouTube ang bidyong naglalaman ng sabi-sabi nang isulat ang fact check na ito.
Mga detalye

Isang bidyo na inilabas ng YouTube channel na “Robin Sweet Showbiz” noong Hunyo 23 ang nagsasabing magtatambal daw sina Bise Presidente Leni Robredo at Manila Mayor Isko Moreno para sa eleksiyon sa 2022. Nagyabang daw ng dalawa na tatakbo sila at tatalunin ang tambalan nina Davao Mayor Sara Duterte at dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa maling bidyo, propaganda lang para sa darating na eleksiyon ang proyektong inilunsad ng Office of the Vice President (OVP) at lokal na pamahalaan ng Maynila. Sinabi rin sa bidyong ito na nakikisawsaw at dumidikit lamang si Robredo kay Moreno upang magkaroon ng kakampi sa halalan dahil malaki ang hatak ng kasikatan ni Moreno sa mga mamamayan.

Pinamagatan ang bidyong, “LENI-ISKO NAGYABANG SA MANILA! SILA DAW GIGIBA SA DUTERTE-MARCOS!” Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang higit sa 19,800 na views at 484 na komento sa YouTube ang bidyo. Nahanap ang bidyo gamit ang monitoring tool na CrowdTangle.

Hindio totoo ang sinasabi ng bidyong ito. Mali ang interpretasyon nito sa mga pangyayari.

Nagkita sina Robredo at Moreno sa Cultural Center of the Philippines noong Hunyo 22 para ilunsad ang Vaccine Express, isang proyektong naglalayong pabilisin at palawigin ang pagbabakuna sa mga drayber ng tricycle, pedicab, at delivery rider mula sa Maynila.

Must Read

Robredo office links up with Isko Moreno for Manila Vaccine Express

Robredo office links up with Isko Moreno for Manila Vaccine Express

Hindi totoong nakikisawsaw si Robredo sa lokal ng Maynila, dahil si Moreno ang lumapit at nagpahayag ng intensiyong makipagtrabaho sa Office of the Vice President (OVP) para sa proyekto.

Wala pa ring anumang pahayag mula kay Robredo o Moreno ng kanilang plano para sa halalan sa 2022, lalo na ang nababalitang pagtakbo nila bilang tandem. Ayon sa kanila, mas importante ngayon ang pagtugon sa pandemya kaysa pamumulitika.

Dagdag pa rito, wala pa ring pahayag ang mga kampo na magtatambal sina Duterte at Marcos.

Hindi lang Maynila ang pamahalaang lokal na nakipag-ugnayan sa OVP para dalhin ang Vaccine Express sa kanilang lugar. – John Denver Payongayong/Rappler.com

Si John Denver Payongayong ay isang Rappler intern. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.