Myanmar

VIDEO EDITORIAL: Saludo sa mamamayang Myanmar

Rappler.com
VIDEO EDITORIAL: Saludo sa mamamayang Myanmar
Sa mga heneral sa Myanmar, huwag ninyong i-underestimate ang mga Burmese na nakatikim ng kaunting demokrasya nitong nakalipas na 10 taon

Nitong Pebrero 1, nagulantang ang buong mundo nang magkudeta ang militar ng Myanmar laban sa partido ng democracy icon na si Aung San Suu Kyi. 

Ikinulong si Suu Kyi, si Pangulong U Win Myintang, at mga lider ng kanilang partido, ang National League for Democracy (NLD). Inakusahan sila ng militar – ang Tatmadaw – ng pandaraya sa kabila ng landslide na tagumpay sa eleksyon.

Bakit mahalagang bantayan ng mga Pilipino ang Myanmar? 

Maaaring mangyari sa atin ang nangyari sa Myanmar. Halos may junta na rin sa Pilipinas, dahil hitik sa ex-military ang gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte. May tangka na rin ditong magtalaga ng revolutionary government.

Ang pinakalutang na pagkakahawig: Parehong marupok ang mga institusyon natin. 

Sobrang sikip na rin ng espasyong demokratiko sa Pilipinas, lalo na matapos maipasa ang anti-terror law. Naging target naman ang mga pamantasan at guro matapos magred-tagging blitz ang militar at lusawin ang 1989 na kasunduan sa pagitan ng Unibersidad ng Pilipinas at Department of National Defense.

Sa otokratiko sa Malacañang: Kaya ba pursigido ang mga alipores mo sa Kongreso na mag-Cha-Cha? Hindi ba’t may krisis sa COVID-19 na dapat mong asikasuhin? 

Sa mga kabataan ng Myanmar na bumabangga sa junta, huwag kayong kukurap. 

Sa mga heneral sa Myanmar, huwag ninyong maliitin o i-underestimate ang mga Burmese na nakatikim ng kaunting demokrasya nitong nakalipas na 10 taon.

Nagmamatyag ang buong mundo. Sana’y magtuloy-tuloy ang momentum ng pagkilos nang hindi naka-angkla lang sa personalidad ni Suu Kyi.

Sa mga nagtatanggol sa kalaayan sa Myanmar at Pilipinas, walang bibitaw. #HoldTheLine. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Saludo sa mamamayang Myanmar

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!