COA reports

[VIDEO EDITORIAL] Incompetent much? ‘Unused and misused’ na pondo ng DOH

[VIDEO EDITORIAL] Incompetent much? ‘Unused and misused’ na pondo ng DOH
Muling napatunayan na political leadership ang ikapapanalo o ikatatalo ng giyera laban sa COVID-19

Naitala na ang unang kaso ng Lambda variant sa Pilipinas. Kung mabagsik ang Delta, mas mabagsik umano ang Lambda. 

Habang nahahawa pa rin ang mga nabakunahan ng isang dose sa Delta, mukhang protektado naman ang mga fully vaccinated. Pero ang Lambda ay tila resistant sa bakuna, ayon sa mga paunang pag-aaral. 

Sa katunayan, dumaranas tayo ngayon ng pinakamalalang surge na naitala sa bansa. Nitong August 15, lumagpas na naman ang mga active cases sa 100,000, kung saan nasa 14,700 ang bagong kaso.

Habang mabilis na nagbabago ang landscape ng giyera laban sa COVID-19, gaano kahanda ang ating DOH na mag-adapt sa sitwasyon?

Ilang beses na nating sinabi na walang matinong contact tracing sa Pilipinas, at walang malawakang testing na nagaganap. Pero sa likod ng lahat ng isyung ito ay isang bagay: budget.

May pera naman, wala lang abilidad. 

Nakapanlulumo ang mga numero sa paggastos ng Department of Health.

  • P11.9 billion ang hindi nagamit para sa risk allowance at hazard pay
  • P1.2 billion ang hindi ginamit at hindi na-deliver na equipment
  • P2.8 billion ang nakatiwangwang na infrastructure projects
  • P95 million ang expired at hindi nagamit na gamot
  • P24.6 billion ang hindi nagamit para sa public health service
  • P65.3 million ang “deficiencies” sa pagbili ng assets
  • P306.7 million ang hindi nagamit para sa disaster risk reduction
  • P441.2 million ang “unauthorized in depository accounts”
  • P3.97 billion ang undocumented at kaduda-dudang transaksyon
  • Sa kabuuan, P67.3 bilyon ang pondong may “deficiencies”

Tumaas din ang kilay ng mga auditor sa halos P12 milyong ginastos para sa video conference equipment at license kung saan nakapaloob ang gastos na halos P300,000 para sa isang laptop. 

Lahat ito sa ilalim ng punong timon ng DOH na si Secretary Francisco Duque III. Hindi lang siya political survivor. Tinawag din siya ng mga senador na incompetent. 

Ang Commission on Audit report ay snapshot ng ginawa ng DOH nang pumutok ang pandemya noong 2020. “Missed opportunities” ang tawag ng COA sa mga pondong hindi ginamit nang tama ng DOH. 

Kumbaga, pera na, naging bato pa. 

Dagdag pa ng COA, sana’y kumilos nang may “urgency at efficiency” ang departamento sa gitna ng emergency ng COVID-19.

Kino-quote ni Marites Vitug sa kanyang newsletter si Francis Fukuyama na nagsabing ang political leadership ang magpapasya sa kabiguan o tagumpay ng mga pandemic strategy sa buong mundo.

Sabi ni Fukuyama, may mga pinuno raw na tiningnan ang pandemya na “threat to their own political fortunes and devised policies accordingly.”

‘Yung iba naman daw, sineryoso ang papel nila bilang “guardians of the public interest.” Alam na natin saan diyan si Duterte at Duque. 

Pasalamat na lang tayo sa COA sa pagsa-shine the light. Tandaan natin ang kanilang natuklasan pagdating ng Mayo 2022. #WeDecide: AtinAngPilipinas. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Incompetent much? ‘Unused and misused’ na pondo ng DOH