Filipino culture

[OPINYON] Hanggang saan mananatili ang pising nagdudugtong sa magkakapamilya?

Vincent Conde

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Hanggang saan mananatili ang pising nagdudugtong sa magkakapamilya?

Guia Abogado/Rappler

'Yaong sinasabi nilang sense of security ay hindi lang dapat sa pinansiyal kundi kahit sa emosyunal at mental'

Minsan na akong naka-attend sa debut. Pang-middle class na debut. Siyempre pinaka-highlight ang part kung saan magbibigay ng 18 rosas, regalo, at lilibuhin. Kaniya-kaniyang awra ang mga naatasan. Pahabaan din ng mensahe. May umiyak, may nanginginig na para bang nagde-defend ng thesis sa panel at ang iba nama’y parang humugot pa ng inspirational quotes sa Pinterest. 

Hindi ko masyadong kilala si Rica; hindi ko siya madalas kausap dahil tulad ko, abala rin siya sa akademikong mundo ng pagsulat at komunikasyon sa Philippine Science High School noon. Na-invite lamang ako dahil pamangkin siya ng aking kaibigan. Pero sa katulad kong masurî sa pakikinig, iisa ang punto ng mensahe mula sa mga nagsidalo.

“Rica, pahalagahan mo ang pamilya mo, lalong-lalo na ang ama mo; hindi masamang magpatawad. Kahit ganun, tatay mo pa rin siya at sa huli sa pamilya ka pa rin tatakbo.”

Alam ng lahat na lasenggero at nambababae ang tatay niya, pero nagawa pa rin nilang payuhan si Rica na patawarin siya. Hindi ba iyon pangungunsinti? 

Siguro nga’y nakakahon pa rin si Rica, maging ako, sa lipunang malaki ang pagpapahalaga sa close family ties. Natural na ‘yon sa mga Pilipino. 

Sa pag-aaral ko ng Philippine Studies sa UPD, nakilala ko ang isa sa mga konsepto ni Edward Banfield na Amoral Familism – ito ay tumutukoy sa pagsasaalang-alang ng isang tao sa kaniyang kapamilya, tama man ang aksiyon nila o mali. Kalakhang bahagi ay sasang-ayun na mali ang ginagawa ng tatay kaya hindi masisisi si Rica kung piliin niyang hindi siya patawarin. Pero sa huli, sinabi ni Rica na “kahit ganun yun, mahal ko iyon, patatawarin ko iyon” at tuluyan na siyang umiyak. Siguro kung kalakhang bahagi ng dumalo ay ibang tao, maaaring nagtaasan na ang kilay nila, pero dahil malalapít na kamag-anak at kaibigan, matapos marinig ang makabagbag-damdaming mensahe ng dalaga, umalingawngaw pa ang sigaw ng kagalakan at masigabong palakpakan. 

Pero hanggang saan ba mananatili ang pising nagdudugtong sa magkakapamilya? Saang bahagi ba ito dapat putulin? Karagdagang tanong, may logical bang rason para putulin ito? O mas dapat na pahabain?  

Habang naghahalungkat ako ng resources para sa paksang “Filipino Families,” natuklasan ko ang artikulong isinulat ni John T. Caroll; may title itong “Philippine Social Organization and National Development.” Basically pinag-aralan niya na kahit sa mahihirap na sitwasyon, kahit nakasalalay ang buhay, kitang-kita ang pagmamahal ng pamilyang Pilipino sa isa’t isa. Case study niya rito ang mga pamilyang nakaranas ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo noong 1991. Nasukat niya ang bigat ng pagpapahalaga ng magkakapamilya sa isa’t isa kahit sa mahihirap na sitwasyon. 

Kumusta naman ang role ng pamilya sa ibang aspekto ng buhay at mas malawak na social structures? 

Must Read

‘Utang na loob?’ Filipino family values gone wrong, and how they affect mental health

‘Utang na loob?’ Filipino family values gone wrong, and how they affect mental health

Sa small communities na halos pamilyar sa isa’t isa ang bawat miyembro, nagiging organisado hindi lang dahil sa konsepto ng family ties, kundi dahil sa batas at kautusan. Kaya kapag may lumabag, madaling sabihing dapat parusahan o kaya’y disiplinahin. Mag-iiba lang ang pananaw kung kapamilya o malapÍt na kaibigan ang nagkasala. Sa loob ng pamilya na walang institutionalized law, ang batas ay kadalasang pinagtitibay ng mga magulang. Kapag sumuway ang mga anak, pinagsasabihan, dinidisiplina, at may paniniwalang it’s a form of love. Samantala kapag sumuway ka sa batas ng bansa at naparusahan, walang magsasabing bunga iyon ng pagmamahal kundi dahil gusto kang magtanda at magsisi sa kasalanang ginawa. Makikita sa sitwasyong ito ang malaking pagkakaiba sa dynamics ng motibo sa parusa sa loob ng pamilya at malawakang social structures. 

Pwede ring idagdag dito  ang mga korporasyon o labor unions na bagama’t tahasang sinasabi na turingang magkakapamilya, hindi ito maitutumbas sa sense of security at personal psychological foundation ng kinamulatang pamilya. Kaya naniniwala akong, kung titingnan bilang asset ang pagpapahalagang ito, kailangang magkaroon ng effort na maidugtong ito sa malawakang domeyn.

May punto de vistang tinalakay na isa sa function ng pamilya ang protektahan ang mga miyembro. May isinagawa ring saliksik na kumpara sa mga Amerikanong mag-aaral, ang mga Pilipinong katapat ay mas may tendensiyang hindi magtiwala sa ibang tao. Ang proteksiyon at ‘di pagtitiwala ng lipunang Pilipino sa pangkalahatan ay nag-uugat sa konseptong tinatawag na decline of urbanism. Ang pawala-walang tubig at elektrisidad, umaapaw na basurahan, hindi mapagkakatiwalaang bombero at pulis sa panahon ng ‘di inaasahang pangyayari, kurapsiyon, mga takas sa kulungan, at iba pa bunga ng ‘di organisadong pamamahala ay ilan lamang sa halimbawa. Idiniing kung mailalaan ng lipunan ang pangangailangan ng mga tao sa katanggap-tanggap na antas, posibleng ayusin nito ang sarili at panloob na pagkakaisang makikita sa isang pamilya. Kaya sa sitwasyon ni Rica, hindi na kuwestiyunable ang usaping moral ng kaniyang ama; ito ay usapín na kung mailalaan ang parehong seguridad at pagkalinga mula sa kanila. 

Kahit sa kontemporaryong panahon ng kulturang Pilipino nananatili pa ring pinakamahalagang aspekto ng buhay ng isang indibiduwal ang kaniyang kapamilya. Repleksiyon nito ang nanatiling porma ng extended family relationships at suportang pinansiyal sa miyembro kahit may asawa na ito. Pero kapansin-pansin rin ang pagbabago sa family dynamics ng bansa sa mas batang populasyon anupat mas nagiging priority ang sarili at aspirasyon sa trabaho, kumpara sa pampamilyang obligasyon na dahilan para magkaroon ng potensiyal na pagbabago sa tradisyunal na pamilyang Pilipino. Kaugnay dito, marami na ring umaangal sa konsepto ng children as investment at “utang na loob.”

Sa huli, mas pinili ni Rica na patawarin ang amang patuloy pa rin ang paggawa ng mali. Mas pinili ng mga kamag-anak na unahin ang pamilya. Hindi nakakasorpresa at hindi sila masisisi pero hindi rin ako sumasang-ayon. Ang konseptong Amoral Familism ay dapat mapalitan ng Moral Familism sana, pagdating ng araw kapag inilapat na sa konteskto ng Pilipinas. Yaong sinasabi nilang sense of security ay hindi lang dapat sa pinansiyal kundi kahit sa emosyunal at mental. Pero kinikilala kong sa pamilya pa rin nagsisimula ang lahat. Mahalaga ang gampanin nito sa lipunan natin. Akma dito ang ideyang dapat makilala ng mga bata na bahagi sila ng isang komunidad na nagtutulong-tulong para maisagawa ang isang proyekto o mithiin. Nakikilalang ang katapatan at pagmamahal ay hindi limitado sa loob ng pamilya. Kung ang susunod na henerasyon ay matuturuang palawakin ang pagmamahal at pagmamalasakit pampamilya, ang mga tagapamuno na siyang uupo sa trono ay tiyak na naturuan ding nagmalasakit sa kaniyang kapuwa. – Rappler.com

Vincent Conde is a public school teacher in Luis Palad Integrated High School and currently a graduate student in University of the Philippines Diliman. His degree path is in Philippine Studies, where he focuses primarily on the issues of social structures, media, ideology in education, gender, and sex. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!