Filipino culture

[OPINYON] Sa usapin ng Filipino values sa bansa, biyaya pa rin ba o sumpa?

Vincent Conde

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Sa usapin ng Filipino values sa bansa, biyaya pa rin ba o sumpa?

Alyssa Arizabal/Rappler

'Ang Filipino values ay hindi inherently good or bad; nagiging biyaya siya o sumpa depende sa paglalapat sa lipunan'

Sa final Q&A portion ng Miss Universe Philippines 2023, ito ang naging katanungan: Recently, the Department of Tourism has adopted a new branding campaign: “We give the world our best.” For you, what is the best that we could offer to the rest of the world? Why do you consider it so?

Kapuwa si Miss Makati (Michelle Dee) at Miss Bohol (Pauline Amelinckx) ay pinupuntong hindi lang ang likas yaman ang maihahain ng bansa, kundi ang mga Pilipino per se, dala ang kanilang kaaya-ayang katangian at pagpapahalaga. Mas naging espesipiko lamang ang huli sa pagbanggit ng “Filipino warmth,” na kung susumahin ay kaugnay pa rin ng isa sa mga values na ipinagmamalaki natin – ang “pakikisama” o smooth relations. 

Pareho namang makatuwiran ang kasagutan, pero kung titingnan sa ibang larang, yaong ipinagmamalaki ba nating Filipino values ay maituturing pa ring biyaya, o sumpa sa kasalukuyan? 

Must Read

TRANSCRIPT: Miss Universe Philippines Q&A portions

TRANSCRIPT: Miss Universe Philippines Q&A portions

Tandaang naging paksa ng usap-usapan ang Filipino values sa bansa noong mga taon ng 1960. Ito ay dahil sa mga sumusunod na dahilan:

  • Cultural Identity. Minarkahan ng panahong ito ang paggising at paghahanap ng sariling pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Marami ang nagtatanong, sino ba talaga tayo? Paano natin ipo-promote yaong mga tinataglay o sariling atin? 
  • Post-Colonial Era. Tapos na ang kolonisasyon ng Espanya at Estados Unidos. Nasa yugto na ng pagbawi sa kalayaan at mas pinaigting ang paglalagay sa pedestal ng own cultural values na malayong-malayo sa imposed na isipang kolonyal. 
  • National Development. Panahon ito ng pagtatayo ng nasyonal at economic development sa bansa. Naniniwala ang marami na hindi lang kaalamang ekonomiko ang makatutulong para magkaroon ng progreso bagkus ay pati na ang matibay na pundasyon ng pinagsasaluhang pagpapahalaga. 
  • Social Issues and Moral Decay. Dumagsa ang iba’t ibang isyung panlipunan kagaya ng kahirapan, kurapsiyon, at pagbaba ng morals. Naniniwala noon ang marami na masusolusyunan lamang ito kung mas pagtitibayin ang Filipino values, partikular na yaong may kaugnayan sa integridad, disiplina, at social responsibility. 
  • Educational Reform. Nagkaroon ng pagsisikap na itahi sa kurikulum ang Filipino values at kinilala ito bilang mahalagang elemento sa paghubog sa karakter ng mga kabataan. 

Sa dami ng readings ko hinggil sa paksang ito, talagang tumatak ang sinulat ni Allen L. Tan na pinamagatang “Values Research in the Philippines” – luma na ang artikulo pero mahalaga pa ring mabasa ng mga Pinoy. 

Iba’t iba ang pangangatuwirang inilahad ng mga local at international scholars sa papel na ito. Pero dadalawa lang ang tema: magiging positibo o negatibo ang Filipino values depende sa epekto nito sa larangan ng ekonomiya. Naging unfair para sa atin ang naging interpretasyon ng kung sino ang maunlad, sapagkat karamihan ng mga political at economic analyst noon ay galing sa West, so lahat ng pamantayan ng maunlad at mahirap ay nakagiya sa kanila, dahilan upang ang maging pananaw sa Filipino values ay negatibo. 

Halimbawa dito ay ang nosyon ng “Achieving Society” ni McLelland. Ipinaliwanag niya na para magkaroon ng economic progress, dapat na turuan ang mga bata na maging “mapagsarili” (independent) at “may tiwala sa sarili” (self-reliant). Samantala, isa sa mga kaugaliang hanggang ngayo’y mamamalas sa mga Pilipino ay ang pagiging malapít ng mga miyembro ng pamilya o close family ties. Patunay ang maraming extended families at mas nabibigyang-pansin ang kaugaliang pakikisama (smooth relations) at konseptong bahala na (no control or no self-efficacy) na hadlang sa ideyang tinuturan ng iskolar. 

Pero ang kapansanan para kay McLelland ay tinalakay ni Lagmay, isang Pilipinong iskolar, bilang kapaki-pakinabang na mga katangian. Ang pakikisama ay maaaring tumungo sa pakikipagkapuwa-tao na mahalaga para sa pagtatayo ng nasyon. Ang bahala na ay iniugnay sa determinasyon. Mamamalas na tiningnan ni Lagmay ang mga katangiang ito sa positibong anggulo.

Ibinahagi naman ng Sikolohiyang Pilipino na kung may dapat ‘mang sisihin sa mga pagpapahalagang tinataglay natin, ito ay ang kaisipang kolonyal na iniwan ng mga dayuhan. Mahihinuha sa kanilang mga katuwiran na maaaring may problema nga sa mga pagpapahalagang ito, pero ang sisi’y sa kolonyalismo dahil sila ang nag-iwan ng pamantayan ng kung ano ang maganda at kanais-nais, na naging dahilan upang tingnan itong kahinaan at kapansanan ng mga Pilipino. 

Iba’t ibang kadahilanan ang pinaghugutan, pero masasabing ito ay yugto ng repleksiyon at introspeksiyon na siya namang inaani ng mga Pilipino sa kontemporaryong panahon. 

Sa mga mambabasa, suriin ang dalawang sitwasyong ito.

Parehong ipinapamalas sa itaas ang kaugaliang pakikisama (smooth relations), na sa magkaibang konteksto pwedeng maging positibo o negatibo. Hindi pwedeng magkaroon ng konklusyon na hadlang ito sa pag-unlad ng ekonomiya, pero sa kabilang banda, isa ring kalokohan kung ituring itong espesyal na kalidad. Ang dapat nating alamin ay anong senaryo ang kadalasang nagaganap sa lipunan natin na nagbubunsod para maging positibo o negatibo ang pagpapahalagang ito. 

Ikumpara natin ang bansang Japan.

Ayon sa country studies ng Japan, ang tatlo sa pinakamahahalagang katangian para sa mga Hapones ay ang pagkakaisa (harmony), kaayusan (order), at pagpapaunlad ng sarili (self-development). Idinagdag pa na hangga’t maaari iniiwasan nila ang kompetisyon at komprontasyon. Ang mga katangiang ito ay itinuturo sa mga bata sa murang edad, na dapat makilala nila na bahagi sila ng nagtutulungang lipunan, at ito’y nagsisimula sa pamilya, lumalawig sa papalaking grupo kagaya ng kapitbahayan, paaralan, komunidad, at lugar ng trabaho. Ang terminolohiyang Wa ay nosyon ng pagkakaisa sa isang grupo, na nangangailangan ng kooperasyon at pagkilala sa kani-kaniyang papel na ginagampanan. Malinaw sa ulat na malaki ang pagpapahalaga ng mga Hapones sa pakikisama (human relations), pero ang kaibahan lang, nagawa nilang positibo ang katangiang ito para makilala silang superyor sa larangan ng ekonomiya. 

Kung pwede pa lang maging advantage ang pagpapahalagang tinalakay sa itaas, bakit nananatili pa ring huli ang Pilipinas sa global na pamantayan ng ekonomiya? Hindi ako makapagbibigay ng kumpletong sagot pero may ibabangon akong isang punto.

Maaaring hindi Filipino values ang problema, bagkus ay ang sistemang ginagamit natin. Kung nais nating pandayin ang katangiang inaangkin at itinuturing na natural sa atin, bakit ginigipit tayong kumilos ng taliwas dito? Isang halimbawa ay ang sistema sa edukasyon. Kung nais nating iwasan ang kompetisyon at mas pahalagahan ang kapuwa, bakit masyadong espesipiko ang paggagrado? Bakit mas binibigyang-pansin ang rankings at Latin honors imbes na ang pagkatuto? Bakit ang framework, perspectives, maging ang paradigma na ginagamit ng iba’t ibang institusyon, ay halaw sa kanluran? 

Kaya ang Filipino values ay hindi inherently good or bad; nagiging biyaya siya o sumpa depende sa paglalapat sa lipunan. Hindi dapat ito manatiling isang pananaw o teorya; dapat ay matukoy ang panlabas na aspektong nakaaapekto kung bakit nag-iiba ang epekto nito sa iba’t ibang sitwasyon. Hamon ito sa mga kagaya naming nagpapakadalubhasa sa sosyo-kultural na aspekto ng Pilipinas. Sana sa darating na panahon, makahanap tayo ng mas malinaw na sagot. 

Kaya sa susunod na ipagmalaki natin ang tinataglay natin, huwag nating ipamukha na ang Filipino values ay isang commodity na ini-ooffer natin sa mga nasa labas ng bansa, bagkus, sikaping gamitin ito para magsilbing pundasyon para umunlad tayo. – Rappler.com

Vincent C. Conde is a senior high school teacher at Luis Palad Integrated High School. He took his Bachelor’s Degree (BSED-Filipino) at Southern Luzon State University (cum laude) and is currently a graduate student at the University of the Philippines-Diliman. His degree path is in Philippine Studies-Socio-cultural Studies, where he focuses primarily on social structures, media, ideology in education, gender, and sex. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!