inequality

[OPINYON] Mga kwentong barbero at dispatiya mula sa barberya

Edward Joseph Maguindayao
[OPINYON] Mga kwentong barbero at dispatiya mula sa barberya

Graphic by Alyssa Arizabal

'[Ang ordinaryong Pilipino] ay nagsisikap, may kakayahang umunawa, at mas praktikal pa nga kung minsan kumpara sa nag-aral ng teorya'

Matagal-tagal na rin ang huling pagkakataon na nakapasok ako sa isang barberya. Bunga na rin ng mga nabagong gawi dahil sa hagupit ng pandemya, nakasanayan na naman na tawagan na lamang ang aming suking barbero upag mag-gupit.

Nakagisnan na nating bansagang kwentong barbero ang samu’t saring kwento ng mga lalaking nakatambay sa barberya. Mga kwentong saklaw mula pulitika, hanggang sa pagyayabangan, hanggang sa usapang nagpapakita ng bahagya o ‘di naman kaya’y lantarang machismo — na nauuwi na lang sa pagkakasundong hindi magkakasundo sa ilang bagay. Kung hindi ganoon ang kalabasan, ay tiyak na may hamunan at bardagulang nagaganap.

Pasalamat ako na iba ang naging pandanas ko sa mga kwentong barbero. Naaalala ko ang dati naming suking barbero na si Eric. Tipikal na family man si Eric. Masipag, pumapasok nang maaga, marangal na naghahanap-buhay, mabait sa pamilya. Tila ba may reset button sa tuwing nagpapagupit ako kay Eric. Lagi niyang tinatanong kung anong antas na raw ba ko sa kolehiyo. Nang sabihin kong sa malayo ako nag-aaral, agad niyang nahagip na ito ay sa Maynila — isang pananaw ng karamihang nasa probinsya na ang Maynila ay tila ba ibang lugar at ibang mundo. Magulo, maingay, maraming manloloko at magnanakaw, masikip. Upang maging simple ang usapan, sinasabi ko na lang na sa Maynila ako nag-aaral.

Ngunit may ilang taon na ang nakararaan ay nabalitaan na lang namin na dinatnan ng matinding karamdaman si Eric. Ni hindi siya makabangon at kailangang alagaan. Nakagugulat. Ngunit sa isang payak na tahanan na sa pang-arawan ang kinikita, at sapat lamang sa pangangailangan, ang karamdaman ay bangungot at krus na pasanin. Sa isang tipikal na panggitnang uri hanggang sa pinakasalat, ang konsepto ng gamot, doktor, o maging simpleng check-up ay katumbas ng isang bagsak na malakihang gastos. At dahil sa pagpapaliban dahil kinakaya pa ang mga sintomas, palala nang palala ang pagkaksakit na nagbubunga ng iba pang karamdaman. Walang katapusang siklo ng paghiram at paghiram ng ibabayad upang maitawid ang bawat araw na lumilipas.

Must Read

Pandemic scars: More Filipinos to remain poor, unemployed even by 2022

Matagal na rin na huli naming nakita si Eric at walang na rin kaming balita sa kanya. Kaya naman lumipat kami kay Rex.

Si Rex, isa ring pamilyadong tagapagtaguyod, ang mas batang bersyon ni Eric. Ngunit mas maraming bagong kuwento si Rex. Palagi niyang nababanggit ang mga dati niyang naging trabaho sa ibang lugar bago siya naging barbero. Madalas din niyang naku-kwento ang kanyang mga kamag-anak na karaniwan sa mga usapan sa probinsya. Upang makilala ang iyong pinanggalingan o pagkakakilanlan, hindi mawawaglit ang pagsasabi kung sino ang iyong ama, ina, kapatid, pinsan, tito, tita, lolo, lola, hanggang sa makarating sa malayong degree of consanguinity. Biro nga sa amin, kapag nagtanong ka raw ng direksyon sa isang kanto at ikaw ay nagpakilala, agad na bulalas ng mga nakatambay ay: “Ay ikaw ga ika ‘yung anak ni kuwan, ‘yung pamangkin ng asawa ng umpe (inaanak sa kumpil) ng mamay!” na kung saan ang tugon ay “Uho!” na binibigkas nang may yabang at dating.

Mabalik kay Rex, sa ilang huling paggupit niya, napagusapan namin ang tungkol sa pandemya at bakuna. Natuwa ako nang sabihin niyang nais niyang magpabakuna. Dahil umiikot siya sa iba-ibang lugar at nakakasalamuha ng maraming tao, lantad siya sa mga maaaring nagdadala ng COVID-19. Ngunit mayroon siyang pag-ayaw sa isang particular na brand. Agad ko naman sinabing lahat ng bakuna ay okay. Napagusapan din namin na bagaman maraming nais magpabakuna ay hindi naman sapat ang supply lalo na sa probinsya. Aniya, buti pa raw siya ay gusto na at bakuna na lang ang hinihintay samantalang ang kapitbahay niyang senior citizen ay ayaw dahil hindi raw siya lumalabas ng bahay. “Ay kayo ho hindi ay ang mga dumarating?” tugon ni Rex.

Must Read

EXPLAINER: The Philippines’ fight vs vaccine hesitancy

EXPLAINER: The Philippines’ fight vs vaccine hesitancy

Ngunit ang tumatak sa akin ay ang kanyang nabanggit tungkol sa pagtugon ng kinauukulan sa pandemya. Wika niya, “ Walang ibang nakinabang kung hindi si Duterte.” Wala akong nasabi. Sa kung paanong pakikinabang ang kanyang ibig sabihin, hindi ko alam. Pero nais kong paniwalaan na may tama siya. Bakit nga ba kahit leche-leche ang tugon natin, mataas pa rin daw ang kanyang ratings? Wala akong sagot.

Sa mga dispatiya sa barberya, sa mga kwento ng aking barbero napagtanto na mali ang paglahat na ang itinuturing na ordinaryong Pilipino ay tamad at madaling paloko. Sila ay nagsisikap, may kakayahang umunawa, at mas praktikal pa nga kung minsan kumpara sa nag-aral ng teorya.

Marami pang kwento mula sa mga barbero at barberya. Parang kwento sa kanto, o chismisan ng mga nagwawalis tuwing alas kwatro. Totoo man o hindi, hitik ang mga ganitong pangitain sa kung paano natin kinakahon ang mga pagsasalarawan sa kung sino at ano nga ba ang isang ordinaryong Pilipino. – Rappler.com

Si Edward Joseph H. Maguindayao ay gradweyt mula sa UP Los Baños at nag-aaral sa gradwadong lebel sa UP Diliman. Nakatira siya ngayon sa probinsya ngunit hinahanap-hanap pa rin ang gulo at ingay ng siyudad. 

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com. 

[OPINYON] Mga kwentong barbero at dispatiya mula sa barberya

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.