Philippine languages

[OPINYON] Wikang Filipino sa batas at legal na mga dokumento

Mark Anthony Salvador

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Wikang Filipino sa batas at legal na mga dokumento
'Ang mga opisyal ng gobyerno na nagsasalita sa Ingles ang dapat na magpalit ng wika sa pagganap sa kanilang tungkulin'

Dalawang usapin hinggil sa wika ang maugong sa unang buwan ng bagong administrasyon at pagbubukas ng ika-19 na Kongreso, at sa pagpasok ng Buwan ng Wikang Pambansa: ang una ay hinggil sa wika sa pamahalaan, samantalang ang ikalawa ay hinggil sa wikang panturo.

Ang unang isyu ang nais kong pagtuunan ng talakay. Ito ay bunga ng mga pahayag, at panukalang batas ni Senador Robin Padilla, na naglalayong isalin sa Filipino ang mga batas at legal na dokumento. Umani ng panlilibak sa mundo ng social media ang mga pahayag ng baguhang senador. At mapapansin sa social media na ginawang batayan ng mga tao ang pagiging hindi matatas ni Sen. Padilla sa Ingles para sabihing hindi maalam sa lehislatura ang senador, bagay na hindi makatuwirang sabihin. (Sapagkat hindi naman kinakailangang maging matatas sa Ingles para maging mahusay na mambabatas sa gobyerno ng Pilipinas, dahil ang aakdain na mga batas ay para naman sa mga Pilipino.)

Makatuwiran lamang ang mga punto ni Sen. Padilla. Para sa ano pa ang batas kung hindi ito nauunawaan ng kalakhan ng mga Pilipino? Salik kaya laksang Pilipino ang bumoboto pa rin sa mga trapo dahil hindi malinaw sa marami ang naging kontribusyon nila sa pag-akda sa anti-mamamayang mga batas, dulot ng patuloy na paggamit sa Ingles sa pamahalaan.

Must Read

Filipino: ‘Pambansang wika, pero hindi wikang opisyal’

Filipino: ‘Pambansang wika, pero hindi wikang opisyal’

Malinaw ang nakasaad sa Artikulo XIV Seksyon 7 ng Saligang Batas ng Pilipinas, “Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehyon at magsisilbi na mga wikang panturo roon.” Ibig sabihin, Filipino ang wikang prayoridad sa komunikasyon, hindi lamang sa paaralan, kundi maging sa pamahalaan. Hindi dapat makahigit sa Filipino ang Ingles. Ngunit malinaw, salungat ito sa nangyayari.

Primaryang salik sa katatasan sa Ingles ang estado sa lipunan. Kadalasang mas matatas sa Ingles ang mga nasa gitnang uri at mas mataas pang estado sapagkat sila ang may akses sa pormal na edukasyon. Sa kaso ng mga nasa mga pambansang pamahalaan — sa alinman sa tatlong sangay ng gobyerno — Ingles ang mas ginagamit dahil ang karamihan sa kanila ay mula sa naghaharing-uri.  Mangilan-ngilan lamang sa kasaysayan ng gobyerno ng Pilipinas ang mula sa mga marhinalisado. Sa maiksing sabi, ang mga opisyal ng gobyerno na nagsasalita sa Ingles ang dapat na magpalit ng wika sa pagganap sa kanilang tungkulin.

Usapin ng kapangyarihan ang usapin ng wika. Malaking salik ang paggamit sa wikang Ingles sa pamahalaan kaya hindi nagiging malalim ang pag-unawa ng mga Pilipino sa mga usaping panlipunan, sanhi upang hindi magawang makisangkot ng marami sa mga patakarang nakakaapekto sa pang-araw-araw nating buhay, bagay na gustung-gusto ng naghaharing-uri. Magpatupad man ng hindi makatuwirang sistema ng pagbubuwis gaya ng TRAIN Law, at labag sa Konstitusyon na patakaran gaya ng anti-terrorism law, ay hindi kikibo ang marami, dahil ni hindi man lang nauunawaan ang nasabing mga batas. Hindi gaya kung nasa Filipino at katutubong wika ang mga panukalang batas at pagdulog sa mga ito, na inihahain pa lamang sa Kongreso ang panukalang batas ay makakatanggap na ng matinding suporta o protesta, depende sa magiging epekto nito sa taumbayan.

Must Read

[OPINYON] Itong kapangyarihan ng wika

[OPINYON] Itong kapangyarihan ng wika

Sang-ayon kay Sen. Padilla, kailangang maging pantay ang pagtrato sa Ingles at Filipino. Kung ibabatay sa nabanggit na probisyon sa Saligang Batas, masasabing mahina pa nga ang pahayag ni Sen. Padilla. Dahil ang batas at mga legal na dokumento ay hindi na dapat isinasalin sa Filipino, sa halip, ang mga ito ay direkta na dapat na isinusulat sa Filipino.

Hindi ganap na makapagsisilbi sa mamamayang Pilipino ang gobyerno ng Pilipinas kung magpapatuloy ito sa paggamit sa wikang hindi nagagagap ng mayorya ng kanyang mga mamamayan.

Hindi nakakatawa ang hangarin ni Sen. Padilla na ilapit sa sambayanang Pilipino ang mga legal na usapin. Kung may nakakatawa man dito — at ito ay higit na nakakalungkot — ito ay ang mababaw at napakaproblematikong pagtingin ng marami sa atin hinggil sa papel ng wika sa lipunan. – Rappler.com

Nagtapos ng Masterado sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, kasalukuyang kumukuha ng Doktorado sa Pilosopiya sa Panitikan ng Pilipinas sa nasabing unibersidad si Mark Anthony S. Salvador. Kasapi siya ng Alliance of Concerned Teachers-Private Schools at Tanggol Wika. Kasalukuyan siyang assistant professorial lecturer 2 sa Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle Maynila.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!