Philippine economy

[New School] Bes, pautang!

Danielle Carmelo

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[New School] Bes, pautang!
'Nasaan ang mga bata at tinedyer sa usaping finance?'

Ayon sa World Bank, 25% lamang ng mga mayor de edad na Pilipino ang may kaalaman sa mga pangunahing konsepto sa finance. Ang Pilipinas naman ay ika-30 sa ranggo mula sa 144 na bansang na-survey sa financial literacy, ayon sa Standard & Poor’s Global Ratings. Talaga namang kapuna-puna ang kakulangan sa kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa financial literacy. Standardized kasi na ang pag-aaral nito ay para lamang sa mga mayayaman at may kaya, at hindi ito naaangkop sa mga maliliit ang kita at mahihirap.

Pero teka, bes, ano nga ba ang financial literacy? 

Ang financial literacy ay ang kakayahang umunawa ng financial skills at epektibong paggamit nito sa buhay pinansyal, tamang paghawak ng pera, pag-iipon (70:20:10 rule o 50:20:30 formula), paggastos, at kung paano pagttrabahuhin ang pera para sa’yo. Ang kakulangan ng financial literacy ay maaaring nakakasira sa pagpaplano ng isang indibidwal tungo sa kanyang financial freedom. Dahil sa poor spending decisions at kakulangan sa long-term preparation, maaaring mabaon sila sa patong-patong na utang at loans, bankruptcy, poor credit, at marami pang iba. 

Sa sakop ng mga istatistika ukol sa financial literacy, kapansin-pansin na ito ay yaong mga mayor de edad lamang. Ngunit, ang pagiging financially literate mula sa murang edad ay nagbibigay sa isang indibidwal ng mga instrumento at pamaraan na kailangan nila upang maging financially secure sa madaling panahon. Nasaan ang mga bata at tinedyer sa usaping finance? Sila ang kailangang turuan ng financial literacy dahil magandang maging financially smart mula pagkabata pa lamang. Mapaghahandaan nila ang financial freedom at retirement plan ng mas maaga.

‘With education comes empowerment’

Sa usaping financial education, hindi porket wala kang salapi ay hindi ka na “entitled” pag-aralan kung paano matamo ang financial freedom. Kung kaya’t wala dapat na batayan sa edad at social class ang pagbabahagi ng financial education sa mga Pilipino. 

Para sa mga mag-aaral na katulad ko, dapat ding maging mandatoryo ang pagtuturo ng financial literacy kagaya lamang ng mga karagdagang kursong Disaster Risk Management (DRRM) at Media and Information Literacy (MIL) sa K-12 Basic Education Program. Dahil ang bawat Pilipino ay may karapatan sa libre at accessible na edukasyon, dapat natin asahan na maging accessible din sa atin ang kursong financial literacy. 

Gaya ng mga kursong DRRM at MIL, ang financial education ay may long-term at mabisang aplikasyon sa buhay ng bawat mag-aaral. 

Ngunit bakit wala pa ring financial literacy at financial freedom na itinuturo sa mga estudyante? Malabong hindi agad nakita ng mga institusyong pang-edukasyon ang kahalagahan ng pagtuturo nito sa bansang Pilipinas, kung saan tumaas na sa 5.6 milyon na mga Pilipinong pamilya ang nasa poverty line. 

Call to action para sa mga institusyong pang-edukasyon 

Ang DRRM ay naglalayong magturo kung paano manatiling ligtas sa natural calamities, habang ang MIL ay nagtuturo ng pag-aadapt sa modern technologies. Dapat pag-isipan pa ng DepEd at CHED kung paano mas magiging makabuluhan ang pag-aaral ng mga estudyanteng Pilipino. Bukod sa pagpupursige ng mandatoryong ROTC, dapat ding maturuan nila ang mga mag-aaral kung paano makakaahon sa kahirapan ang bansa natin gamit ang financial literacy. 

Must Read

[OPINION] When it comes to your finances, is longevity a blessing or a curse?

[OPINION] When it comes to your finances, is longevity a blessing or a curse?

Suma total, positibong benepisyo lang naman ang makukuha ng mga mag-aaral at ng bansang Pilipinas sa pagpapatupad ng mandatoryong financial education. 

Sa pansariling pakikinabang, una, magiging mas marunong ang mga Pilipinong mag-aaral sa pagbabadyet at pamumuhunan ng kanilang pera. Pangalawa, matututo silang mag-ipon para sa kanilang edukasyon, pangtustos, plano sa pagreretiro, at magpatakbo ng negosyo. Pangatlo, sa henerasyon na instant at fast-paced ang galaw ng mundo, importanteng maturuan sila kung paano pagtatrabahuhin ang pera para sa kanila gamit ang investment at mutual funds. At panghuli, magiging mas maalam at protektado sila laban sa scam at phishing.

Sa bansang Pilipinas naman, ang financial literacy ay maraming benepisyong pang-ekonomiya. Iilan lamang ang mga ito: una, mas lalakas ang workforce ng bansa dahil maraming edukado at business minded. Pangalawa, bababa ang crime rate. Pangatlo, magkakaroon tayo ng food security at bababa ang epekto ng global inflation sa bawat pamilyang Pilipino. At panghuli, mas maraming foreign investors ang dadagdag sa bansa natin. 

Sa mga komunidad at bansang may kakayahang pinansyal, lahat ay siguradong makikinabang. Dapat na nating kanselahin ang mindset na ang mga nasa taas lang ang naghihilahan pataas. Hindi kailanman uusbong ang bansa natin kung hindi natin lulutasin ang problema natin sa ekonomiya at kahirapan. – Rappler.com

Si Danielle Carmelo, 20, ay kasalukuyang nag-aaral ng Batsilyer ng Agham sa Haynayan medyor sa Haynayang Pantao sa Pamantasang De La Salle. Siya ay parte ng International Marketing Group (IMG) na may adbokasiyang “To help create wealth for families and to make a difference for families so there will be no family left behind.” Bukod dito, siya rin ay advocate ng #AccessibleEducation para sa mga Pilipinong mag-aaral.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!