environmental issues

[New School] Konsyumerismo at ang kapaligiran

Porsha Gabrielle Sy

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[New School] Konsyumerismo at ang kapaligiran

David Castuciano/Rappler

'Ang decoupling o ang pagpapaunlad ng zero-carbon na teknolohiya para makisabay sa demand ng lipunan ay hindi sapat'

Napanood ko muli ang pelikulang The Lorax kamakailan lang. Napagtanto ko na ang mensahe ng pelikula ay para sa lahat. Ipinakilala nito ang ideya ng konsyumerismo at ang epekto nito sa kapaligiran sa paraan na maiintindihan ng isang bata. 

Ako’y nabighani sa kung paano inilarawan ng pelikula ang mass production at ang pagkonsumo. Ang Once-ler, ang karakter na gumawa ng Thneed, ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaroon nito. Nakumbinsi naman ang mga hayop na gumamit nito. Sa kasalukuyang sitwasyon sa pelikula, kung saan kulang ang mga likas na yaman, at oxygen sa bote ang paraan upang makahinga, hindi ko na nakita ang Thneed. Napagtanto ko na ang bagay na ito ay ginawa nang maramihan, ginamit ng karamihan, dahil sa mahusay na pagpapatalastas nito. 

Habang hindi ko naman maitatanggi na ang ibang mga bagay ay talagang makabuluhan ang gamit, karamihan sa ibang mga binibili ko nang biglaan ay hindi. Kasama na rito ang mga sobrang muwebles, dekorasyon, at mga trinkets na nakaaakit. 

Ang mas nakatatakot pa rito ay ang Once-ler, na nagdulot ng pagkasira ng kapaligiran, ay iisang tao lamang. Sa mundo, libo-libong kumpanya ang nagsisilbing mga Once-ler. Kaya hindi nakapagtataka na tumataas ang lebel ng tubig sa dagat, lumalakas ang mga bagyo, at nawawalan ng mga tahanan ang mga hayop. Malungkot ang mundong ipinakita sa The Lorax; hindi tatagal, maaaring iyon na rin ang kapalaran ng ating mundo. 

Napansin ko na ang mga patalastas ngayon ay pabuti nang pabuti sa pagkumbinsi na kapag binili ko ang damit na ito o magkaroon ako nitong bagong produkto, ay mas magiging masaya ako, na ito ang susi sa aking kaligayahan. Ito ang nagdulot sa aking walang katapusang paghahabol sa kung ano ang bago. Pero nang magtagal, napagtanto ko na hindi na ako makontento kahit ano ang bilhin ko. Totoo na ang pagtangkilik ng mga produkto ay nakabubuti para sa ekonomiya, ngunit mapangib ito sa ating mga ipon at sa kapaligiran. 

Ang patuloy at walang hanggang proseso ng pangangailangan, pag-upgrade, pagpalit, at pagtapon na ginagawa ng karamihan ng populasyon ay isang malalang problema. Habang mukha naman itong kaugnayan sa pagitan ko, na mamimili, at ng kumpanya, sa likod ng lahat ng ito, ang higit na naaapektuhan, ay ang kapaligiran. 

Para mabili ko ang mga produktong nakalatag na sa harap ko, ang mga yaman sa loob ng planeta ay kinukuha upang magawa ang produkto, at mga iba’t ibang uri ng transportasyon ang ginagamit upang ipamahagi sila. Kapag nakuha na ang produkto, itatapon ko na ang balot nito. Kapag naman dumating na ang panahong nabigyang-kasiyahan na ako ng bagay na iyon at hindi ko na ito kailangan, itatapon ko na rin ito. Lahat ng iyon ay napunta lamang sa mga landfill, idagdag na ang polusyon na naidulot nito para lamang magawa at maipamahagi ang produkto. 

Must Read

‘More likely than not’ world will soon see 1.5°C of warming – WMO

‘More likely than not’ world will soon see 1.5°C of warming – WMO

Ang fashion industry ay isa sa mga nag-aambag sa ating napapabayaang kalikasan. Ayon sa UN Environment Program (UNEP), ang industriyang ito ay ang pangalawa sa pinakamalaking konsyumer ng tubig at nag-aambag ng 8% ng carbon emissions kada taon. Nawawalan rin ito ng bilyon-bilyong dolyar na halaga kada taon dahil sa pagpapabaya sa recycling. Ang ibang mga damit ay napupunta lamang sa mga landfill bago pa ito maibenta. Ito ay isang banta dahil matagal mabulok ang tela at naglalabas ito ng mga mapanganib na kemikal sa lupa. Isa lamang ito sa daan-daang iba pang industriya na tinatangkilik ko dahil sa kanilang impluwensya. 

Sa pagbanggit nang lahat ng iyon, napaisip na lamang ako kung ano ang sunod na hakbang upang mapabuti ang kasalukuyang sitwasyon. Ang decoupling o ang pagpapaunlad ng zero-carbon na teknolohiya para makisabay sa demand ng lipunan ay hindi sapat. Noong 2009, ang South Korea ay naglaan ng bilyon-bilyong dolyar para sa kanilang green growth projects, ngunit ilang taon ang lumipas, ito’y nabigo dahil tumaas pa rin ang kanilang carbon emissions. Ang produksyon ng enerhiya ng kanilang renewable resources ay mas mababa kaysa sa bilis ng pagkonsumo ng mga tao. 

Tinignan ko na lamang sa indibidwual na lebel. Sa papel nina Millward-Hopkins et al., sinabi nila na ang pagkonsumo ng enerhiya ng mundo ay maaaring mapapaba sa lebel ng pagkonsumo noong 1960s habang napapanatili ang disenteng pamumuhay para sa lahat kung ang mga zero-carbon na teknolohiya ay maipapamahagi sa lahat – ito ay ang papel ng gobyerno at mga kumpanya. Sa akin naman, ay kung mapapababa ko ang aking pagkonsumo at pagbili ng mga produkto. 

Ang pagbili ng mga kadamitan na matagal na masusuot, hindi pag-upgrade sa bagong teknolohiya kada taon, pag-iwas sa mga media at patalastas, at pag-isip muna nang mabuti tungkol sa isang bagay na bibilhin ay isa sa mga paraan para mapababa ang aking antas ng pagkonsumo. Ang pag-intindi na kapag kaunti ang aking mga kailangan, at mas lalong kaunti ang aking mga kagustuhan, mas mapadadali ang malagong pagbabago patungo sa isang mas maunlad na mundo. – Rappler.com

Si Porsha Gabrielle G. Sy, 17, ay isang mag-aaral ng SHS-STEM sa Pamantasang De La Salle. Siya ay sumusuporta sa mga organisasyon na adbokasiya para sa kapaligiran at mahilig manuod ng mga dokumentaryo ukol sa kalikasan.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!