Philippine Constitution

[New School] Ang Konstitusyong 1987 at ang Administrasyong Marcos Jr.: Isang kabalintunaan?

Kenan Gawaran

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[New School] Ang Konstitusyong 1987 at ang Administrasyong Marcos Jr.: Isang kabalintunaan?
'Kailangang ariin ng taumbayan ang mundo ng batas'

(Isinulat bilang pagdiriwang sa Araw ng Saligang Batas, Pebrero 2)

“Oo.”

Ito ang malakas na sagot ng higit 16 milyong Pilipino noong Pebrero 2, 1987 nang tanungin kung sumasang-ayon ba sila sa panukalang Konstitusyon. Sa araw na iyon, opisyal na iniluwal ng isang malayang bansang Pilipinas ang Konstitusyon ng 1987.

Natatangi ang Saligang Batas na ito dahil sadya itong ipinagtibay bilang tugon ng isang bayang kakakawala pa lamang mula sa tanikala ng diktadura, at nagnanasang hindi na muling bumalik pa. Sa katunayan, pinatotohanan ni Fr. Joaquin Bernas, isa sa mga bumalangkas ng Konstitusyon, na ang pagsama ng salitang “katotohanan” sa panimula ng Konstitusyon bilang isa sa mga katangian ng pamahalaang pinapangarap nito ay isang lantarang protesta laban sa mapanlinlang na katangian ng nagdaang rehimeng Marcos. Gumawa rin ito ng kasaysayan bilang kaisa-isang Konstitusyon sa buong mundo na may espesyal na artikulong nakatuon sa katarungang-panlipunan at karapatang-pantao; muli, isang kongkretong hakbang palayo sa madugo at mapang-api nitong nakaraan.

Kaya naman, ang pagpapatibay ng mga mamamayan sa Konstitusyon ng 1987 ay isang matapang na pakikipagtipan sa mga prinsipyo ng kalayaan at demokrasya. Sa isang banda, pangako ito na hindi na muling maikakasangkapan ng Estado ang batas upang manupil at umabuso. Sa kabilang banda, ito rin ay isang paniniguro na ang bawat batas, prinsipyo, kawani, at sangay ng pamahalaan ay itatalaga sa pagsusulong ng kabutihang panlahat, at hindi na muli para sa iisang tao o pamilya.

Subalit 35 taon pagkatapos ng naturang plebesito, nangyari ang marahil isa sa mga pinaka-malaking kabalintunaan sa kasaysayang pulitikal ng Pilipinas sa nakalipas na higit tatlong dekada: nanumpa ang anak ng diktador sa ilalim ng isang Konstitusyong binalangkas, ipinagtibay, at isinilang bilang pananggalang ng sambayanang Pilipino mula sa pagbabalik ng isa pang Ferdinand Marcos Sr. Ginanap ang panunumpa ni Ferdinand Jr. sa harapan ng dating gusali ng Kongreso — ang pinakamatibay na institusyon ng demokrasya — na minsang ipinasara at ikinandado ng kanyang ama.

Nanumpa siyang “pangangalagaan at ipagtatanggol” ang Konstitusyon. Subalit paano niya ito ma-ipagtatanggol mula sa kanyang sarili?

Nakababahala. Ang pagbabalik at patuloy na pamamayagpag ng isang pamilyang malayang sangkot at nakinabang sa mga kasalanan ng kanilang ama at ng kanyang rehimen, nang walang pagbabayad-pinsala, paghingi ng patawad, o kahit man lamang pag-amin, ay katumbas na rin ng pagbabalik at pamamayagpag mismo ng tirano na pinatalsik na ng sambayanan, at sinikap na hindi na muling pabalikin sa pamamagitan ng isang demokratikong Konstitusyon.

Pero ang higit na nakababahala: nasaan ang mga Pilipinong matapang na nagpahayag ng kanilang pag-oo sa Konstitusyong ito, tatlong dekada pa lamang ang nakararaan?

Totoong kataka-taka, pero mukhang hindi kagulat-gulat. Dahil ano nga ba ang Konstitusyon sa atin ngayon: dagdag na babasahin lamang sa kolehiyo? Isang manipis na pulyetong nakaimbak sa mga aklatan na hindi naman araw-araw interesanteng paksa sa mga diyaryo? Hindi kagulat-gulat, dahil sa bibig na mismo ng isang dating pangulo nanggaling na papel lang ang Konstitusyon na maaring ipampunas kapalit ng toilet paper.

Maaring ikatuwiran ng iba: hindi ba’t ang Konstitusyon rin namang ito ang nagpahintulot upang mailuklok ang isang Duterte at isang Marcos sa Malacañang? Tunay nga. Pero anong limit nating malimutan na ang Konstitusyon, katulad ng demokrasya, ay hindi lamang isang papel na naglalaman ng punto por puntong proseso ng paghahalal o pagbubuo ng gobyerno? Hindi ito dokumento na ginagamit lamang para sa pormalidad.

Higit sa pagiging isang instrumentong legal, ang Konstitusyon ang pinagsama-samang pagpapahayag ng ating mga pagpapahalaga at mga pangarap bilang mga mamamayan ng isang bayang malaya. Katulad ng anumang batas at panuntunan, hindi Konstitusyon ang hangganan at katapusan. Ang puno’t dulo ng Saligang Batas ay ang potensyal ng taumbayan na hubugin ang sarili nilang kapalaran sa liwanag ng katotohanan, katarungan, kalayaan, pag-ibig, pagkakapantay-pantay, at kapayapaan.

Ang kabalintunaan ng isang Marcos na nanunumpa sa ilalim ng Konstitusyon ng 1987 ay manipestasyon lamang ng mas malaking kabalintunaan sa pagitan ng naturang Konstitusyon at ng kasalukuyang lipunang Pilipino: ang unti-unting paglabo ng papel ng Saligang Batas sa pang-araw-araw na buhay ng isang ordinaryong mamamayan, at maging sa mga kawani ng pamahalaan. Sa kadahilanang katulad ng napakaraming mga batas at alituntunin, ang Konstitusyon para sa nakararami, mula pa lamang sa pagbabalangkas, pagsisiyasat, at pagpapatupad ng mga ito, ay eksklusibong trabaho lamang ng iilang may-alam, may-kaya, at may-kapangyarihan sa lipunan, mas madalas ay pinapasiya na lamang nilang maksimahin ang oportunidad na laru-laruin ito: lumabag, manuhol, o basta na lamang magwalang-bahala sa paniwalang nariyan lang naman ang batas hindi para sundin, kun’di para “deskartehan” o “lusutan.” Natural na kilos ng tao: ang hindi kayang ariin, utakan. At baka ito ang mas malalim na dahilan kung bakit nagawa pa rin ng 31 milyong Pilipino na ipanumpa ang anak ng diktador sa ilalim ng isang demokratikong Konstitusyon.

Minsang may nagsabi sa akin: “Bakit ko pagkakaabalahan ‘yan; makakain ko ba ang Konstitusyon?”

Ang hindi natin batid — na dapat paulit-ulit na ipabatid — Konstitusyon ang nagtatakda na dapat, bawat pamilya ay may pagkain sa mesa. Konstitusyon ang nagtatakda na dapat, ligtas tayo mula sa anumang pangamba habang naglalakad sa mga kalsada. Konstitusyon ang nagtatakda na dapat, ang lahat ng bata ay nakakapag-aaral, ang mga mamamayan ay maaring makialam sa pagpapasyang pampubliko; na ang bawat manggagawa ay may nakabubuhay na sweldo, na ang bawat magsasaka ay may lupang masasaka, na ang bawat mag-anak ay may tahanang mauuwian at masisilungan.

Must Read

FAST FACTS: 1987 Philippine Constitution

FAST FACTS: 1987 Philippine Constitution

Sa ganitong diwa, tila nagkaroon ng laman at buto ang Konstitusyon. Nasa Konstitutsyon ang ating mga pangarap. Ang hamon ay tuparin ang mga ito — gawing realidad. Kailangang ariin ng taumbayan ang mundo ng batas. Kailangang puksain ang kabalintunaan.

Kaya kung nakararating nga ang pagkain sa mga mesa, kung ligtas nga tayo sa mga kalsada, kung nakapag-aaral nga ang mga bata, at kung nabubuhay nga ang mga manggagawa, ay naka-depende sa kung paano natin maipararating sa mayorya na kanila at para sa kanila ang mga batas na ito.

Nakasalalay ang kapalaran ng Konstitusyon ng 1987 sa kung paano natin mapagsisikapang tuparin ang Kredo ni Magsaysay: na ang mga may higit na kakulangan sa buhay ay dapat higit na nakaaangat sa batas. – Rappler.com

Kenan Gawaran is an undergraduate student of political science at the Ateneo de Manila University, and is currently serving as president of the Ateneo Student Catholic Action. A native of Bacoor, Cavite, his interests include political thinking and local governance in the Philippines and Filipino philosophy, culture, and history.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!