education in the Philippines

[New School] Husay sa sipnayan: Sadyang likas o binubuo?

Alexandra Brianne Gochian

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[New School] Husay sa sipnayan: Sadyang likas o binubuo?

Alyssa Arizabal/Rappler

'Ang huling pagkakataong lumahok ang isang Pinay sa International Mathematics Olympiad ay halos isang dekada na ang nakalipas'

“Ang husay mo sa math, magiging inhinyero ka siguro,” ay isang pahayag na bihirang sinasabi sa mga kababaihang bata. Kadalasan, ang nasasambit at nakatatak sa kababaihan ay, “Galing mo sa math. Sayang naman ang husay mo, mag-aasawa ka lang naman.” 

Ilang linggong nakalipas noong ipinahayag ng Mathematical Society of the Philippines (MSP) ang pinal na koponan na binubuo ng anim na miyembro na kakatawan sa Pilipinas sa International Mathematics Olympiad (IMO) ngayong taon. 

Bilang konteksto, ang IMO ay kabilang sa pinakaprestihiyosong kumpetisyon na maaaring salihan ng isang mag-aaral mula sa paaralang sekundarya. Ito ay nangyayari ng isang beses lamang sa isang taon, kaya ang bawat bansa ay nagsisikap na magpadala ng anim sa pinakahusay na estudyante sa kanilang bansa upang kumatawan sa kumpetisyong ito. 

Matapos ipahayag ang ikaanim na representatibo, may pamilyar na pakiramdam sa aking dibdib na naramdaman ko na rin sa mga nakaraang taon na anunsyo: lahat nanaman sila ay pawang mga lalaki. Ito ang pakiramdam ng inaasahang lumbay at hinayang na walang babaeng nakapasok muli. 

Sa paglipas ng taon, ito ay naging karaniwan at inaasahan na. Ang huling pagkakataong lumahok ang isang Pinay sa IMO ay halos isang dekada na ang nakalipas; noong 2014 si Ma. Czarina Angela Lao ay nakakuha ng honorable mention sa kumpetitsyong ito. Sa 35 taong ng ating partisipasyon, sa 119 na estudyanteng kumatawan sa Pilpinas, apat lamang na kanila ay babae. 

Iyan ay halos tatlong porsiyento lamang. 

Anim na taong gulang pa lang ako nang sumali ako sa kauna-unaunahang kong kumpetisyong sa sipnayan noon 2011. Sa parehong taon, si Carmela Antoinette Lao ay napili para sumali sa kanyang huling IMO bago siya nagtapos sa kanyang pag-aaral sa parehong eskuwelahan na aking pinasukan. 

Nakilala noon si Carmela Lao bilang kauna-unahang Pinay na nakakuha ng medalya sa IMO. Makikita siya sa ulo ng pahayagan at mga patalastas ng mga tatak (hal. Jolibee), at ngayon siya’y naging quant trader sa ibang bansa. 

Hindi ko pa masyadong kilala si Carmela noon, at hanggang ngayon, ang alam ko lang sa kanya ay ang mga impormasyon na maaring hanapin sa Google, ngunit gayunpaman, nang malaman ko ang tungkol sa kanya, napaisip ako na baka ako ang susunod na Carmela Lao ng aking henerasyon! 

Noong ako’y sampung taong gulang at marami na rin akong sinasalian na kumpetisyong sipnayan, ang mga lalaking kakumpitensya ko’y puro sina Albert Einstein, Stephen Hawking, at Isaac Newton ang kanilang mga huwaran, at wala akong maisip na sikat o tanyag na babae sa larangan ng sipnayan upang makisali sa kanilang pag-uusap. 

Sa panahong iyon, namulat ako sa agwat ng kasarian na umiiral, hindi lamang sa maliliit na kumpetisyong sipnayan kundi pati na rin sa mas malalaking antas, tulad ng sa mga larangang nauugnay sa STEM. Ang kakulangan ng babaeng representasyon ay hindi agad-agad na nangyayari; sa halip, ito ay nagsisimula at lumalaki sa loob ng ating mga tahanan at silid-aralan. 

Ayon kay Pasquantonio (2016), kahit anuman ang pag-uugali o tagumpay na nakamit ng isang mag-aaral, mas minamaliit ng mga guro ang kakayahan ng mga babaeng estudyante sa larangan ng sipnayan. Bilang resulta ng pagmamaliit, ang epekto nito ay nadadala na rin kahit sa mga tuktok ng klase. Sa unang baitang palang, kumakatawan na ang mga babaeng estudyante ng mas mababa sa isang katlo ng 90th percentile. 

Kapag nagsisimula ang agwat sa murang edad ng pitong taon, malinaw na may mga salik na lumalampas pa ng silid-aralan, kabilang dito ang mga ideyang tradisyonal na patuloy na umiikot sa ating lipunan at kultura. 

Must Read

How an 18-year-old STEM activist is helping close the gender and tech gap in PH

How an 18-year-old STEM activist is helping close the gender and tech gap in PH

Ang isang ulat ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) ay nagsiwalat na, sa kabila ng pagiging mahusay ng mga Pinay sa sipnayan, ang mga lalaki pa rin ang labis na kumakatawan sa mga nangungunahing gumaganap sa halos lahat ng mga rehiyon. Ito ay malamang dahil sa pagkiling ng isang kasarian o mga estereotipo sa kababaihan.

Sa kabutihang palad, may mga paraan para maibsan ang isyu. Ang pagbibigay ng pansin sa mga detalye, tulad ng mga huwaran sa mga silid-aralan at mga larawan na ginagamit sa mga aklat-aralin, ay maaaring gumawa ng makabuluhang pagkakaiba. Ang mga bansang tulad ng Thailand ay nakapagtatag na ng patakaran na nagbabawal ng diskriminasyon ng kasarian sa kanilang silid-aralan upang matiyak na rinerepresenta ang lahat.

Habang ang agwat ng kasarian sa sipnayan ay tila hindi gaanong mahalaga kung ikukumpara sa bigat ng ibang mga isyu sa Pilipinas, gayunpaman, ang puwang na ito ay maliit na larawan sa tunay nitong implikasyon. Makakatungo lang tayo sa isang solusyon para sa mas malawak pa na isyu kagaya ng agwat ng kasarian sa trabaho, suweldo, at maging ang karapatang pantao kung itutuon natin ang maliliit na isyu kagaya nito. 

Sa mga susunod na taon, malabong masasaksihan ko ang susunod na Pinay na lalahok sa IMO, ngunit umaasa ako na sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap, maaari nating bigyang-daan ang normalisasyon ng kababaihan sa sipnayan at sa ibang aspeto ng STEM. – Rappler.com

Si Alexandra Brianne B. Gochian, 17, ay kasalukuyang nag-aaral sa Pamantasang De La Salle bilang Senior High School na estudyante. Siya ay aktibong kalahok sa mga kumpetisyong sipnayan mula pa noong siya ay anim na taong gulang at kamakailan lamang na kinilala ng Senado dahil sa kanyang pagkapanalo sa World Interntional Mathematics Olympiad. Bukod sa sipnayan, sumasali rin si Alex sa mga kumpetisyong agham at pampublikong pagssalita.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!