SONA 2021

[ANALYSIS] Malubha ang state of the nation

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Malubha ang state of the nation
Parang na-hit-and-run ng pandemya ang Pilipinas, at si Duterte 'yung miron na nanood lang sa tabi at di man lang tayo tinulungan

Noong July 31, 2020 sinabi ni Pangulong Duterte na “by December” ay “back to normal” na tayo. 

Pero mula noon, nadagdagan ng 1.4 milyong kaso ng COVID-19 ang Pilipinas, at higit sa 23,000 ang dagdag sa mga namatay.

Ngayon nakaamba ang isa na namang malaking wave dulot ng Delta variant na laganap ngayon sa maraming rehiyon, lalo na sa Southeast Asia. (Noong Huwebes, July 22, kinumpirma ng Department of Health ang local transmission ng Delta variant.)

Samantala, nasa gitna pa rin ang bansa ng pinakamatinding krisis pang-ekonomiya pagkatapos ng World War II.

Noong 2020, lumiit ang produksyon ng ating ekonomiya nang 9.6%, pinakamalala sa ating kasaysayan at sa ASEAN. Sinabi ng economic managers ni Duterte na “confident” sila na ngayong 2021 babalik ang sigla ng ekonomiya at lalago ito nang 6.5-7.5%. Mukhang suntok sa buwan iyon.

Sa panahon ng yumao at dating pangulong Noynoy Aquino, tinagurian tayong “tiger economy” at “Darling of Asia” dahil sa kakaibang sigla ng ating ekonomiya. Ngayon, “sick man of Asia” na ulit tayo.

Sa sobrang lala ng krisis, ang kita ng bawat Pilipino ay lumagpak sa pinakamababang lebel mula noong 2015. Ang bawat isa sa 109 milyong Pilipino ay mistulang nawalan ng halos P9,000. Bagamat medyo bumangon na ang average na kitang ito, napakalayo pa rin sa pinanggalingan (Figure 1).

Figure 1

Napakarami rin ang walang trabaho. Noong Mayo, 3.73 milyong Pilipino ang gusto at available na magtrabaho, pero walang nakuhang trabaho. Ito ay sa kabila ng pagluwag ng travel restrictions at pagbubukas ng mga establisyemento tulad ng mga mall at opisina. Ang bilang ng unemployed ay 56% na mas mataas pa rin kumpara noong bago magsimula ang pandemya (Figure 2).

Figure 2

Kulang na nga ang mga trabaho, sobrang taas pa ng presyo ng mga bilihin.

Bawat buwan mula noong Enero ay higit sa 4% ang inflation rate (na sumusukat sa bilis ng pagtaas ng mga presyo). Lagpas ito sa target ng gobyerno na 4% (Figure 3). Ito’y dahil sa matinding paglobo ng presyo ng pagkain, lalo na ng baboy. Dahil sa pagtaas ng presyo ng langis ngayon, malamang mataas pa rin ang inflation sa mga susunod na buwan.

Figure 3

Di na kagulat-gulat na pumalo rin ang kagutuman. Noong Disyembre, tumataginting na anim sa 10 pamilyang Pilipino ang nakaranas daw ng gutom ayon sa Food and Nutrition Research Institute. Bagamat bumaba na ito, tinataya naman ng Social Weather Stations na 4.2 milyong pamilya pa rin ang gutom noong Mayo.

Sa makatuwid, bumaba ang kita ng mga Pilipino, maraming nawalan ng trabaho, mataas ang presyo ng mga bilihin, at maraming gutom. Ika nga sa “Temptation Island” (1980), magsasayawan na lang ba tayo?

Pinabayaan tayo ni Duterte

Sa gitna ng kambal na krisis sa kalusugan at ekonomiya, walang tulong si Duterte.

Well, kahit papaano nagkaroon naman ng ayuda noong Abril at Mayo 2020, sa porma ng financial assistance na nagkahalaga ng P5,000 hanggang P8,000 kada pamilya. Ngunit napakaliit ito kumpara sa minimum na gastusin ng isang pamilya. Nagkaroon ng panibagong ayuda sa “NCR Plus bubble” nitong taon, pero di hihigit sa P4,000 kada pamilya. Saan aabot iyon?

Ang laging dahilan ng gobyerno ay wala na raw tayong pera. Mismong si Duterte ang paulit-ulit na nagsabi nito. Hindi. Ito. Totoo.

Tingnan mo na lang 'yung nangyari sa Bayanihan 2, na nag-expire noong June 30. Limang araw bago yun, P17.3 bilyon pa ang hindi na-obligate ng iba’t ibang ahensiya, at P46.4 bilyon ang hindi pa nagastos. Ready na sana 'yung pera, pero ibinalik na lang sa Treasury dahil di na nag-abala si Duterte na i-extend ang Bayanihan 2. Ni hindi siya nagpatawag ng special session ng Kongreso.

Pera na, naging bato pa.

Tuloy, wala nang panggastos ang gobyerno sa maraming aspeto ng pandemic response, tulad ng hiring at training ng contact tracers (na lalong importante ngayong may Delta variant na), Libreng Sakay program, at ayuda para sa mga estudyanteng hirap na hirap na sa online learning.

Isa ring indikasyon ng kawalan ng malasakit ni Duterte ay ang hindi niya pag-certify sa Bayanihan 3 bill bilang “urgent.”

Magbibigay sana iyon ng karagdagang P405.6-bilyong ayuda para sa iba’t ibang sektor. Nobyembre pa lang isinulong na ito sa Kongreso. Ngunit magsisimula na ang 2022 budget season ay hindi pa rin ito natatalakay ng Senado. (Ito namang mga mambabatas sa House of Representatives, nagawa pang magsingit ng P54.6 bilyon para sa pensyon ng mga sundalo at pulis. Sila ba dapat ang priority na ayudahan?)

Imbis na mahihirap, ang mga inayudahan ni Duterte ay ang mayayaman.

Halimbawa, pinirmahan niya ang Create law na binawasan ang buwis ng mga korporasyon. Kapos na nga ang pera ng gobyerno, lalo pang hihina dahil sa pro-rich na batas na ito.

Mali-maling priorities

Bukod sa ayaw umayuda ni Duterte, sobrang sabog din ng priorities niya.

Halimbawa, sa 2021 budget, akalain mong nagbuhos sina Duterte at ang Kongreso ng pera sa infrastructure projects (mga tulay, kalsada) imbis na sa pandemic response (testing, contact tracing, bakuna) at ayuda.

Sabi nga ng ilang kaibigan ko, “If only nakakain ang semento.”

Napakaraming programang puwede sanang ihinto muna upang tustusan ang pandemic response. Isa rito ay 'yung sikat na dolomite beach sa Manila Bay, na nagkakahalaga pala ng daan-daang-milyong piso. Tuwing may bagyo o malakas na ulan, inaanod lang din naman ng mga alon. What if magtapon na lang ang gobyerno ng pera diretso sa dagat? Ganun din naman.

Pagdating sa bakunahan, alam mo bang P2.5 bilyon lang ang isinumite nina Duterte na initial budget para rito? Sobrang tinipid. Samantala, halos walong beses na mas malaki rito ang ibinigay nilang budget para sa NTF-ELCAC (P19 bilyon), na ginagamit lang ngayon sa propaganda, red-tagging, at pork projects sa iba’t ibang barangay nationwide. Ehem, eleksyon, ehem.

Ang maliit na budget para sa pabakunahan ay isang dahilan kung bakit saksakan nang bagal ito. Sinabi noon ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., gusto nilang makamit ang herd immunity sa katapusan ng 2021 at mabakunahan ang humigit-kumulang 70 milyong Pilipino. Pero ngayong patapos na ang Hulyo, limang milyon pa lang ang fully vaccinated. Isa na namang suntok sa buwan.

Sa huli, kaliwa’t kanan ang kapalpakan ni Duterte sa gitna ng pandemya at krisis pang-ekonomiya. Marami sanang pera at paraan upang maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan. Ngunit sa kamay ng isang inutil na walang malasakit sa taumbayan, hindi nagagamit ang mga ito. Sayang.

Sa 2022, tandaan mong pinabayaan tayo ni Duterte. At 'wag iboto ang mga inutil. – Rappler.com

JC Punongbayan is a PhD candidate and teaching fellow at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).