COVID-19

[ANALYSIS] Bakit walang kuwenta ang face shields

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Bakit walang kuwenta ang face shields
Bagama’t bumaba na ang presyo ng face shields sa paglipas ng panahon, hindi pa rin naman ito nililibre ng gobyerno para sa karamihan ng mga Pilipino. Patuloy na kikita ang importers at sellers nito hanggang required ito ng gobyerno.

Panahon na para itigil ang kalokohang ito.

Noong Nobyembre 5, nabalitaang iniisip na ng gobyerno (sa pamamagitan ng IATF o Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases – phew!) ang pagtatanggal sa requirement na magsuot tayo ng face shield. 

Ngunit ayon sa Department of Health (DOH), na nangunguna sa IATF, kailangan daw nila ng isa pang linggo upang pag-aralan ang panukalang iyon. 

Sa pananaw ni Health Secretary Francisco Duque III, kailangang “risk-based” daw ang polisiya: maaaring i-require pa rin ang face shields sa mga lugar na alert level 3-5 (kung ano man ang ibig sabihin noon) at sa mga lugar na siksikan o maraming tao.

Nakakatawa ang mga pahayag na ito sa ilang dahilan. 

“Una, maraming siyudad at munisipyo na ang nagtanggal ng kani-kanilang face shield requirement, kahit wala pa man ang opisyal na polisiya ang IATF. Kabilang dito ang Davao City mismo – baluwarte ni Pangulong Rodrigo Duterte – kung saan voluntary na lang ang pagsusuot ng face shields kahit sa tinatawag na “3Cs”: crowded places, close contact settings, at confined and enclosed spaces. Nitong Nobyembre 8, tinanggal na rin ng Maynila ang kanilang face shield requirement maliban sa mga ospital at ibang medical facilities.

Bagama’t may autonomy ang local government units (LGUs), bakit hindi tugma ang polisiya ng IATF na dapat ay nagkukumpas sa pangkalahatang pandemic response ng gobyerno? Wala ba silang Viber group?

Pangalawa – at higit na mahalaga – walang pag-aaral na nagpapatunay na talagang epektibo ang face shields sa pagpapababa ng kaso ng COVID-19, o pagpigil ng hawaan ng mga tao. 

Sa madaling sabi, hindi lapat sa siyensiya ang polisiya ng face shields, at hindi na dapat ito i-require ng gobyerno.

Nananatili sa ere ang virus

May sense ang face shield kung ang pangunahing paraan ng pagkalat ng COVID-19 virus ay ang pagsakay nito sa malalaking droplets ng tubig na tumatalsik mula sa atin tuwing umuubo o bumabahing. Ganito ang assumption ng nakararami – kabilang ang mga eksperto – noong simula ng pandemya. 

Ngunit sa nakalipas na taon, parami nang parami ang mga pag-aaral na nagpapakitang lumulutang din ang virus sa ere, tangay ng sobrang liliit na water particles (aerosols) na lumalabas sa ating bibig. 

Samakatuwid, airborne din ang virus, at maaari itong manatili sa hangin sa loob ng maraming minuto o kahit oras – lalo na sa indoor spaces kung saan hindi malayang nakadadaloy ang hangin. (’Di kagaya ng malalaking droplets ng tubig na nahuhulog agad sa lupa dahil sa gravity, at hindi natin nalalanghap.) 

Sa katunayan, may mga pag-aaral na nagsasabing ang aerosol transmission nga ang pangunahing paraan ng pagkalat ng COVID-19, hindi droplets.

Kung gayon, napaka-limitado ng bisa ng face shields: kayang-kayang pumasok ng hangin (at virus) sa loob ng face shield, at maaari nating malanghap ang virus kung hindi fit ang ating face mask (o kung mali ang pagsuot natin nito). Maaari ring dumapo ang aerosol particles sa ating mata, ilong, bibig, na ayon sa mga eksperto ay puwedeng mode of transmission din (ngunit ang pangunahing paraan talaga ay ang paglanghap ng particles na nagdadala ng virus).

Wala ring silbi ang face shields kung mahangin. Halimbawa, kung ang hangin ay nagmumula sa likod ng ating mukha o sa ibang anggulo, madaling makapapasok ang virus sa loob ng face shield. 

Delikado rin kung ang hangin ay galing sa harap ng mukha mo: ayon sa simulations at analysis ng wind engineer na si Joshua Agar (na assistant professor din sa Unibersidad ng Pilipinas), imbes na dumaloy ang hangin papunta sa likod ng ating ulo, ginagambala ng face shields ang malayang daloy ng hangin, at maaaring bumalik iyon papunta sa ating mukha – tangay ang virus na maaari nating malanghap. “Reverse flows” ang tawag doon ni Propesor Agar.

Sinusuportahan ito ng iba pang pag-aaral abroad, kabilang ang ilang articles sa journal na Physics of Fluids. Sabi ng isa, upang mabawasan ang pagkalat ng COVID-19, mabuti pang gumamit ng “high quality cloth or surgical masks that are of a plain design,” imbes na face shields o masks na may exhale valves.

Marahil ang kawalan ng ebidensya sa bisa ng face shields ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay never ni-require ng World Health Organization ang pagsusuot ng face shields; sapat na anila ang “well-fitting three-layer mask.”

Polisiyang walang basehan

Kung gaano karaming daluyan ng hangin sa paligid ng face shield, ganoon din kadami ang butas ng argumento ng gobyerno hinggil sa face shield policy nito.

Una, wala silang maayos na pag-aaral na binabanggit sa pag-require sa face shields. Basta effective daw ang face shields, at maniwala na lang tayong lahat. 

Halimbawa, sa resolusyon ng IATF noong Disyembre 14, 2020 na nag-re-require sa lahat na magsuot ng face shields tuwing lalabas ng bahay, wala ni isang specific na pag-aaral na binanggit o ginamit bilang reference. 

May isang pag-aaral mula sa India na binabanggit sa ilang press conferences (at maging sa Facebook), at pruweba raw iyon na epektibo ang face shields.

Ayon sa pag-aaral, noong May 2020, may 62 community workers na ipinadala sa iba’t ibang lugar sa Chennai, India, upang turuan ang mga kamag-anak ng mga nag-positibo sa COVID-19 hinggil sa social distancing, handwashing, paggamit ng mask, atbp. 

Noong una, negatibo sa COVID-19 ang lahat ng community workers. Ngunit makalipas ang halos dalawang linggo, may 12 sa kanila na nag-positibo, at agad na hininto ang programa. Makalipas ang ilang araw, ’yung 50 na nag-negatibo ay ipinadala ulit sa trabaho, ngunit kinailangan nang mag-face shield. Matapos ang 10 araw, wala sa 50 na workers na iyon ang nag-positibo sa COVID-19. 

Ito raw ang pruwebang epektibo ang face shields.

Ngunit hindi ito lehitimong eksperimentong maaaring magpatunay sa bisa ng face shields. Ikinumpara lang kasi ang test results ng social workers bago at matapos ang paggamit ng face shields. 

Maraming posibleng dahilan (bukod sa pagsusuot ng face shields) kung bakit hindi sila nagkasakit: What if napadala sila sa mga lugar na hindi talaga malala ang transmission at mababa ang reproduction number? What if sadyang mas malakas ang immune systems nila kumpara sa mga katrabahong nagkasakit? What if mas naging maingat sila sa pagsusuot ng masks o pagsunod sa social distancing? Masyadong maraming variables na hindi kontrolado ng research design.

In fact, inamin ng researchers ang limitasyong ito ng kanilang “before-after design.” Sinabi rin nila, “Further investigation of face shields in community settings is warranted.” Ngunit hindi na ito nababanggit sa press conferences ng mga opisyal ng IATF.

To be fair, ang pagtanggal ng face shield requirement sa open spaces, pagtanggal sa motorcycle barrier requirement sa mga magkasama sa bahay, at pag-require ng maayos na daloy ng hangin sa mga opisina, pampublikong sasakyan, at restaurants – lahat ito ay indikasyon na, kahit papaano, naiintindihan ng gobyerno ang airborne na pagkalat ng sakit. 

Ngunit urong-sulong ang gobyerno, at sobrang nakalilito ang mga pahayag nila. At bakit hirap na hirap silang bitawan ang face shield requirement nang tuluyan? 

Simbolo ng korapsiyon

Sa ilang mga lugar, tulad ng mga ospital, may silbi ang face shields. Ngunit para sa karamihan ng mga Pilipino, walang kuwenta ito. 

Imbes na proteksiyon laban sa COVID-19, mas may bisa pa ang face shield kung ayaw mong matalsikan ang mukha mo ng mantika habang nagpiprito, bilang visor laban sa sikat ng araw (kung tinted), o bilang placeholder sa mahahabang pila. By the way, dumadagdag lang din ang face shields sa polusyon.

Sino, kung gayon, ang nakikinabang sa face shields? Siyempre, ’yung mga nag-i-import at nagtitinda nito. 

Bagama’t bumaba na ang presyo ng face shields sa paglipas ng panahon, hindi pa rin naman ito nililibre ng gobyerno para sa karamihan ng mga Pilipino. At patuloy na kikita ang importers at sellers nito hanggang ni-re-require ito ng gobyerno. 

Buti sana kung karamihan ng face shields ay gawang Pilipino. Ngunit alam nating marami rito ay inaangkat natin mula abroad (halimbawa, sa China).

Speaking of China, lumabas kamakailan na bilyon-bilyong piso ang kinita ng isang maliit na kompanya (na may koneksiyon kay Pangulong Duterte) mula sa pagbebenta ng PPE sets, tests, at face shields mula China. Sa mata tuloy ng ilan, naging simbolo na ng korapsiyon sa gitna ng pandemya ang face shields. (BASAHIN: ‘Whiff of corruption’? Umaalingasaw na ang Pharmally)

Kung iisipin, may common denominator ang face shields at ang gobyernong nag-require dito: limpak-limpak na pera ang binuhos ng mga Pilipino sa kanila, ngunit walang kuwenta naman. 

Sa paparating na halalan, nawa’y pumili tayo ng mga lider na ibabase ang kanilang mga polisiya hindi sa haka-haka, sabi-sabi, o paniniwala, kundi sa ebidensiya at siyensiya. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

JC Punongbayan

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations.