Malampaya gas field

[ANALYSIS] Bakit problema mo rin ang Malampaya

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Bakit problema mo rin ang Malampaya
Sa lalong madaling panahon, kailangang makahanap ang gobyerno ng alternatibong pagkukunan ng natural gas. Kung hindi, maghanda na tayo sa blackouts at mataas na presyo ng kuryente.

Rotating brownouts at blackouts. Mas mataas na bayarin sa kuryente. ’Yan ang mga kakaharapin nating mga problema sa loob ng limang taon, kapag lumantad na ang isang malaking krisis sa enerhiya.

Ang puno’t dulo nito ay ang Malampaya gas field sa ilalim ng karagatan, humigit-kumulang 80 kilometro mula sa northwest ng Palawan. May laking 83,000 hektarya, ito ang kaisa-isang natural gas field ng bansa.

Noong 1992, nadiskubre doon ng Shell ang higanteng reserba ng natural gas, na karamihan ay methane at nagmula sa pagkabulok ng organic matter sa loob ng milyon-milyong taon. Hinihigop iyon at pinoproseso, pinadadaan sa higanteng mga tubo na mahigit 500 kilometro ang haba papuntang Batangas City, kung saan pinoproseso ulit ng limang planta bago ipadala at magsilbing fuel ng malalaking power plants sa Luzon na lumilikha ng kuryente.

Mula noong pormal na magsimula ang operasyon ng Malampaya noong 2001, naging napakahalaga nito sa supply ng kuryente sa Luzon. Noong 2019, 29% ang kontribusyon ng natural gas sa kabuuang power generation ng Luzon. Katumbas iyon ng 21% ng kabuuang power supply ng bansa.

Nagkaroon pa ang Malampaya ng dalawang expansions sa mga nakalipas na taon: noong 2013 nagdagdag sila ng dalawang production wells, at noong 2015 nakumpleto ang pangalawang offshore platform na sariling atin – nilikha mismo ng mga Pilipino.

[ANALYSIS] Bakit problema mo rin ang Malampaya
Paubos na ang supply

Naging matagumpay ang Malampaya, at itinuturing na isa sa pinakamalalaking industrial projects ng bansa. Hanggang Disyembre 2020, nakakuha ang gobyerno natin ng $11.9 bilyon mula rito. 

Ngunit maraming problemang pumapalibot sa Malampaya na maaaring makaapekto sa maraming Pilipino sa hinaharap.

Unang-una, paubos na ang supply ng natural gas sa Malampaya. Ayon sa Department of Energy (DOE), tuluyang mauubos ang natural gas ng Malampaya sa unang quarter ng 2027, humigit-kumulang limang taon mula ngayon. 

Source: EnergyVoice.com

Ikalawa, kapag tuluyang maubos ang natural gas, inaasahang magdudulot iyon ng rotating brownouts and blackouts sa Luzon. 

Ayon kay dating Supreme Court senior associate justice Antonio Carpio, maaaring magtagal ng 12 hanggang 24 oras kada araw ang rotating brownouts. Siguradong magdudulot iyon ng matinding pasakit sa mga Pilipino: kailangang magsara ang maraming establisyemento tulad ng mga mall, opisina, eskuwelahan, atbp. Dadapa ang ekonomiya ng bansa.

Ikatlo, maaari ring tumaas ang singil sa kuryente. Ngayong 2021 pa nga lang, sinabi ng Meralco na 66% ng pagtaas ng singil sa kuryente (P0.69 per kWh) ay sanhi ng paghihigpit ng supply ng natural gas mula Malampaya, lalo na noong Marso at Hunyo. Baka tumaas lalo dahil sa 20 araw na shutdown nito noong Oktubre para sa preventive maintenance.

Tuwing naghihigpit kasi ng supply ang Malampaya, napipilitan ang power plants na tumakbo gamit ang liquid fuel, na mas mahal kaysa sa natural gas. Umaakyat tuloy ang “generation charge” na nakikita sa ating bill buwan-buwan.

Sa lalong madaling panahon, kailangang makahanap ang gobyerno ng alternatibong pagkukunan ng natural gas. Kung hindi, maghanda na tayo sa blackouts at mataas na presyo ng kuryente.

Kaya naman tinitingnan ngayon ng DOE ang importasyon ng natural gas para punan ang mawawala mula sa Malampaya. Halimbawa, matatandaang noong 2018 ay nakuha ng Phoenix Petroleum ni Dennis Uy at China National Offshore Oil Company (CNOOC) ang kontrata para magtayo ng liquefied natural gas (LNG) import terminal sa Batangas. Marami pang LNG terminal projects ang nakapila. Si Dennis Uy ay bilyonaryong taga-Davao at malapit na kaibigan (at campaign donor) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Crony deal?

Speaking of Dennis Uy, ngayong 2021 ay kinuha na niya (sa pamamagitan ng kanyang Udenna Corp.) ang 90% shares sa Malampaya.

Dati, ang kontrol at pamamalakad ng Malampaya ay pinaghahatian ng tatlong kompanya: Shell (45% stake), Chevron (45%), at Philippine National Oil Company (PNOC) na pagmamay-ari ng gobyerno (10%). Tinatawag din itong Malampaya Consortium.

Ngunit noong 2019, binili ng UC Malampaya (subsidiary ng Udenna Corp.) ang hati ng Chevron. At ngayong 2021, binili rin ng UC Malampaya ang hati ng Shell. Tuloy, 90% na ng Malampaya ang kontrolado ni Dennis Uy.

Ano ang interes ni Dennis Uy sa Malampaya, kung paubos na ang supply nito? 

Ayon sa mga eksperto, maaaring may mga reserba pa ng natural gas sa paligid ng Malampaya. Halimbawa, noong 2013, napatunayang ang Reed Bank (na wala pang 100 kilometro ang layo sa Malampaya) ay maaaring may 5.4 bilyong bariles ng langis at 55.1 trilyong cubic feet ng natural gas. 

Sa pamamagitan ng pag-take over ni Dennis Uy sa Malampaya, maaari pa niyang ikonekta sa Malampaya ang bagong reserba ng natural gas, at pagkakitaan iyon.

Ngunit may mga umaalma dahil naging maanomalya raw ang kanyang takeover.

Noong Oktubre 19, may concerned citizens na nagsampa ng kaso laban kina Energy Secretary Alfonso Cusi, mga opisyal ng Philippine National Oil Company (PNOC), at Dennis Uy hinggil sa pagbili ng Udenna sa shares ng Chevron noong 2019.

Anila, kinasangkapan ni Dennis Uy ang pagiging malapit niya kay Duterte para makuha ang shares ng Chevron. Sabi ng isang complainant, ito ay “unparalled” at ang “most incredible crony agreement” sa ating kasaysayan.

Pinayagan daw agad nina Secretary Cusi ang transaksyon kahit hindi pa kinilatis nang mabuti ng DOE kung qualified nga ba ang Udenna Corp. na patakbuhin ang Malampaya. Lumabas sa hearing ng Senate energy committee kamakailan na ’di sapat ang kapital ng Udenna, sobrang laki ng pagkakautang nito, at wala pang dalawang taon mula noong ma-incorporate ang subsidiary na UC Malampaya (ngayo’y UC38 na ang tawag).

Ayon din sa complainants, dapat daw ay tinapatan ng PNOC ang alok ng Udenna, para PNOC sana ang nakakuha ng shares ng Chevron at kumita pa ang gobyerno ng ’di bababa sa P21 bilyon kada taon.

Bilang tugon, sinabi ni Secretary Cusi na hindi “midnight deal” ang transaksyon, tulad ng iginigiit ng isang senador. Ayon naman sa Udenna, “aboveboard” naman daw ang palitan ng shares, at qualified naman daw sila dahil ang ilang taga-Chevron at Shell dati ay empleyado na nila ngayon.

Interes ng Pilipinas vs Tsina

Dapat bantayan natin ang development na ito. Nakasalalay ’di lamang ang supply ng kuryente sa Luzon, kundi maging ang kasarinlan ng Pilipinas. 

Una, ngayong hawak na ni Dennis Uy ang Malampaya, baka maging tulay ito para matuloy ang joint development sa West Philippine Sea na pinirmahan ng Pilipinas at Tsina noong 2018 sa isang Memorandum of Understanding. Noong Oktubre 2020, binawi na ni Duterte ang ban sa exploration ng langis at gas sa West Philippine Sea.

Ani Justice Carpio sa isang article niya kamakailan, baka kunin ng Udenna (kasama ang CNOOC, na ngayo’y partner nila) ang shares ng Forum Energy na kasalukuyang may permiso at kontratang (service contract) mag-explore sa Reed Bank. 

Tapos, may usap-usapan na baka payagan nina Duterte na kumuha ang Forum Energy ng panibagong service contract mula sa Tsina na ngayo’y umaangkin sa Reed Bank – kahit nasa loob iyon ng ating Exclusive Economic Zone. (Naaalala niyo pa ba ’yung Gem Ver?)

Kung mangyari, magiging malaking kataksilan ito sa arbitral award na nakuha ng Pilipinas noong 2016.

Isa pa, dapat ay mag-e-expire na ang service contract ng Malampaya Consortium sa Disyembre 2024. Ibig sabihin, gobyerno na ang magmamay-ari ng Malampaya fixed assets mula noon. 

Ngunit sa pagkuha ni Uy sa 90% ng Malampaya, biglang umusad umano ang mga usapang baka i-extend ng gobyerno ang service contract ng Malampaya. At kung makuha nila ang extension na iyon, malaki ang posibilidad na mapasakamay nila ang fixed assets ng Malampaya at makontrol iyon sa mahabang panahon.

Sa madaling sabi, babaha ng pera para kina Dennis Uy at mga kasosyo – continuation ito ng paglago ng business empire ni Uy sa gitna ng rehimeng Duterte.

Ngunit gusto ba nating mapasakamay ang Malampaya sa isang kilalang crony ni Duterte? Magiging epektibo ba sila sa paghahanap ng alternatibong source ng natural gas? Mapipigilan ba nila ang nakaambang krisis sa enerhiya? At ipagtatanggol ba nila ang kasarinlan ng Pilipinas at ang ating mga likas na yaman mula sa Tsina, o aanib sa kanila?

Dapat nating siguruhing ipagtatanggol ng ihahalal nating pangulo sa 2022 ang interes ng mga Pilipino at dadalhin ang Malampaya sa tamang direksyon. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.