Facebook

[OPINYON] Facebook, hindi na mabiro

Joselito D. De Los Reyes
[OPINYON] Facebook, hindi na mabiro
'Alinmang salitang inaakala nilang may kaugnayan sa karahasan ay kaagad hinuhusgahan bilang paglabag sa Community Standards. You see, sa Facebook, guilty ka muna bago mo mapatunayang hindi.'

“Account restricted. Only you can see this.”

Ilang araw ko na ring nakikita sa home page ng social media account ko ang mensaheng ito. Nakakapag-post naman ako. Nakakapag-comment, like, haha, heart heart reax. Nakakapag-share din. Normal na normal. Ang sabi lang ng restriction statement: “Your posts will be moved lower in Feed for 14 days.” Ano man ang ibig sabihin nito.

Pero ang totoong restriction, ang mas malupit na restriction sa akin, ay nangyari isang linggo na ang nakararaan. Beynte-kuwatro oras akong hindi nakapag-comment, ni makapag-share o reax. Oo, nagagamit ko ang private messaging function ng platform, nakakapagbasa ng status ng iba. Nakakapunta rin ako sa link palabas ng social media, pero, maliban doon, restricted na ako sa loob ng isang buong araw. Bakit? Heto: “You repeatedly violated our Community Standards.”

Two counts daw ang “kaso” ko na lumalabag sa Community Standards. Una ang sinasabing “your comment didn’t follow our Community Standards on harassment and bullying,” na nangyari noong nagdaang Mayo. Binigyan ako ng warning, kesyo, “We understand that mistakes happen, so we didn’t restrict your account.”

Nam-bully raw kasi ako dahil sa isang comment ko sa isang tropa. Ano ang comment ko? “Hayp ka <insert name ng tropa kong artistahin>.” Binigyan ako ng pagkakataong i-contest ang kanilang findings. Pero hindi ko na ginawa. Tinanggap ko ang hatol kesa mangatwiran at ilapat sa konteksto at pragmatics ang salitang “hayp.” Pinaikli ko ang salitang “hayop.” As in, hayp na buhay ito. At ang pagkakagamit ko sa kataga ay malinaw namang in jest na na-gets naman ng pinadalhan ko ng mensahe.

Hindi ko alam kung may nagsumbong sa komento at account ko o kung nadali ako ng kanilang keyword-enabled Community Standard clearing operations. Pinagsisihan ko ang hindi pag-contest. Masarap sanang talakayin ang konteksto ng salita pati kung paano nakakaapekto ng kahulugan, lalo kung binalbal ang spelling. Naisip ko lang, may malaking tsansang bot ang kausap ko o mga overworked outsourced agents ng higanteng kompanya ng social media.

Ang ikalawang “kaso” ko na nagdulot ng dalawang hatol (tatlo talaga, ang isang hatol ay “You couldn’t take part in groups for 3 days” na hindi ko rin naramdaman dahil hindi naman ako palakibo sa mga kinabibilangan kong grupo, lalo ang sa marketplace) ay ang “coordinating harm and promoting crime.”

Ako? Coordinating harm and promoting crime? At anong status ko ang kanilang hinatulan?

Totoo naman. Lalo kung literal na babasahin nang walang konteksto o larawan.

Heto ang caption ko sa larawan ko kasama ang dalawang pusa kong nag-uupakan sa likod: “Dumampot kayo ng tig-isang kutsilyo. Hindi rin lang kayo magkasundo, magpatayan na kayo.”

Ginamit ko ang madalas na linya sa akin noon ng nanay ko kapag nagbabangayan kaming magkapatid. Kumuha kayo ng tig-isang kutsilyo at magpatayan na kayo. Or variations thereof. Pamilyar siguro ang marami sa atin, at least the boomers and Gen-Xers, sa ganitong mapagkalingang payo ng magulang: magpatayan kayo. 

Inisip kong aakma sa larawan ng dalawa kong pusa ang caption ko. Maraming nag-haha sa status. Batay sa dami ng reax, maraming naka-relate either sa caption o sa nagbabangayang pusa. Alam lahat na biro iyon, maliban sa kung sino ang nasa likod ng Community Standards na nagsabi ngang “coordinating harm and promoting crime” ang ibig sabihin ng caption ko sa dalawang pusa.

Nang ma-flag ng Facebook ang status ko, ipinaliwanag nila sa sulat sa akin na mayroon silang keywords sa iba’t ibang wika. Alinman sa keywords na ito ang makasama sa isang pahayag, ano man ang konteksto, ay aakalain nilang may kaugnayan na sa karahasan o, sa kaso ko, “coordinating harm and promoting crime,” kaya kaagad hinuhusgahan bilang paglabag sa Community Standards. You see, sa Facebook, as with other social media platforms, guilty ka muna bago mo mapatunayang hindi. At kailangan ng masusing depensa kung gusto mong mangatuwiran sa kanilang bot o overworked outsourced support.

Hindi na ako nag-contest dahil bukod sa kailangan kong i-frame ang caption sa larawan ng nagbabangayang pusa, kailangan ko pang talakayin ang konteksto ng pahayag na kinalakihan ko. Kailangang ilapat sa greater backdrop ng ating kultura, these brutally honest parenting, at ang pagtatangka ko to sell humor.

Kailangan ng term-paper-grade manifestation. Para kanino? Sa bot? Sa mga pagod na online support?

Must Read

[OPINION] When Facebook takes down a journalist’s account without due process

[OPINION] When Facebook takes down a journalist’s account without due process

Kaya naman hindi na mabiro ang ganitong platform na pansin ko, lubhang humigpit sa akin: ilang beses na akong nasulatan tungkol daw sa “spamming” na ginagawa ko sa tuwing magse-share ako ng status post ng publisher ko. Kailan pa naging spam ang announcement ng book launch? But, then again, sa hindi ko malamang kadahilanan, namarkahang spammer ang publisher ng mga aklat ko.

Mahigpit ang Facebook sa alam naman nilang organic account. Habang isinusulat ko ito, dalawang kaibigan ang nawalan ng account. Nawala lang nang wala silang maisip na dahilan. Kailangan pa nilang sumulat nang ilang beses para patunayang may totoong tao sa likod ng account na kanilang binabawi.

Samantala, hayun ang mga thread sa pahayagang punong-puno ng mga “ahente” ng cryptocurrency o kung anumang kahina-hinalang currency trading. Hayun at naglipana ang mga nagbabanta, nananakot, nagtutungayaw na malinaw namang trolling account ang ginagamit. Kahit anong sumbong, ang sasabihin lamang ng kompanya, lehitimo ang nasa likod ng bagong-bagong account na gayong kay sigla sa comment section ay wala namang laman ang wall. Hindi ire-restrict kahit mas marumi pa sa pundilyo ni Satanas ang pinagsasasabi sa mga tao sa thread.

Hindi na mabiro ang Facebook. Darating ang panahong mahirap nang makipagbiruan, lalo’t hanggang sa antas na literal lamang ng salita ang kayang bigyang kahulugan. Pero gayong hindi na mabiro, laganap pa rin ang pagpapanggap, ang panloloko, hayagang pambu-bully, at pagbabanta.

Ang totoo, mas na-professionalize pa nga. – Rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. de Los Reyes, PhD. Siya rin ang coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.