Marcos Fact Checks

KULANG SA KONTEKSTO: Larawan ni Bongbong Marcos sa Oxford University

Rappler
KULANG SA KONTEKSTO: Larawan ni Bongbong Marcos sa Oxford University
Ang larawan ay kuha noong freshman year ni Bongbong Marcos. Bagaman nag-aral siya sa nasabing unibersidad, hindi niya natapos ang kaniyang bachelor’s degree.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Pinatutunayan daw ng isang larawan noong 1975 na nalathala sa St. Edmund Hall Magazine ng Oxford University na nag-aral si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nasabing unibersidad, at nagsisinungaling lang ang mga “yellowtards” tungkol sa edukasyon ni Marcos.
  • Marka: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Hindi katunayan ng pagtatapos sa Oxford University ang naturang larawan. Bagaman nag-aral Bongbong Marcos sa nasabing unibersidad, special diploma lang ang natanggap niya dahil hindi niya natapos ang kaniyang bachelor’s degree.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Mabilis na ikinalat ng iba’t ibang Facebook users at pages ang sabi-sabing ito matapos maglabas ng pahayag ang Oxford Philippines Society noong Biyernes, Oktubre 22, na nagpapatunay na hindi nakapagtapos si Bongbong Marcos sa nasabing unibersidad. 
Mga detalye

Kumakalat ang isang larawan ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kuha noong 1975 at nalathala sa St. Edmund Hall Magazine ng Oxford University. Nagpapatunay daw ito na nag-aral siya sa nasabing unibersidad, at nagsisinungaling ang mga “yellowtards” tungkol sa edukasyon ni Marcos.

Ipinapakita sa larawan ang noo’y binatilyo na si Bongbong Marcos na binilugan ng pula. Makikitang nakaupo siya sa pinakaunang hilera at pang-anim na estudyanteng lalaki mula sa kaliwa.

Mabilis na ikinalat ng iba’t ibang Facebook users at pages ang sabi-sabing ito simula nitong Biyernes, Oktubre 22. Lagpas sa 10 Facebook users at pages ang namataang nagpakalat ng larawang ito nang araw na iyon, base sa data ng CrowdTangle.

Kulang sa konteksto ang sabi-sabing ito.

Hindi katunayan ng pagtatapos ni Bongbong Marcos sa Oxford University ang naturang larawan. Bagaman nag-aral siya sa nasabing unibersidad, special diploma lamang ang natanggap niya dahil hindi niya natapos ang kaniyang bachelor’s degree.

Sa nasabing pahayagan ng kolehiyo, malinaw na isinasaad sa itaas na bahagi ng larawan ang pananda na The Freshmen 1975. Nangangahulugan ito na ang pangkat na kinabibilangan ni Marcos ay hindi mga estudyanteng nagsipagtagpos kundi nasa unang antas pa lamang ng pag-aaral noong taong pang-akademikong 1975-1976.

Noong 2015, pinasawalang katotohanan ng Oxford University na nakapagtapos si Marcos ng Bachelor of Arts in Political Science, Philosophy at Economics sa kanilang unibersidad – taliwas sa inilagay ng dating senador sa kaniyang lumang Senate profile. Malinaw na iniulat ng unibersidad na hindi natapos ni Marcos ang kaniyang degree.

Must Read

Ipinaliwanag ng kilalang pamantasan sa Inglatera na special diploma lamang sa Social Studies ang natanggap ni Marcos noong 1978. Ipinagkakaloob ito sa mga estudyanteng bumagsak sa paunang pagsusulit at diskalipikado nang kumuha pa ng degree sa nasabing unibersidad.

Ayon sa isang liham na ipinadala ng ambassador ng Filipinas sa United Kingdom sa diktador na si Ferdinand Marcos, bagsak ang mga gradong natanggap ni Marcos noon sa dalawang asignatura na kaniyang kinuha sa paunang pagsusulit. Nasa Kasarinlan: Philippine Journal of Third World Studies ang kopya ng liham na ito.

I very much regret to report that Bongbong passed in only one of three subjects he took in the preliminary examination. He passed Philosophy but failed in Economics and Politics,” sipi mula sa nasabing dokumento.

(Ikinalulungkot kong ipabatid na isa lamang ang ipinasa ni Bongbong sa tatlong asignatura na kaniyang kinuha sa paunang pagsusulit. Pasado siya sa Philosophy, ngunit bagsak ang kaniyang mga grado sa Economics at Politics.)

Nitong Oktubre 22, 2021, naglabas din ng pahayag ang Oxford Philippine Society, isang lehitimong organisasyon na binubuo ng 200 na Filipinong mag-aaral at alumni ng unibersidad, upang bigyang-diin na hindi nakapagtapos si Marcos sa naturang pamantasan.

Must Read

Bongbong Marcos always ‘forthright’ about Oxford diploma? Not really

Bongbong Marcos always ‘forthright’ about Oxford diploma? Not really

Dagdag pa rito, nananatili pa rin ang kuwestiyon sa master’s degree sa Business Administration mula sa Wharton School of the University of Pennsylvania na inililista ni Marcos na bahagi ng kanyang edukasyon. Kinumpirma ng direktor ng MBA program na tumigil sa pag-aaral si Bongbong noong 1981.

Hindi na bago ang isyu ng pamemeke ng kredensiyal sa pamilyang Marcos. Ang kaniyang kapatid na si Senador Imee Marcos ay nagsinungaling tungkol sa mga kursong natapos niya umano sa Princeton University at University of the Philippines (UP) College of Law.

Marami nang naisulat na fact check article ang Rappler tungkol sa mga Marcos. – Mark Vincent Tolibao/Rappler.com

Si Mark Vincent Tolibao ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.