HINDI TOTOO: Robredo diskalipikado na sa halalan sa 2022, ayon sa Comelec

Buod
  • Ang sabi-sabi: Kinumpirma raw ng Commission on Elections (Comelec) na diskalipikado na si Bise Presidente Leni Robredo sa pagtakbo bilang pangulo sa halalan sa 2022.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Nilinaw ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa kanyang Twitter account na hindi diskalipikado sa pagtakbo si Robredo. Tinawag niyang “#fakenews” ang kumakalat na bidyong nagsasabi nito. Walang inilabas na pahayag ang Comelec tungkol sa pagdiskalipika kay Robredo.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Nang i-fact-check ang bidyo, nakakalap na ito ng humigit-kumulang 1,700,000 views, 86,000 reactions, 23,000 comments, at 32,000 shares sa Facebook.
Mga detalye

Naglabas ng bidyo ang Facebook page na “Duterte News Info” noong Linggo, Oktubre 17, na nagsasabing kinumpirma raw ng Comelec na diskalipikado na si Bise Presidente Leni Robredo sa pagtakbo bilang pangulo sa halalan sa 2022.

Pinamagatan ang bidyo na, “COMELEC, KINUMPIRMANG MADI-DISQUALIFIED si ROBREDO Matapos ang PANGHIHINGI ng PERA LAGOT.”

Ayon sa bidyo, “Nangyari ang online limos sa kampo ni VP Leni para humingi ng donasyon sa ilang mga foreigners at ilan pang mga Pilipino para sa kanyang campaign sa 2022 elections. Nilinaw mismo ng Comelec ruling na lumabag si Vice President Leni Robredo maging ang kanyang team sa pangunguha o pangangalap ng pondo mula sa kanyang mga suporters.”

Nang i-fact-check ang bidyo, nakakalap na ito ng humigit-kumulang 1,700,000 views, 86,000 reactions, 23,000 comments, at 32,000 shares sa Facebook. Marami ring nagpadala ng sabi-sabing ito sa email ng Rappler para ma-fact-check.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Sa isang tweet noong Linggo, tinawag ni Comelec Spokesperson James Jimenez na “fake news” ang sabi-sabi, at kinondena niya ang mga nagpapakalat nito.

VP Leni Robredo has not been disqualified. Video and articles that imply or suggest otherwise are #fakenews. COMELEC's reminders on prohibited sources of funding apply to all would-be candidates. #fightfake,” sabi ni Jimenez.

(Hindi diskalipikado si Robredo. Ang mga bidyo at article na taliwas dito ay #fakenews. Lahat ng mga magiging kandidato ay saklaw ng pagbabawal ng Comelec tungkol sa mapagkukunan ng pondo.)

Ayon sa Section 13 ng Republic Act No. 9369, magiging opisyal na kandidato lamang ang mga nagsumite ng certificate of candidacy sa simula ng opisyal na panahon ng kampanya.

“Pare-pareho silang lahat na walang violation dahil hindi pa naman sila official candidates.” dagdag pa ni Jimenez.

Dagdag pa rito, ang anumang reklamo na ihahain sa Comelec ay hindi awtomatikong magdidiskalipika sa isang kandidato. Dadaan ito sa proseso at mga hearing bago desisyonan ng Comelec.

Ang laman lang ng pekeng bidyo ng “Duterte News Info” ay ang tweet ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon noong Oktubre 13, kung saan ibinahagi niya ang balita mula sa ABS-CBN News tungkol sa isang crowdfunding drive na isinagawa ng mga tagasuporta ni Robredo.

Nag-tweet lang ng paalala si Guanzon, “Foreigners cannot contribute to any FIlipino candidate.” (Ang mga dayuhan ay hindi maaring magbigay ng kontribusyon sa sinumang Pilipinong kandidato.)

Ipinagbabawal ng Konstitusyon ang pagtanggap ng pondo mula sa mga dayuhang gobyerno at kanilang mga ahensya. Ayon din sa Omnibus Election Code, ito ay paglabag sa batas at isang batayan para sa diskalipikasyon ng isang kandidato. – Owenh Toledo/Rappler.com

Si Owenh Toledo ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.