Election fact checks

HINDI TOTOO: Puwersahang pinasok ng ‘Kakampinks’ ang Comelec

Rappler.com
HINDI TOTOO: Puwersahang pinasok ng ‘Kakampinks’ ang Comelec
Ang orihinal na bidyo ay kuha mula sa provincial capitol ng Lanao del Sur, kung saan may nangyaring patayan, kasabay ng paninira ng vote-counting machines at mga balota sa iba't ibang bayan.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Pinasok ang Commission on Elections (Comelec) ng mga taga-suporta ni Bise Presidente Leni Robredo. Sa video, makikita ang pagtulak ng pinto at pagbasag ng bintana ng mga tao.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Hindi mga taga-suporta ni Robredo ang nasa bidyo at hindi ito sa Comelec nangyari. Ang naturang panggugulo na nakunan ng bidyo ay kuha sa nangyaring kaguluhan sa Lanao del Sur nitong eleksiyon 2022.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang maisulat ang fact check na ito, umabot na ang kasinungalingang ito sa 629,000 na views, 26,000 na reaksiyon, 19,000 na komento, at 12,000 na shares sa Facebook.
Mga detalye

Sa Mayo 10, araw kung saan ikinasa ang protesta sa harap ng Commission on Elections (Comelec) Intramuros, isang malisyosong video na pumalo na sa 629,000 views ang ipinaskil sa Facebook. Ang titulo nito, “pinasok ang Comelec sa mga supporters (sic) ni Leni.”

Mapapanood sa naturang bidyo ang mga taong pinipilit pumasok sa gusali, maging ang ilang indibidwal na nagbabasag ng bintana, habang pinipigilan sila ng kasundaluhan.

Hindi totoo na mga taga-suporta ni Leni ang nasa bidyo, at hindi rin ito naganap sa Comelec.

Ang orihinal na video ay kuha mula sa isang Facebook page na nag-upload ng nangyaring gulo sa Lanao del Sur Provincial Capitol Complex. Nagtutugma rin ang hitsura ng mga basag na glass panels ng naturang bidyo sa bersyon na ipinaskil ng ABS-CBN News

Noong Lunes, Mayo 9, matatandaan na nagkaroon ng ulat ukol sa patayan sa naturang probinsya, kasabay ng paninira ng vote-counting machines at mga balota sa iba’t ibang bayan. Kasama sa mga namatay ang mga taga-suporta ng magkaribal na mayor ng Malabang at Pecong na sina Tomas Macapudi at Alinader Balindong.

Noong Martes, inilagay din sa lockdown ang Lanao del Sur Provincial Capitol Complex matapos ang nangyaring putukan. Kinuwestiyon din ng isang grupo ang pagdadala ng vote-counting machines mula sa bayan papunta sa naturang complex. – Rochel Ellen Bernido/Rappler.com 

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact-check chatbot. Sa bawat fact-check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.