Duterte Fact Checks

HINDI TOTOO: Mamimigay si Duterte ng P10,000 ayuda bawat pamilya bago bumaba sa puwesto

Rappler.com
HINDI TOTOO: Mamimigay si Duterte ng P10,000 ayuda bawat pamilya bago bumaba sa puwesto
Ang link na kumakalat sa Facebook ay peke. Walang anunsiyo ang Malacañang o opisyal na balita mula sa lehitimong news organization na nagsasabing magbibigay ng P10,000 na tulong o ayuda kada pamilya si Duterte bago bumaba sa puwesto sa Hunyo
Buod
  • Ang sabi-sabi: Magbibigay ng tulong o ayuda na nagkakahalaga ng P10,000 kada pamilya si Pangulong Rodrigo Duterte bago siya bumaba sa kanyang puwesto sa Hunyo 30.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ang link na kumakalat sa Facebook ay peke. Walang anunsiyo ang Malacañang o opisyal na balita mula sa lehitimong news organization na nagsasabing magbibigay ng P10,000 na tulong o ayuda kada pamilya si Duterte bago bumaba sa puwesto sa Hunyo.  
  • Bakit kailangang i-fact-check: Naloloko ang mga nagko-comment at nagbibigay ng personal na mga detalye. Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 270 reaksiyon, 203 komento, at 524 na shares ang sabi-sabi sa Facebook.
Mga detalye

Ang Facebook page na “Bbm 31m Ayudamo” ay nag-post ng graphic noong Linggo, Hunyo 12, na nagsasabing magbibigay ng tulong o ayuda na nagkakahalaga ng P10,000 kada pamilya si Presidente Rodrigo Duterte bago siya bumaba sa kanyang puwesto sa Hunyo 30.

Ayon sa caption ng post, “Sa Link po kayo palista at 20 share para mabigyan ng Ayuda https://bit.ly/38vUQZV.”

Kung susundan ang link sa caption ng post, ito ay magre-redirect sa https://ayuda-updates-2022.blogspot.com/.

Samantala, ang graphic na may larawan ni Duterte ay nagsasabing, “PRES. DUTERTE 10K AYUDA Bago Ako Bumaba Sa Pwesto, mamimigay ako ng 10k Bawat Pamilya, paki message ang aking mga Staff sa link palista at 20 share.”

Makikita sa comment section ng post na nag-iiwan ng mga personal na impormasyon ang mga netizens katulad ng pangalan, tirahan, at contact number.

Ito ay isang pekeng anunsiyo.

Makikita sa page transparency ng Facebook page na “Bbm 31m Ayudamo” na ito ay isang personal blog na ginawa lamang noong Mayo 23, 2022.  Hindi ito ang opisyal na Facebook page ni Duterte.

Ang Facebook page na “Bbm 31m Ayudamo” ay naglalaman ng mga posts na tungkol sa pagbibigay ng mga tulong, tulad ng bahay at pera, mula sa gobyerno. Hindi ito ang opisyal na Facebook page o website ng opisyal at ahensiya ng gobyerno.

Ang link na nasa caption ng post na https://ayuda-updates-2022.blogspot.com/ ay isang kahina-hinalang website dahil ito ay gumagamit ng isang libreng domain service provider. Kahit sino ay maaaring mag-set up ng page gamit ang libreng service provider.

Walang nakitang opisyal na pahayag, ulat, audio, o video ang Rappler na nagpapatunay na nagsasabing mamimigay ng P10,000 na tulong o ayuda kada pamilya si Duterte bago siya bumaba sa kanyang pwesto.

Dati nang na fact-check ng Rappler team ang sabi-sabi tungkol sa pagbibigay ng mga taga-suporta ni Ferdinand Marcos Jr. ng P35,000 na ayuda bawat pamilya at ang isa pang nagsasabing ang UniTeam nagbibigay ng P10,000 na ayuda sa mga bumoto sa kanilang mga kandidato. Ang parehong mga sabi-sabi ay gumagamit ng mga libreng domain. Owenh Jake Toledo/Rappler.com

Si Owenh Jake Toledo ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.