Election fact checks

HINDI TOTOO: Imee Marcos inihayag ang Bongbong-Sara tandem para sa 2022 halalan

HINDI TOTOO: Imee Marcos inihayag ang Bongbong-Sara tandem para sa 2022 halalan
Hindi kinumpirma ni Senador Imee Marcos na tatakbo bilang tandem sina dating senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte

Buod

  • Ang sabi-sabi: Ipinahayag na ni Senador Imee Marcos ang presidential-vice presidential tandem nina dating senador Bongbong Marcos and Davao City Mayor Sara Duterte para sa halalan sa 2022.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Hindi kinumpirma ni Imee na tatakbo bilang tandem sina Bongbong at Duterte. Wala pa ring opisyal na anunsiyong tatakbo bilang tandem ang dalawa.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Ang dalawang video na naglalaman ng sabi-sabing ito ay nakakalap na ng 719,706 views, 12,200 likes, at 3,000 comments nang isinulat itong fact check.

Mga detalye

May mga kumakalat na video na nagsasabing tatakbo bilang presidential-vice presidential tandem nina dating senador Bongbong Marcos and Davao City Mayor Sara Duterte, ayon daw kay Senador Imee Marcos.

Sinasabi ito ng isang video na inilabas ng YouTube channel na “BANAT NEWS TV” noong Hulyo 14, 2021, na pinamagatang “JUST IN : P.DUTERTE CONFIRMED! SEN.IMEE NAGSALITA na MARCOS-SARA TANDEM OPISYAL ng PINATATAKBO 2022.” Sa loob ng video may nakalagay ding teksto na nagsasabing “Finally (Sa wakas)! Sen. Imee nagsalita na! Tuloy na ang pagbabago Marcos-Duterte tandem 2022 goodbye [Dilawan].”

May isa pang video na naglalaman ng parehong sabi-sabi. Inilabas ito ng YouTube channel na “PH BREAKING NEWS” noong Hulyo 15, 2021, at pinamagatang “ITO ANG MAKAPANINDIG BALAHIBO BALITA PRES DUTERTE PACQUIAO IMEE MARCOS BINUNYAG SARA-MARCOS TANDEM.” Sa loob naman ng video na ito ay may tekstong “Marcos nagsalita na! Pacquiao kabado na.”

Nakakalap ang dalawang video ng pinagsamang 719,706 views, 12,200 likes, at 3,000 comments nang isinulat itong fact check.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Hindi kinumpirma ni Imee na tatakbo bilang presidential-vice presidential tandem sina Bongbong at Duterte. Sinabi lang niya na bukas si Bongbong sa posibilidad na ito, at pati sa posibilidad ng muling pagtakbo bilang senador.

Ginamit ng dalawang video ang isang clip mula sa isang panayam ni Imee sa DZXL noong Hulyo 10, 2021. Ayon sa host na si Rey Galupo, sinabihan daw siya ng tagapagsalita ni Bongbong na si Vic Rodriguez na tatakbo raw si Bongbong para sa mas mataas na puwesto. 

Tanong ni Galupo kay Imee: “Ma’am, confirmation naman po, kapatid ’nyo ’yun. Tatakbo ba for a higher position?” 

Sagot ni Imee, “I don’t know (Hindi ko alam) kung ano’ng usapan nila ni Attorney kasi, ang alam ko, si Bongbong open naman ’yan maski magsenador. Kaya okay din lang.”

Pinag-usapan din nila ang pagbisita nina Imee at Bongbong kay Mayor Duterte noong Mayo 2021. Sabi ni Imee, “Siyempre napag-usapan din ang pulitika, pero ’yung ganon-ganon lang, kuwento-kuwento, ‘Tatakbo ba si Sara?’ ‘Ano ba’ng tatakbuhin ni Bongbong?’ Eh sabi nga namin, maaga pa, dapat ’yung mag-ama talaga ang maghusga at magdesisyon.”

Dagdag ni Imee, “Open-minded naman si Bongbong. Sabi ko nga kay Mayor Inday, handa naman kami.”

HINDI TOTOO: Imee Marcos inihayag ang Bongbong-Sara tandem para sa 2022 halalan

Wala ring balitang kinumpirma na ang pagtakbo nina Bongbong at Duterte bilang tandem. Hiningi raw ni Duterte na bigyan siya ng hanggang katapusan ng Hulyo upang ipagbigay-alam ang kanyang desisyon sa partido niyang Hugpong ng Pagbabago. 

Must Read

Waiting for Sara

Waiting for Sara

Dati nang may na-fact-check ang Rappler na katulad na sabi-sabi. (FALSE: Bongbong Marcos-Sara Duterte tandem for 2022 elections now official) – Loreben Tuquero/Rappler.com

Magbahagi kung may nakikita kang kahinahinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.