Election fact checks

HINDI TOTOO: Napaiyak si Isko Moreno nang mapanood ang caravan ni Marcos Jr.

Rappler.com
HINDI TOTOO: Napaiyak si Isko Moreno nang mapanood ang caravan ni Marcos Jr.
Ang video clip ni Isko Moreno na umiiyak ay kuha noong Hulyo 2019 sa programang 'Saksi sa Dobol B' ng DZBB ng GMA matapos mabanggit sa programa ang TV host na si German Moreno, ang itinuturing niyang pangalawang ama
Buod
  • Ang sabi-sabi: Naiyak si presidential candidate at kasalukuyang mayor Isko Moreno nang mapanood ang caravan ni Marcos Jr. sa lungsod ng Maynila noong Pebrero 20.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ang bidyo ni Moreno na umiiyak ay mula sa radio interview niya sa programang Saksi sa Dobol B noong Hulyo 2019.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 54,100 reaksiyon, 8,148 komento, at 1,400,000 views ang video sa TikTok.
Mga detalye

Isang post noong Pebrero 21 ng TikTok user “mark_jeff07” ang nagsasabi na napaiyak si Manila Mayor at presidential candidate Isko Moreno matapos mapanood ang caravan ng karibal na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa sarili niyang lungsod.

Nakalagay sa caption ng bidyo ang linyang, “Isko Moreno naiyak sa napanood #BBM Caravan sa Metro Manila.” Nakapatong din ang linyang “Isko Moreno naiyak sa napanood” sa bidyo.

Makikita sa nasabing bidyo ang umano’y caravan ni Marcos sa Tondo, Manila. Sa kanan nito ay isang video clip ni Moreno na umiiyak.

Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 54,100 reaksiyon, 8,148 komento, at 1,400,000 views ang video sa TikTok.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ang orihinal na bidyo ng pag-iyak ni Isko Moreno ay kuha noong Hulyo 2019 sa programang Saksi sa Dobol B ng DZBB. Si Moreno ay napaiyak nang mabanggit si Kuya Germs sa interview.

Si German Moreno, na kilala sa pangalan na “Kuya Germs,” ay itinuturing na pangalawang ama ni Isko Moreno na tumulong sa kaniya para makapasok sa showbusiness. Si German Moreno ay namatay noong Enero 2016 dahil sa cardiac arrest.

Nagdaos ng caravan si Marcos sa lungsod ng Maynila noong Pebrero 20, 2022. Si Isko Moreno ay kasalukuyang alkalde ng Maynila.

Sina Moreno at Marcos ay kasalukuyang tumatakbo sa pagkapangulo sa darating na eleksiyon sa Mayo. Tumatakbo bilang ka-tandem ni Moreno si Willie Ong, habang ang anak naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Sara Duterte ang ka-tandem ni Marcos sa darating na halalan.

Hindi dumalo si Ong sa pangangampanya ni Moreno sa Maguindanao mula Pebrero 20 hanggang Pebrero 21 dahil umano maraming sumusuporta sa tambalang Moreno-Duterte sa nasabing lugar. Nilinaw ni Moreno noong Pebrero 21 na si Ong pa rin ang ikinakampanya niya sa pagka-bise presidente kahit na itinatambal siya ng mga politiko sa ibang kandidato. – Lorenz Pasion/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.