Fact check - gov't services/laws

FACT CHECK: ‘Di totoong may bagong perang may mukha ni Rizal, tarsier

Rappler.com
FACT CHECK: ‘Di totoong may bagong perang may mukha ni Rizal, tarsier
Mismong ang Bangko Sentral ng Pilipinas na ang nagsabing di ito totoo

Ang sabi-sabi: Mayroong bagong mga perang papel na inilabas kung saan tampok ang tarsier sa P500 at si Jose Rizal sa P150.

Kasama sa mga umano’y bagong pera ng Pilipinas ang P100 na barya, P1,000 na may agila, at P5,000 na may mukha ni Lapu-Lapu.

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang post na naglalaman ng sabi-sabi ay taong 2022 pa unang inilathala ngunit kumakalat muli sa Facebook. Sa kasalukuyan, mayroong 3,200 na share ang nasabing post. 

Ang katotohanan: Sa limang tampok na salapi, tanging ang P1,000 na tampok ang agila,  P5,000 na tampok si Lapu-Lapu at ang P100 na barya ang tunay na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ang P1,000 salapi na may agila ang bagong bersyon ng P1,000 na inilabas noong Abril 2022. 

Ang P5,000 salaping tampok si Lapu-Lapu ay commemorative bill na inilabas ng BSP noong Enero 2021 bilang selebrasyon sa 500 taong anibersaryo ng pagkapanalo ng puwersa ng nasabing bayani sa labanan sa Mactan.

Ang P100 na barya ay commemorative coin naman na inilabas ng BSP noong 100 taong anibersaryo ng Muntinlupa City Hall noong 2017. 

Itinanggi ng BSP: Mismong ang BSP na ang tumangging mayroong P150 na perang tampok ang mukha ni Rizal at P500 na tampok ang tarsier. Noong 2012, pinabulaanan ng BSP ang umano’y paglabas ng P150 na perang papel. 

Sinabi rin ng BSP sa Philstar.com noong 2021 na “fake news” ang pagbabago ng disenyo ng P500 kung saan pinalitan umano ang mag-asawang Aquino ng litrato ng tarsier. – Ailla Dela Cruz/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.