Marcos Jr. administration

FACT CHECK: 2021 pa inilabas ang P5,000 bilang commemorative bill

Rappler.com
FACT CHECK: 2021 pa inilabas ang P5,000 bilang commemorative bill
Ang inilunsad lamang noong Disyembre 7, 2022, ay ang mga salaping pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula P20 hanggang P1,000

Sabi-sabi: Inilabas ang P5,000 bill na may mukha ni Lapu-Lapu bilang bagong pera ngayong 2022. 

Itinampok ng isang YouTube video na pinamagatang “BAGONG PERA O SALAPI NG PILIPINAS, NILABAS NA! | PHILS. NEW BANK NOTES & COINS NA MAY LAGDA NI PBBM” ang larawan ng P5,000 salapi na may mukha ni Lapu–Lapu sa kabuuan ng siyam na minutong video. May tekstong “BAGONG PERA NILABAS NA. NEW PHILIPPINES BANK NOTES 2022” katabi ng P5,000 salapi. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang YouTube video na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 13,644 na view sa kasalukuyan. 

Ang katotohanan: Hindi kasama ang P5,000 commemorative bill, na nagtatampok ng mukha ng bayaning si Lapu-Lapu, sa mga perang inilabas noong Disyembre 7, 2022. 

Enero 2021 pa nang inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang salaping tampok ang bayani, kaugnay ng selebrasyon ng ika-500 na anibersaryo ng pagkapanalo ng puwersa nito sa labanan sa Mactan. 

Ang inilunsad nitong nakaraang Disyembre 7 ay ang mga salaping pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula P20 hanggang P1,000, at mga bagong baryang tampok ang logo ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Ginamit ng vlogger na nag-post ng video ang footage ng seremonya, ngunit mali pa rin na ginamit niya sa video ang imahe ng P5,000 salapi na hindi naman kasama sa mga inilunsad sa Malacañang. – Ailla dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.