Fact check - gov't services/laws

FACT CHECK: Di totoo ang ‘P7,000 ayuda’ ng DSWD para sa mahihirap

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FACT CHECK: Di totoo ang ‘P7,000 ayuda’ ng DSWD para sa mahihirap
Walang programa ang DSWD na namimigay ng P7,000 ayuda sa mahihirap, at peke ang registration link sa mga kumakalat na post

Ang sabi-sabi: Mamimigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P7,000 na ayuda para sa mahihirap. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact check: Laman ang sabi-sabi ng ilang Facebook page na dala ang pangalan ng DSWD, gaya ng “dswd pantawid program all region2023,” “Dswd 4ps Region X update,” at “DSWD Payout Updates (4PS, MCCT, RCCT, UCT & TCT).” Setyembre 10 nang simulang ikalat ang sabi-sabi. Sa kasalukuyan, umani na ng 416 na share, 71 na komento, at 51 na reaksyon ang ilan sa mga post.

Ayon sa mga post, aprubado na ang pamamahagi ng umano’y P7,000 na ayuda para sa mahihirap.

Ine-enganyo rin ng post na mag-register ang mga interesadong maging benepisyaryo sa umano’y registration link. 

Ang katotohanan: Nilinaw ng DSWD sa isang email sa Rappler na peke ang nasabing programa. 

“The DSWD has no program that provides Php7,000 cash aid to all poor Filipinos,” sabi ng DSWD. (Ang DSWD ay walang programang namamahagi ng Php7,000 ayuda sa lahat ng mahihirap na Pilipino.)

Peke rin ang mga registration link sa mga post. Nire-redirect nito ang mga user sa mga blog site, hindi sa opisyal na website ng DSWD.

Paglilinaw ng ahensiya, Assistance to Individuals in Crisis (AICS) ang kanilang programang namamahagi ng tulong hindi lamang sa mahihirap, kundi sa lahat ng Pilipinong dumaranas ng krisis. Ang mga sumusunod na tulong ang maaaring makuha sa AICS: medical, burial, transportation, food, education, o financial assistance, depende sa krisis na kinakaharap ng isang indibidwal o ng kanyang pamilya. 

Halaga ng tulong: Ayon sa DSWD, iba-iba ang halaga ng tulong na maaaring matanggap ng isang indibidwal depende sa magiging pagsusuring gagawin ng mga social worker sa sitwasyong kinakaharap ng isang indibidwal. 

Alinsunod sa Memorandum Circular No. 16, s. 2022 ng DSWD, ang pinakamababang halaga na maaaring matanggap ng isang indibidwal sa ilalaim ng AICS ay P1,000, habang P10,000 naman ang pinakamataas. Para sa mga sitwasyong nangangailangan ng halagang tataas sa P10,000, maaaring matanggap ang tulong sa pamamagitan ng “guarantee letter.”

Maaaring mag-apply ang mga interesadong indibidwal sa mga nakatalagang screening center ng ahensiya.

Fact-checked: Ilang fact check na ang inilathala ng Rappler hinggil sa mga umano’y ayuda ng DSWD: 

Para sa mga opisyal na update sa mga programa at serbisyo ng DSWD, i-check ang kanilang opisyal na website, Facebook, X (formerly Twitter), at YouTube na account. – Ailla Dela Cruz/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI