HINDI TOTOO: Pag-ilaw ng pink sa Tokyo Skytree para kay Robredo

Buod
  • Ang sabi-sabi: Ayon sa isang Facebook post noong Oktubre 7, ang nag-ilaw ng pink sa Tokyo Skytree para kay Bise Presidente Leni Robredo.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Noong Oktubre 24 hanggang 28, 2020, inilawan ng espesyal na pattern ang Tokyo Skytree para sa paggunita ng ika-75 na anibersaryo ng pagkatatag ng United Nations. Gumamit ito ng 17 na kulay ng ilaw bilang simbolo ng 17 na sustainable development goals ng UN.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita ang sabi-sabi sa isang post noong Oktubre 7 ng Facebook page na “Leni Robredo Para Sa Bayan.” Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 11,000 reaksiyon, 3,700 komento, at 2,3000 shares ang post.
Mga detalye

Isang post noong Oktubre 7 mula sa Facebook page na “Leni Robredo Para Sa Bayan” ang nagsabing ang larawan ng Tokyo Skytree na may mga pink na ilaw ay para kay Bise Presidente Leni Robredo.

Sabi ng Facebook post, “LENI FEVER! Tokyo SkyTree is for VP Leni Robredo. (Ang Tokyo Skytree ay para kay Bise Presidente Leni Robredo) #LabanLeni2022.”

Nang isulat ang fact check, mayroon nang mahigit 11,000 reaksiyon, 3,700 komento, at 2,3000 shares ang nasabing post. May mga nagpadala ng post sa email ng Rappler at sa Facebook group na “Fact-checking in the Philippines” para ma-fact-check.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Gamit ang reverse image search, nakita na ang orihinal na larawan ay kuha ni Lyu Tianze noong 2020 at nailathala sa Global Times, isang English-language newspaper sa China.

Noong Oktubre 24 hanggang 28, 2020, inilawan ng espesyal na pattern ang Tokyo Skytree para sa paggunita ng ika-75 na anibersaryo ng pagkatatag ng United Nations. Ayon sa press release ng pamunuan ng Tokyo Skytree noong Oktubre 24, 2020, gumamit sila ng 17 na kulay ng ilaw, kasama ang pink, bilang simbolo sa 17 na sustainable development goals ng UN.

Pink ang kulay na gamit ni Robredo para sa kanyang kampanya bilang presidente sa 2022. Nang inanunsiyo niya noong Oktubre 7 ang kanyang pagtatakbo, nagsuot siya ng pink na ribbon at face mask.

Samantala, nagpailaw naman ng pink ang Adamson University sa kanilang gusali noong Martes, Oktubre 12, bilang suporta kay Robredo. – Owenh Toledo/Rappler.com

Si Owenh Toledo ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.