Fact checks on public officials

HINDI TOTOO: Nakipagsabwatan ang kampo ni Robredo sa Meta at Twitter laban kay Marcos Jr.

Rappler.com
HINDI TOTOO: Nakipagsabwatan ang kampo ni Robredo sa Meta at Twitter laban kay Marcos Jr.
Itinanggi ng Meta (dating Facebook) na nakipagpulong sila kay Vice President Leni Robredo. Ang mga pro-Marcos account naman ay tinanggal ng Twitter dahil napatunayang peke at nagmamanipula ng ugnayan sa platform.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Nakipagsabwatan ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa Meta at Twitter para atakihin si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. 
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Itinanggi ng kompanyang Meta (dating Facebook) na nakipagpulong ang kanilang public policy manager kay Robredo. Samantala, tinanggal naman ng Twitter ang higit sa 300 na account na pabor kay Marcos dahil napatunayang peke at nagmamanipula ng ugnayan sa platform. 
  • Bakit kailangan i-fact check: Ang artikulo na naglalaman ng sabi-sabing ito ay mayroon nang 766 shares sa Facebook at binasa na nang 7,600 beses sa website ng The Manila Times. Mayroon ding mga kumakalat na social media posts kaugnay ng sabi-sabing ito.
Mga detalye

Ayon sa kolumnistang si Rigoberto Tiglao, sinabi ng abogadong si Larry Gadon na mayroong ilulunsad na atake laban kay dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kampo ni Vice President Leni Robredo nitong Pebrero. Aniya, nakaplano ang atakeng ito sa strategy paper na pinamagatang “Il Figlio” o “Ang Anak” sa Pilipino. 

Kasama umano sa estratehiya ang pagpapatanggal ng mga pro-Marcos Facebook pages, na pinag-usapan daw nina Robredo at Facebook public policy manager Chris Kuzhuppily kaya sila nagpulong. 

Nagsimula na raw ang atakeng ito nang tanggalin ng Twitter ang higit sa 300 account na pro-Marcos mula sa kanilang site.

Hindi totoo ang mga sabi-sabing ito.

Tinanong ng Philippine STAR ang kompanyang Meta (dating Facebook) tungkol sa umano’y pakikipagkita ni Robredo sa kanilang grupo para sa nasabing estratehiya. Itinanggi ng Meta na may naganap na ganitong pagpupulong.

Ang Twitter naman, nagpahayag na tinanggal nila nitong Enero 2022 ang higit sa 300 accounts dahil sa paglabag ng mga ito sa patakaran ng platform laban sa manipulation at spam. Ito ay parte ng palagiang pagbabantay ng Twitter.

Karamihan sa mga natanggal na account ay kagagawa pa lamang o mga matagal nang tulog pero muling binuhay nang magsimula ang election season para mag-post ng pabor kay Marcos at umatake sa mga karibal nito sa pagkapangulo. Ito ay nadiskubre sa imbestigasyong isinagawa ng Rappler at walang kinalaman sa kampo ni Robredo.

Noong 2019, naglabas ng mga artikulo ang Rappler na nagdedetalye ng malawak na social media network ng mga Marcos. Kinabibilangan ito ng maraming pages at accounts na naglalabas ng spam content at nagpapakita ng kahina-hinalang mga aktibidad online.

Si Gadon na source ni Tiglao ay sinuspende ng Korte Suprema matapos kumalat ang video ng kanyang pagmumura sa mamamahayag na si Raissa Robles pagkatapos nitong tawagin si Marcos Jr. na isang tax evader. – Josette Saguiped/Rappler.com

Si Josette Saguiped ay isang Rappler intern. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.