Hidilyn Diaz

[EDITORIAL] Ang ‘amazing grace’ ni Hidilyn Diaz

Rappler
[EDITORIAL] Ang ‘amazing grace’ ni Hidilyn Diaz
Habang kinakain ng mga Tsino ang alikabok ni Hidilyn, nangangayupapa naman si Sir sa Sir niya sa Beijing
AnimatEd Editorial Hidilyn Diaz Gold Medal Olympics

Mabuti na lang grasyoso si Hidilyn Diaz.

Hindi na niya muling inungkat pa ngayong nasa tugatog siya ng tagumpay na minsan siyang idinawit ng dating presidential spokesman at ngayo’y chief presidential legal counsel na si Salvador Panelo sa isang inimbentong matrix. Diumano, si Hidilyn Diaz ay isa sa mga taong nagpapakulong patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.

Pero mukhang hindi grasyoso ang Presidente. Sabi niya, “Let bygones be bygones,” na parang siya pa ang nagpatawad at nagparaya – sabay bato ng milyones na pabuya (na talaga namang deserved na deserved ni Hidilyn). Pero, nabibili ba ang paglimot? Lalo na kung walang apology? Mabuti na lang grasyoso si Hidilyn at nag-move on na lang siya. 

Dahil kung pinakinggan niya ang mga naninirang sports officials at mga trolls na nagsabing oportunista siya sa pangangalap ng malaking pera para sa kanyang magastos na training – aba’y nahatak na siya pababa ng mga talangka. Ngayon, sila itong nagkakandarapang sumabit sa bandwagon ng papuri kay Hidilyn. Teka, bawal ang sumabit sa jeep, lalo na ngayong pandemya! 😉

May isa ngang sipsip na opisyal na gustong magpasa ng ordinansya upang pagawan si Hidilyn ng rebulto sa Zamboanga. Tila ‘di na ito kinaya ng two-time Olympic medalist kaya’t napabulalas ng “buhay pa po ako!”

‘Amazing grace’

Ginagamit ang terminong “amazing grace” sa mga atletang bumabasag sa boundary ng sports at nagbibigay inspirasyon sa isang progresibong kamalayan tulad ng nuclear disarmament o Black Lives Matter. Marami pa sa mga atleta natin ang nagpamalas ng amazing grace sa Olympics – mapababae man o mapalalaki – sa simpleng pagtatanggol sa bandila.

Kabaligtaran sina Hidilyn, Nesthy Petecio, Eumir Marcial, at iba pang bumubuo sa Tokyo 19 ng mismong Presidente natin. Tinutupad nila ang kanilang pangakong itaguyod ang bandila. Nangako si Duterte na itatanim ang bandila sa West Philippine Sea nang naka-jetski.

Amazing kapal ng mukha pala ang taglay ni Digong, dahil pinagtawanan pa niya ang mga naniningil sa pangako dahil tanga lang daw ang naniniwala sa “campaign joke.” At habang kinakain ng mga Tsino ang alikabok ni Hidilyn, nangangayupapa naman si Sir sa Sir niya sa Beijing.

“Atin iyon,” sabi ni Hidilyn, tungkol sa West Philippine Sea, sabay sabi na hindi niya “puwede pakialaman ano man ang international na dispute diyan.”

Eto namang ambassador ng Tsina sa Pilipinas na si Huang Xilian, ang lakas magparinig. Sabi niya, “Truly humbled to see that a Chinese coach has helped in making this historic win happen for the Philippines!” Sabi pa niya, “Apart from trade and investment, China and the Philippines have had numerous cooperation in many fields, and athletics is just one of them!

Bilis, bigyan ng gold medal si Ambassador sa husay mag-spin! Kung pakikinggan, akala mo siya ang nagrekomenda sa Chinese coach ni Hidilyn. Ito ang backstory diyan: Ang Filipino-Chinese nating mga kababayan ang kumontrata noong 2018 kay Coach Gao Kaiwen na maging bahagi ng Team Hidilyn Diaz (HD).

Pinanday sa hirap

Bahagi ng amazing grace ni Hidilyn ang tatag at tapang na maniwala sa sarili sa harap ng paninira at crab mentality. 

Isa siyang Pinay na pinanday ng kahirapan at pagsubok – kaya’t gutom sa panalo. Pero pinatunayan niyang may puso rin pala siyang kayang yakapin lahat – kaibigan o kaaway – sa oras ng tagumpay. 

Sa panahong tumitiklop ang ibang atletang lumaki sa marangya at todo-suportang sistema, bantayog si Hidilyn ng puwedeng makamit sa tindi ng pangarap at sakripisyo.

Nagsindi rin siya ng sulo para sa ibang mga kababayang lumalaban pa para sa ginto tulad ni Nesthy Petecio – na tiyak nang mag-uuwi ng silver. Hindi siguro aksidente na mga babae ang pinakamalakas na pambato ngayong taon sa Olympics.

Impossible, but it’s possible,” yan ang pagsusuma ni Hidilyn sa inakyat niyang matarik na bundok ng unang ginto sa Olympics ng Pilipinas. [PODCAST] Targeting Tokyo: Hidilyn Diaz

Paulit-ulit niyang sinasabi, sana’y magsilbing inspirasyon ang panalo niya sa mga Pilipino sa panahon ng pandemya. Batid daw niya na marami sa mga kababayan natin ang gusto na lang sumuko. 

Sana’y nakikinig tayong nakukuba na sa hirap kumita ng pera. Sana’y nakikinig ang oposisyon kay Hidilyn. Sana’y nakikinig tayong nawawalan na ng pag-asa sa paghihingalo ng demokrasya. Sana’y nakikinig tayong lahat. – Rappler.com