Martial Law

[EDITORIAL] Kultura ng paglimot – ‘yan ang kasalanan natin nitong 50 taon

Rappler.com
[EDITORIAL] Kultura ng paglimot – ‘yan ang kasalanan natin nitong 50 taon

Nico Villarete

Omission ang kasalanan natin. Hindi rin natin natanto ang anay ng mga false public memories na ngangatngat sa kasaysayan.

Malaking palaisipan ang kambal na alaala natin sa Martial Law: ang isa’y madilim at nakapangingilabot, at ang isa’y tila alamat ng masaya at marangyang buhay.

At bakit bulnerable tayo – sa wikang Ingles “sucker” – sa ganitong mga kuwentong kutsero? 

Pakinggan natin si Dr. Maris Diokno na sumuri sa kabalintunaang ito.

Gamit ang teorya ng historyador na si Dominick LaCapra na nagsabing may dalawang klase ng social trauma – ang structural at historical – sinuri ni Diokno ang trauma ng Batas Militar. Puwede kang nabuhay noong panahong iyon nang hindi mo naramdaman ang panunupil. May curfew, nagkalat ang militar, pero may law and order. Nakakairita, pero walang pinsala sa iyo. ‘Yan ay dulot ng “state of unfreedom” na walang patid – at isang porma ng structural trauma. Sa kabilang banda, ang nasapol ng karahasan ay ang mga “pasaway” na komunista at tibak – at ito ang “historical trauma.”

Kaya’t may dalawang narrative ngayon na magkasalungat.

Pero tanong ni Diokno: Kailangan bang maging personal ang kasaysayan para maging relevant sa ’yo?

Siyempre hindi. Para raw sinabi nating hindi relevant si Magellan dahil lamang hindi tayo eyewitness sa mga pangyayaring iyon.

Pero ano ang malaki nating pagkakamali nitong nakalipas na 50 taon? Sabi ni Diokno, ito’y ang “omission.” Hindi natin natanto na tila anay ang mga false public memories na ngangatngat sa kasaysayan.

Hindi natin pinalaganap ang mga kuwento ng Martial Law maliban sa ilang pelikula at libro. Hindi tinatalakay ang Martial Law tulad ng pagtalakay sa mga paaralan kay Rizal at sa Rebolusyon ng 1896. Kung masuwerteng pasok ito sa syllabus, ang Martial Law years ang nalalaglag sa pagtuturo kapag may bagyo o sumobra ang walang pasok. Ang katuwiran, nasa alaala pa ng sambayanan ang Martial Law kaya’t puwede na ‘yang laktawan.

Kinalimutan nating pagkuwentuhan at ibahagi sa kabataan ang panahong iyon dahil nakalulula ang hamon ng restructuring mula sa abo ng Martial Law. ‘Yun ngang mga lolo at lola noong panahon ng hapon, hindi tumigil sa pagkukuwento ng lupit na dinanas nila. Pero ang mga EDSA babies? Nag-move on sila na parang nang-iwan ng salawahang karelasyon.

May nag-ugat bang oral at written history ng Martial Law na matibay ang kapit? Parang wala, liban sa ilang institusyon (na naghihikahos sa budget) at pahapyaw na pagtalakay sa mga librong pang elementarya at high school.

Hindi natin tinularan ang mga Aleman na hindi nilimot is Adolf Hitler at ang karumaldumal niyang mga krimen. Itinaguyod ng kanilang gobyerno at civil society ang “kultura ng pag-alala“ kung saan inuulit-ulit ang mga krimen ng Third Reich. Bata pa lang ang mga Aleman ay itinatanim na sa kanilang consciousness ang pagtatakwil sa racism at ultra-nationalism sa tulong ng mga memorial site, mga museo, literatura, at pelikula. Higit sa lahat, binibigyang halaga ng mga paaralan ang paggunita sa Holocaust sa kanilang curriculum.  

Ang epekto: nagkaroon ng self-image ang bansang Aleman na nagtatakwil sa strongman rule at nagpapahalaga sa kalayaan.

Nitong nakaraang 50 taon, maliban noong namatay si Cory Aquino, halos hindi cool na alalahanin ang Martial Law. “Been there, done that” ang aktitud ng mga may malay nang panahong iyon. 

Kaya’t nagkaroon ng puwang ang disinformation – sumiksik ang mga pekeng kuwento sa maraming butas na nilikha ng paglimot sa kasaysayan ng Martial Law.

Iyan ang hindi natin masyadong nabibigyang diin sa diskusyon tungkol sa disinformation – paano nagkaroon ng matabang lupa kung saan yumabong ang kasinungalingan.

Sabi pa ni Diokno, “we must go beyond the facts and teach historical empathy.” Isang hakbang lamang ang pagpa-fact check. 

Ang susunod na yugto ay ang pagtuturo ng historical empathy – na ayon kay Diokno ay isang “learned ability” at hindi sentimyento – ang pag-unawa sa kasaysayan gamit ang “credible historical evidence.”

Dagdag pa niya, hindi sapat ang factual knowledge upang ibigkis tayo sa nakaraan, kaya’t diyan papasok ang historical empathy.

Madaling i-romanticize ang kabayanihan ng mga nakibaka noong Martial Law, pero hindi ‘yan ang kailangan natin. Ang kailangan nating maintindihan: Ang kabayanihan ngayon ay hindi lang tapang mag-fact check, kundi tapang magturo, magkuwento, magsulat, magsadula, at mangampanya tungkol sa tunay na mga pangyayari ng Martial Law – lalo na ang mag-lobby sa mga eskuwelahan at maging sa DepEd na ayusin ang Martial Law curriculum. 

Brick by brick na trabaho ito. Simulan na natin para sa susunod na salinlahi – dahil pumalya na tayo sa henerasyong ito. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.