Israel

[EDITORIAL] Kailangan ng isang ‘humanitarian ceasefire’ sa Gaza

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Kailangan ng isang ‘humanitarian ceasefire’ sa Gaza

Nico Villarete

Ito ang hamon sa sangkatauhan, kailangan nating panindigan na tayo'y tao at makatao

Alam ‘nyo bang nagsusuot ng bracelet ang mga Palestinian na may pangalan nila? Ito’y dahil anumang oras ay maaari silang mamatay sa airstrikes at nais nilang ma-identify ang kanilang bangkay.

Nang naglunsad ng sorpresang atake ang Hamas sa Israel noong Oktubre 7, humantong ito sa pagkasawi ng 1,400 katao sa panig ng Israel habang 241 ang hinostage. Nasa 250,000 na Israeli ang nawalan ng tahanan sa harap ng hidwaan.

Pero ang ganting-salakay naman ng Israel ang pumatay ng tinatantiyang magsasampung libong katao (latest tally ay 9,770, ayon sa Associated Press), habang 1.5 million ang displaced.

Mayroong side controversy tungkol sa running count ng mga nasawi sa atake ng Israel sa Gaza at sangkot no less ang presidente ng Estados Unidos na si Joe Biden na nagsabing, “I have no confidence in the number the Palestinians are using.” 

Kahit anong hokus-pokus pa ang ginagawa ng Health Ministry ng Gaza, hindi matatawarang malayong-malayo na ang agwat ng mga death toll. Hindi rin ito dinidispute ng mga respetadong midyang sumusubaybay mula sa malayo. (By the way, pinadalhan ng ministry si Biden ng 212 pahinang sagot – nagtataglay ito ng mga pangalan, kasarian, at edad ng mga namatay.) May mga eksperto rin na nagsasabing malamang ay mas mataas ang aktwal na death toll dahil marami pang mga patay sa rubble ng mga gusali na hindi natatagpuan.

Malinaw na disproportional response ang ginagawa ng Israel at hindi nito layong simpleng gumanti, kundi maglunsad ng all-out war. Sa tindi ng godlike technology ng Israel, makikita ang paleolithic instincts nito sa kawalan ng effort na pag-ibahin ang sibilyan at kalaban nitong Hamas.

Sa kabilang banda, madalas nagreresort ang underdog na Hamas sa mga method na mala-terorista, tulad ng walang habas na pamamaril ng mga sibilyan, kabilang na ang mga estudyante at matatanda nang ito’y umatake nitong Oktubre 7.

Sa column ng sociologist na si Randy David, binalikan niya ang diaspora ng mga Jews sa buong mundo na inasam ang isang homeland. Isang malaking kabalintunaan na ang lahing dumanas ng ilang siglong pang-aapi, maging genocide sa kamay ni Adolf Hitler, ay siya ngayong nagkakait sa parehong adhikain ng mga Palestinian. Sabi ni David, “Yesterday’s oppressed have become today’s oppressors.”

Sa gitna ng territorial war na nakaugat sa biblical times, kinikilala namin ang pagnanais ng lahat ng tao na magkaroon ng lupain kung saan may kalayaan sila at respetado ang kanilang karapatang pantao. (PANOORIN: Ano ba ang hugot ng Israel-Hamas war?)

On the home front, hindi malaking palaisipan kung bakit nag-abstain ang Pilipinas sa botohan sa UN (siyempre, the US’ little brown brother is back) dahil hindi kinondena ng resolusyon ang tinawag ni UN Ambassador Antonio Lagdameo na “terrorist attack of October 7.”

Hindi ba mas matimbang na makasama ang boses ng Pilipinas sa humihingi ng humanitarian pause para magkaroon ng patlang ang airstrikes at makapasok ang pagkain, tubig, at medikal na tulong para sa mga inosenteng sibilyan? Hindi po nakapaglilinang ng kapayapaan ang tampo, Ambassador. Sa katunayan, tinawag ito ng abogadong si Mel Sta Maria na “amoral, if not immoral, decision.

Kasama ang Rappler sa boses na humihingi ng humanitarian ceasefire – na maaaring magsimula sa isang humanitarian pause – sa pinakamadugong hidwaan mula 1948 sa pagitan ng mga Israeli at Palestinian.

  • Para sa mga diplomat at pulitiko, may kaibahan ang pause at ceasefire, pero ano’t-ano man, pagtigil sa tuloy-tuloy na pambobomba at atake ang tinutukoy natin. Mas mabuti kung ceasefire. Kung “pause” naman, dapat itong mauwi sa ceasefire o pangmatagalang tigil-putukan.
  • Sinusuportahan din namin ang hakbang ng UN General Assembly na manawagan sa Israel na itigil ang order nito sa tinatantiyang 1.1 milyon na sibilyan sa Gaza na lumikas papuntang katimugan.
  • Nananawagan din kami sa agarang pagpapalaya sa mga hinostage na sibilyan, partikular ang mga kinidnap ng Hamas.

Mayroon daw “reporting crisis” na umiiral sa Gaza. Sabi rin ng Committee to Protect Journalists, sa huling tala nito noong Nobyembre 5, nas 36 na ang journalists at media workers na namatay mula nang pumutok ang giyera. Mahalaga ang papel ng mga mamamahayag sa panahon ng giyera dahil sila ang mas nakapagbibigay ng accurate picture on the ground, higit pa sa mga government or semi-government sources.

Nasa konsiyensiya ng buong mundo ang hidwaan na malapit nang umabot sa genocide. Tinatantiyang nalampasan na ng Israel-Hamas war sa loob ng isang buwan ang namatay sa Ukraine (7,800 killed) mula Enero.

Sabi nga ng mga Nobel laureate na naglabas ng statement tungkol sa hidwaan: Palestinian children are our children. Israeli children are our children. We cannot consider ourselves civilized if this is what we do.

Gusto nating isipin na mas moderno, mas mulat, at mas compassionate ang mundo natin, kung ikukumpara halimbawa sa panahon ni Adolf Hitler, o ang paglalaglag ng atomic bomb sa Hiroshima. Tila ito ang hamon sa sangkatauhan, kailangan nating panindigan na tayo’y tao at makatao. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!