COVID-19

[VIDEO EDITORIAL] Hindi raw rational ang mass testing, sabi ng DOH. Tigilan na ang palusot.

Rappler.com
Nasa Year 3 na tayo ng pandemya. Clueless, in denial, at puro palusot pa rin ang Kagawaran ng Kalusugan.

March 2021 pa lang, sinabi na ng Department of Health (DOH) na “hindi nito kailanman itinulak ang mass testing” dahil ito’y mauuwi sa “indiscriminate testing.” 

Sa totoo lang, hindi kapos ang resources. Ang totoo, hindi naglaan ng pondo.

ZERO ang allotment para sa free mass testing sa ilalim ng P5.024 trillion 2022 national budget. Wala mang free mass testing, meron namang armas at military equipment!

Ang siste, ang bigat sa bulsa magpa-test. Ang home kit ay umaabot sa P330 hanggang P400 bawat isa, ang antigen test sa clinic ay P700 to P900, habang ang gold standard RT-PCR ay nasa P2,500 to P3,800 bawat test. 

Sana man lang gawing abot-kaya ang mga test.

Hindi man binabaha ang mga ospital ng kaso ng malalang COVID-19, mismong mga health workers naman ang hindi makapag-report sa trabaho dahil tumba sa mala-trangkasong mga sintomas.

Ayon din sa ibang eksperto, hindi sinasalamin ng case reports ng DOH ang aktuwal na sitwasyon. Walang duda, mababa ang bilang ng DOH kaysa realidad dahil nga sa walang mass testing.

Nasa Year 3 na tayo ng pandemya. Dapat nahasa na tayo ng dalawang taon ng COVID-19 at muscle memory na lang ang pag-a-adjust sa sitwasyon. 

Pero hindi. Clueless, in denial, at puro palusot pa rin ang Kagawaran ng Kalusugan.

Sa magtatatlong taon, wala pa rin tayong maaasahan sa gobyernong ito – walang regular na ayuda, walang mass contact tracing, at lalong walang free mass testing. Hay, naku, makabalik na nga sa paghahanap ng murang test kit. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Hindi raw rational ang mass testing, sabi ng DOH. Tigilan na ang palusot.