COVID-19

[VIDEO EDITORIAL] Virus. Lockdown. Repeat.

Rappler
Pinapatay tayo ng incompetence ng national government. Pinapatay tayo ng korupsiyon. Pinapatay tayo ng kainutilan.

Parang isang umuulit na bangungot ang ikatlong lockdown ng Metro Manila. 

Ang pinakamalapit sa katotohanan ay ang buzzword na pinasikat ng gamers at ng Hollywood: “Live. Die. Repeat.”

Tatlong katagang sumasapul sa hirap ng buhay sa lockdown. May nabubuhay, may namamatay, lahat nakakapit lang. Kinabukasan, ulit na naman. 

Tigilan na ang pag-i-invoke ng resilience ng Pilipino sa pahahon ng kalamidad. Kahit kawayan, nababali rin.

‘Di na natuto: Checkpoints

Sa unang araw ng lockdown, larawan ng sundalong may mahabang rifle ang tumambad sa atin. Simbolo ito ng maling-maling approach natin sa pandemya – ang law and order bilang solusyon sa virus.

Dumanas ang mga namamasukan ng matagal na paghihintay ng masasakyan at nakunsumi sa trapik. 

Kahit sinasabi ng Department of Health na Delta ang pinakamabilis at pinakamabagsik na variant ng COVID-19, walang nagbago. Checkpoints pa rin ang paboritong responde ng gobyerno. Papaano na ang mga sudalo’t pulis na maaaring maging super-spreaders?

‘Di na natuto: Contact tracing

Kumusta na nga pala ang contact tracing ng Department of Health gamit ang Stay Safe? May alam ba kayong kaso ng COVID-19 na na-trace ng Stay Safe? Kung meron man, may sapat na datos na ba itong nakalap? 

Nito lang Marso, sinabi ni contact tracing czar Benjamin Magalong na “deteriorating” ang contact tracing at hindi raw ito lumalabas sa tracing ng mga kasama sa bahay ng nagkasakit. Lumala pa pala, tsk.

‘Di na natuto: Ayuda

Matapos may limang milyong mabakunahan sa Metro Manila, tila nakaamba na ang pagbabalik sa lumang normal ng ekonomiya.

Pero biglang bumulaga ang Delta. Back to zero. May ayuda ba? Meron daw, pero tanging walo sa bawat sampung low-income na Pinoy at manggagawa sa “NCR Plus” ang pasok sa pamantayan ng gobyerno. Pinakamalaki na ang P4,000 na matatanggap ng isang pamilya kumpara sa P8,000 maximum na natanggap noong 2020.

‘Di na natuto: Managing data

Sabi ng dating consultant ng task force laban sa COVID-19 na si Tony Leachon, “The problem with the government is that they want to manage the data.” Ibig sabihin, ang mga numerong ini-re-report ng Department of Health ay hindi laging sumasalamin ng katotohanan.

‘Di na natuto: Period

Sa larangan ng containment, contact tracing, at ayuda – tila walang nagbago sa kalidad ng pagresponde isang taon at limang buwan ang nakalipas.

Kung meron mang itinuturo sa atin ang pinakahuling lockdown, ito ay ang katotohanang maaaring ilang taon pa bago mawala ang salot ng COVID-19.  Idinidikta ng lohika na magtutuloy-tuloy pa ang kalbaryo natin sa mga bagong variant. 

Hindi sa pananakot, pero mukhang mabilis mag-evolve ang virus habang tayo ay napag-iiwanan sa pansitan. Malinaw na buhay o kamatayan ang good governance – na salat na salat tayo ngayon maliban sa ilang matinong lokal na opisyal. 

Sa pinandemya nating buhay, pinapatay tayo ng incompetence ng national government. Pinapatay tayo ng korupsiyon. Pinapatay tayo ng kainutilan.

Kaya paggising natin bukas, balik tayo sa dating lumang refrain: May nabubuhay, may namamatay, lahat ay nakakapit lang. Kinabukasan, ulit na naman. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Virus. Lockdown. Repeat.