COVID-19

[EDITORIAL] Virus. Lockdown. Repeat.

Rappler
[EDITORIAL] Virus. Lockdown. Repeat.
May nabubuhay, may namamatay, lahat nakakapit lang. Kinabukasan, ulit na naman.
Animated Editorial Covid-19 Delta Variant

Parang isang umuulit na bangungot ang ikatlong lockdown ng Metro Manila. Dinadaan na lang ng marami sa biro – alam mo naman ang Pinoy, defense mechanism ang pagbibiro. Andyan ang pag-awit ng “’Di Na Natuto.” 

Pero ang pinakamalapit sa katotohanan ay ang buzzword na pinasikat ng gamers at ng Hollywood. “Live. Die. Repeat.” Tatlong katagang sumasapul sa hirap ng buhay sa lockdown. May nabubuhay, may namamatay, lahat nakakapit lang. Kinabukasan, ulit na naman. 

Pero hindi naman “endless loop” ang buhay. Dapat, tulad ng pelikula ni Tom Cruise, natututo ang gobyerno ng Pilipinas. Tigilan na ang pag-i-invoke ng resilience ng Pilipino sa pahahon ng kalamidad. Kahit kawayan, nababali sa tindi ng hagupit ng bagyo.

‘Di na natuto: Checkpoints

Sa unang araw ng lockdown, larawan ng sundalong may mahabang rifle ang tumambad sa atin. Simbolo ito ng maling-maling approach natin sa pandemya – ang law and order bilang solusyon sa virus.

Sa unang araw ng lockdown, dumanas ang mga namamasukan ng matagal na paghihintay ng masasakyan at nakunsumi sa trapik. Sa artikulong ito, sinabi ng nakausap ng Rappler na sinita ang driver ng jeep nila, pinababa sila ng sasakyan na overloading daw, pinagalitan sila, at nagsimula na ulit ang hintayan ng masasakyan.

Sinabi ng mismong experto ng DOH na isa hanggang dalawang minuto lang na close contact ang kailangan upang mahawa sa “fastest and fittest” variant – ang Delta. Pinakamabilis at pinakamabagsik. Nakakikilabot ang profile ng bagong variant na ito, na kahit mga taong may isang dose ng vaccine ay nahahawa.

Pero walang nagbago, checkpoints pa rin ang paboritong responde ng gobyernong layong magtiyak na walang makatatawid sa mga karatig pook na dala-dala ang virus. Pero papaano na ang mga pulis at sundalong nag-uusisa sa mga pass? ‘Di ba’t super-spreaders na sila, may mahawa lang na isang checkpoint enforcer?

‘Di na natuto: Contact tracing

Kumusta na nga pala ang contact tracing ng Department of Health gamit ang Stay Safe? Ano kamo? Ano ‘yun? Stay Safe ay ang app na nagpa-alarma sa mga IT experts noong 2020 dahil sa mahinang seguridad nito.

May alam ba kayong kaso ng COVID-19 na na-trace ng Stay Safe? Kung meron man, may sapat na datos na ba itong nakalap? Hindi kataka-taka dahil isang taong late ang app na na-turn-over lamang sa Interior Department nitong Marso 29. At ang paggamit ng Google Apple Exposure Notifications para sa contact tracing ay nagsimula lamang nitong Hunyo 1.

Sabi pa ng mga negosyante sa Zamboanga, anti-poor daw ito dahil hindi naman lahat – lalo na ang mga nasa probinsya – ay may smart gadget at may dunong sa paggamit ng app.

May nagbago na ba sa assessment ni contact tracing tsar Benjamin Magalong na nagsabi noon na “weakest link” sa paglaban sa COVID-19 ang contact tracing? Nito lang Marso, sinabi niya sa Kongreso na “deteriorating” ang contact tracing at hindi raw ito lumalabas sa tracing ng mga kasama sa bahay ng nagkasakit. Lumala pa pala, tsk.

‘Di na natuto: Ayuda

Matapos may limang milyong mabakunahan sa Metro Manila at bago naghasik ng takot ang Delta variant, excited na ang lahat na kahit papaano ay makahinga ang ekonomiya sa epekto ng pandemya. Nagsimula nang mabuhay ang lokal na turismo. Nagbukas na ang mga establisimyento at dumami na ang mga parokyano. Tila nakaamba na ang pagbabalik sa lumang normal.

Pero biglang bumulaga ang Delta. Back to zero. May ayuda ba? Meron daw, pero tanging 8 sa 10 low-income na Pinoy at manggagawa sa “NCR Plus” ang pasok sa pamantayan ng gobyerno. Tanging P22.9 bilyon mula sa “leftover funds” ng Bayanihan to Recover as One Act ang ipangtutustos sa supplemental aid program. Pinakamalaki na ang P4,000 na matatanggap ng isang pamilya kumpara sa P8,000 maximum na natanggap noong 2020.

‘Di na natuto: Managing data

Sabi ng dating consultant ng task force laban sa COVID-19 na si Tony Leachon, “Ang problema sa gobyerno ay mina-manage nito ang data.” Ibig sabihin, ang mga numerong ini-re-report ng Department of Health ay hindi laging sumasalamin ng katotohanan.

Kung pagpapapogi ang driver ng mga opisyal, talagang madilim ang kinabukasan natin. Bukod sa nakauubos ito ng oras at enerhiya, huli na ang lahat bago lumabas ang katotohanan at maaksiyunan ito. 

‘Di na natuto. Period.

Sa larangan ng containment, contact tracing, at ayuda – tila walang nagbago sa kalidad ng pagresponde isang taon at limang buwan ang nakalipas. Balik sa square one. 

Kung merong mang itinuturo sa atin ang pinakahuling lockdown, ito ay ang katotohanang maaaring ilang taon pa bago mawala ang salot ng COVID-19. Idinidikta ng lohika na magtutuloy-tuloy pa ang kalbaryo natin sa mga bagong variant. Hindi sa pananakot, pero mukhang mabilis mag-evolve ang virus habang tayo ay napag-iiwanan sa pansitan.

“Sobrang hirap ng unang araw ng ECQ. Paano pa sa mga susunod na araw?” ‘Yan ang tagos sa butong taghoy ng mga ordinaryong tao sa lansangan.

Sa ganitong konteksto malinaw na buhay o kamatayan ang good governance – na salat na salat tayo ngayon maliban sa ilang matinong lokal na opisyal. Sa pinandemya nating buhay, pinapatay tayo ng incompetence ng national government. Pinapatay tayo ng korupsiyon. Pinapatay tayo ng kainutilan. 

Kaya paggising natin bukas, balik tayo sa dating lumang refrain: May nabubuhay, may namamatay, lahat ay nakakapit lang. Kinabukasan, ulit na naman.  – Rappler.com