education in the Philippines

[EDITORIAL] Wrong lens, wrong priorities ni Sara Duterte

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Wrong lens, wrong priorities ni Sara Duterte

Nico Villarete

Pangalawang taon na ni Sara Duterte sa puwesto, at sa puntong ito, wala na dapat guesswork sa pagpapatakbo ng DepEd

Pinaninindigan ni Education Secretary Sara Duterte ang order niya na tanggalin lahat ng mga nakapaskil sa pader ng mga silid-aralan upang maka-focus ang mga bata sa pag-aaral.

Huh, ano raw? May isang grupo pa nga ng mga guro na hindi agad naniwala at sinabihan ang mga punong-eskuwela na “huwag maging literal” sa interpretasyon, at malamang daw ay tumutukoy ito sa “unnecessary posters.” Pasensiya na sa Teachers Dignity Coalition, talaga pong walang lohika at walang common sense ang utos.

In typical Duterte fashion, itong si Sara ay “fixing what ain’t broke.” 

Mababago ba ng utos na ito ang nakahihiya at nakapaninindig-balahibong estadistika na ang mga 15 taong gulang na bata ay napakababa sa reading, mathematics, at science? Opo, mga kababayan, kulelat tayo sa reading, at second to the last sa science at mathematics sa PISA 2018.

Ayon naman sa World Bank’s State of Global Learning Poverty noong 2022, ang hindi nakababasa at nakaiintindi ng simpleng teksto sa edad 10 taon ay nasa 90.9%.

Nakapagtataka ba na bansa tayong kilala sa pag-e-export ng blue collar at domestic workers?

Mabalik tayo sa empty walls ni Sara at sa tanong na paano nito maiibsan ang learning poverty. Nakabatay ba ito sa siyentipikong pag-aaral o type lang ni education secretary dahil spartan ang taste niya sa interior decor?

Sa katunayan, ilang pag-aaral ang sumusuporta sa visuals bilang mainam na learning aid dahil inire-reinforce nito ang mga natututunan at mas nare-retain ang impormasyon. 

Sabi pa ng isang titser na nainterbiyu ng ANC, sana raw ay itinira ang mga letters at numbers. Ma’am, ikukuha ka namin ng application form sa Department of Education (DepEd). Parang mas kalipikado ka pa sa mga tao roon.

Pero ano ba ang pinakamalaking balakid sa epektibong pagtuturo sa Pilipinas? Hindi ba ito ang napakataas na student-to-classroom ratio na bunsod ng classroom shortage kung saan napakarami ang tinuturuan ng isang teacher? Sabi nga ni Alliance of Concerned Teachers Party-list Representative France Castro, dapat pagtibayin ang koneksiyon ng titser sa estudyante sa pamamagitan ng pagpapaliit ng classroom size. 

Pangalawang taon na ni Sara Duterte sa puwesto, at sa puntong ito, wala na dapat guesswork sa pagpapatakbo ng DepEd. 

Sa halip, obsessed siya sa paglaban sa insurgency, na iginigiit niyang konektado sa trabaho niya bilang DepEd secretary.

National Heroes Day ngayon at nagbabalik-tanaw tayo sa sigaw ng Pugad Lawin at lahat ng iba pang mga bayani ng rebolusyon laban sa kolonyal na mananakop. 

Totoo ba ang sinabi ni Sara na “all heroes past and present will not at all be bothered” kung matanggal sila sa mga pader ng mga silid-aralan?

Ipagkikibit-balikat ba talaga nila na nagsimula na ang paglimot sa kanila, dahil out of sight, out of mind?

Sabi dati ng tatay ni Sara na si dating presidente Rodrigo Duterte, “Tingnan mo, ang sheriff binugbog. Where can you find a mayor mauling a sheriff in front of everybody on TV? Talagang ano ‘yan si Inday. Be careful of that woman. She can oust even a speaker.”

Si Sara rin ang most appreciated and trusted public official sa Pilipinas. Mas mataas ang nakuha niyang boto noong eleksiyon (32,208,417) kaysa sa kanyang standard bearer na si Ferdinand Marcos Jr. (31,629,783). 

Sana’y gagap ng anak ni Duterte ang kapangyarihan niya lagpas sa aggressiveness na kailangan upang manapak ng sheriff o magpatalsik ng House speaker. Bilang DepEd secretary at bise presidente, sana’y alam ni Sara na isa siyang changemaker – may kapangyarihan siyang baguhin ang kapalaran ng napakaraming batang Pilipino.

Pero mula sa halaga ng budget na kanyang hiningi (ang global standard ay 6% ng GDP), hanggang sa mga regulasyon tulad ng “bare walls” na may impact sa information retention, hanggang sa intelligence funds para sa paglaban sa umano’y illegal recruiter at mga nagrerekluta para sa Kaliwa – kitang-kita ang isang kalihim na kapag tinimbang ay kulang.

Edukasyon daw ang sandata ng mahihirap tungo sa magandang buhay – pero paano kung dispalinghado ang sistema ng pag-aaral? Paano sila makahahanap ng magandang trabaho, makapagsusuri ng mga tamang lider, at makakikilatis ng kasinungalingan sa katotohanan?

Wrong priorities, wrong lens. Sana’y nakikinig si Sara sa mga tunay na eksperto at hindi sa sariling bias niya para sa malinis na pader. Sana’y alam niya ang hindi niya alam. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!