[OPINYON] Ang atleta, ang peryodista, at ang pagbabalita ng Olympics results

Hirap naman neto, naipit ako sa gitna.

Neto lang, may nakita akong nag-share ng tatlong headlines mula sa tatlong media outfits dito sa Pinas tungkol sa floor exercise ni Carlos Yulo. Sabi pa nung nag-post, ayusin daw ng tatlong media outfits ang pagpili ng mga salita dahil pinagdiriwang pa rin ang gantong milestone. Kasi boi, Olympics nga naman 'to.

Eto na nga, dalawang kaibigan ko sa FB ang nag-share: isang atleta at isang naging peryodista. Magkaiba sila ng tingin doon sa post. Ang punto nung nauna, dapat man lang i-acknowledge ang effort ni Kaloy ng mga balitang 'to kasi pucha, deins naman talaga madali 'yon. At alam ko 'yon.

Sabi naman nung isa, hindi naman para mag-sugarcoat ang mga peryodista. E sa kinapos sa puntos, e sa tagilid talaga ang lagay, e sa alanganin talaga ang routine — na totoo naman. Ilang araw bago sumalang si Kaloy, lumabas ang balitang nagka-minor hip injury siya. Baka dahil doon. Ewan ko.

Balik tayo kung saan ako naipit: naiintindihan ko kasi pareho kung saan sila nanggagaling. Dati rin naman akong atleta, cheerleader ng halos isang dekada. Nagtapos din ako ng journalism at may pagtambay talaga sa media. Kaya kuha ko ang parehong shit nila.

Ito na nga tol, paano kaya sila magkakaintindihan? Ito, subok. Dahil alam kong maraming mga tropa kong atleta na nauurat kung paano inilabas ang balita tungkol kay Kaloy at meron ding mga kakilala sa media na friend ko sa FB ang nauurat sa mga ganoong reaks'yon ng mga atleta.

'Di lang siguro nagkakaintindihan kung saan nangaggaling ang isa’t isa. Kaya eto, susubok akong ilagay sa magkaibang lente ang pangangatwiran bilang naranasan ko naman pareho.

Para 'to sa mga tropa kong atleta na nabwisit sa paraan ng pagbabalita kay Kaloy: 

Mga kapatid, kahit anong lungkot natin sa resulta, deins natin mababago ang ginawang scoring ng judges. Kahit pag-tumbilingin pa natin ang score sheet, 'di maaalog ang numerong nakalagay doon na score ni Kaloy. At kung anong score niya roon, 'yun ang totoo. Facts, kumbaga. At sa facts lang na 'yon nagba-base ng reports ang mga journalist. Lalo mga sports journos. At kung akala niyo mga walang pakiramdam at bato ang mga reporters na 'yon habang nagsusulat, deins din.

Unang-una, mahirap isulat ang pagkalaglag ng kapwa Pilipino. 'Di 'yon madali. Syempre, tol, Pinoy rin naman 'yang mga 'yan. Sino bang may gustong hindi magtagumpay ang kapwa Pilipino, 'di ba? Pucha, karangalan natin 'yon bilang isang bansa, bilang Pilipino.

Pangalawa, halos lahat ng kakilala kong sports journo, may hilig sa sports. 'Di naman nila itinuloy ang sports journalism kung ekis naman 'yon sa kanila in the first place. At tulad nung dahilan sa unang punto, wala naman sigurong taong mahilig sa sports na ayaw makakita ng magandang kompetisyon. Mahirap 'yong isulat para sa kanila, pramis. Pero kailangan, e. Kasi hindi naman nila pwedeng tokisin 'yung data. Hindi naman pwedeng i-sugarcoat. Para akong pinagsulat ng kwento tungkol sa Hagonoy tapos pinabait ko lahat ng mga tao sa amin. Parang ganon, mawawalan ng credibility 'yung balita.

Para sa mga kakilala at kaibigan na taga-media na naurat sa reaks'yon ng mga atleta:

Malalim lang talaga ang pinanggagalingan ng mga atleta. Ganito kasi, alam naming hindi lahat may pagkakataong makatungtong sa malalaking mga entablado tulad ni Kaloy. Galing akong cheerleading na halos pinsang buo ng gymnastics. Halos lahat ng nasa sirkulo ng cheer, kilala si Kaloy. Kasi si Kaloy siya, at siya ang shit. Siya ang anumalya ng PH sports ngayon dahil sa unang beses, hindi volleyball o basketball ang pinag-uusapan sa mundo ng Philippine sports. Gymnastics, mehn.

Kaya nang nagawa ni Kaloy na makapag-train sa ibang bansa at makapaglaro sa Olympics, sampal na rin 'yon na nagsasabing, “Hoy, maliliit tayo, bakit hindi niyo pondohan ang ganitong mga sports kaysa dyan?” Totoo rin naman, na sa mga sports tulad ng skateboarding, cheerleading, at football na walang pribilehiyo ng height tayo nag-e-excel.

Isa pang factor, na alam kong required naman talaga sa pagsusulat ng balita, ay nalalayuan ang mga atleta tungkol sa paraan ng pagbabalita. Ewan ko, siguro call na rin ng editors, pero 'yun siguro ang isang dahilan kung bakit naurat ang mga atleta. Na para bang walang sense ng pagka-Pilipino kung angguluhan at ibalita ang failure ni Kaloy.

Katunayan niyan, halos manlimos na kasi ng sponsorship ang mga atleta makapag-compete lang sa ibang bansa. Lalapit na kung kani-kanino, at isasabay pa sa mga training na sariling gastos madalas at kapos sa gamit.  Kaya ganoon, kaya masakit talagang basahin at makitang ganoon inangguluhan ang ilan sa mga atletang pinalad magkaroon ng oportunidad at tiyansang maglaro sa ibang bansa. – Rappler.com

Tinatapos ni Benjo Gutierrez ang kaniyang post-grad digri sa Malikhaing pagsulat sa Unibersidad ng Santo Tomas. Dating mobile journo sa Singko, nakachamba sa Palanca, at full-time tambay ngayon.