China

[EDITORIAL] Filipino journalists to China: Yes, we are trouble

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Filipino journalists to China: Yes, we are trouble

Nico Villarete

May water hose din ang mga mamamahayag, at 'yan ay ang puwersa ng katotohanan. Kaya't sa mga opisyal ng Tsina na tinatawag kaming mga 'troublemakers,' tumpak.

Bago matapos ang Marso, pinabilib tayo ng Beijing sa pinakabago nitong kapal ng mukha at pagbabaliktad ng katotohanan. Ayon sa foreign ministry ng Tsina, ang mga mamamahayag daw na sumasama sa mga resupply mission sa Ayungin Shoal ay “troublemakers.”

Sabi pa ni foreign ministry spokesperson Hua Chunying, tuwing nag-de-deliver daw ng suplay ang Pilipinas sa grounded warship sa West Philippine Sea, “they had many journalists on board, and had them manipulate the videos they recorded to make sensational news and project the Philippines as a victim.”

Uulitin namin ang nasambit ng isang sundalong humaharap sa water cannon ng mga Tsino, “Tama na, Lord.” Isa itong panalangin na hindi lang bagay na bagay sa isang bansang katatapos lang mag-ayuno, bagay na bagay rin ito sa bansang laging humaharap sa Goliath na makinarya ng propaganda ng Tsina.

Sabi nga ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), isa itong “barefaced lie.” (BASAHIN: Journalists in Manila slam China’s manipulation claims: ‘Barefaced lie’)

Sabi naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), “hatid ng mga mamamahayag ang on-site reports of incidents” sa karagatan ng WPS, madalas “sa harap ng malaking panganib sa kanila.”

Dagdag pa ng NUJP, maliban sa mga bagay na may epekto sa “operational and national security considerations,” “walang pakialam ang state forces sa produksyon at editoryal na mga desisiyon ng mga report na inilalabas” ng mga journalist. Underline sa “walang pakialam.”

Nakakatawa, sa totoo lang. Gaano mo man baliktarin ang kuwento, hindi mapagkakaila ang aggression sa harap ng overwhelming documentary evidence ng mga eyewitness at mga video. Hindi mapagkakaila ang pambabastos sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea na pinagtibay ng korte sa Hague.

Pero bakit ganito ang asal ng Tsina? Ito’y nangyayari sa buong mundo at hindi lang sa karagatan ng Pilipinas. Halimbawa, sa coast ng West Africa, normal na ang daan-daang Chinese industrial fishing boats na nag-i-invade ng territorial waters at inaagawan ang mga mangingisda roon.  

Ang Tsina ang may pinakamalaking fishing fleet sa buong mundo, at ayon sa dokumentaryo ng Outlaw Ocean Project, mayroon itong 7,000 barko na nangingisda at 90 major ports sa buong mundo na nagpoproseso ng seafood. 

Ayon din sa dokumentaryo, sobrang laki ng fishing industry ng Tsina na ito’y “10 times bigger than the next competitor.” At araw-araw, hinihigop ng fishing fleet nito ang “unsustainable amounts” ng seafood mula sa karagatan ng planeta.

Sa totoo lang, dahil sa overfishing, “one-third of the world’s fish stocks have collapsed or are on the verge,” sabi ng Outlaw Ocean Project, bagay na kolektibong pananagutan ng maraming bansa, pero malaking bahagi ng kargo de konsiyensiya ay sa Tsina. (PANOORIN: China: The Superpower of Seafood)

Ang hindi sustainable na diskarte ng Tsina sa karagatan ay itinutulak ng higanteng populasyon nitong nakadepende sa seafood. Sa katotohanan, nalampasan na ng seafood ang pork bilang preferred protein source ng middle class sa China.

Kaya’t hindi lang pangte-trespass sa bakuran ng may bakuran ang kasalanan ng Tsina, unti-unti nitong dinadala ang buong mundo sa bingit ng food insecurity. At sino nga pala ang isa sa pinakamalaking importer ng seafood mula sa Tsina? Ang Estados Unidos. Magkakakabit ang mga bituka at vested interest ng mga superpower, apparently. (But that’s another editorial.)

At dahil isa na itong superpower, sabi ni Ronald Llamas sa isang panel discussion sa West Philippine Sea, “It is acting like a superpower.” Just because it can.

Pero mabalik tayo sa mga propagandista ng Tsina. Unsolicited advice sa inyo: iba ang ecosystem ng pamamahayag sa Pilipinas kumpara sa Tsina. We do not go gently into the night.

Mayroon man kaming mga kabaro na napatahimik o nabili ng estado lalo na noong panahon ng dating presidenteng si Rodrigo Duterte – buhay na buhay pa rin ang dangal sa hanapbuhay lalo na sa mga kasapi ng FOCAP at NUJP na araw-araw nakikibaka laban sa censorship at pambubusal sa malayang pamamahayag.

May water hose din ang mga mamamahayag, at ‘yan ay ang puwersa ng katotohanan. Kaya’t sa mga opisyal ng Tsina na tinatawag kaming mga “troublemakers,” tumpak. Asahan ninyong magiging tinik kami sa inyong lalamunan habang dinedeliver namin ang hindi binuburdahang katotohanan. – Rappler.com 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!